Mga babuyan, luging-lugi sa ASF

INIREREKLAMO NG MGA magsasakang Pilipino ang lubhang napakababa na danyos na ibinibigay sa kanila ng Department of Agriculture sa harap ng pagkalat ng pandemyang ASF sa bansa. Umaabot lamang sa P3,000-P5,000 kada baboy na kailangang patayin ang ibinibigay ng DA. Umaabot sa P9,000/baboy ang karaniwang presyo kapag binibili ito sa mga sa palengke. Nasa 13 milyon ang populasyon ng inaalagaang baboy sa Pilipinas. Kwarenta porsyento (40%) nito ay inaalagaan sa mga bakuran ng maliliit na magsasaka.
Mula nang unang lumitaw ang ASF sa bansa noong Agosto 2019 hanggang Marso, umaabot na sa 251,450 baboy ang naitalang namatay at pinatay para pigilan ang pagkalat ng sakit. Apektado nito ang mga babuyan sa mga prubinsya ng Bulacan, Nueva Ecija, Quezon, Batangas, Rizal, Cavite. Aurora, Benguet, North Cotabato, Davao City, at Davao Occidental at Sur.
Tinatayang umaabot na sa P1 bilyon ang halaga ng nawalang kita dulot ng ASF noong 2019. Nasa P80 milyon naman ang tinatayang mawawala sa Davao Occidental at Davao City nitong taon.