Ano ang mangyayari sa mga negosyong Pilipino?

,

May-ari ng isang internet shop si Nel sa Metro Manila. Mayroon siyang 10 kompyuter sa kanyang garahe na pinauupahan niya sa mga manlalaro mula alas-8 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi. Nagbabayad ang kanyang mga kostumer ng piso kada apat na minuto o P15/oras ng paglalaro. Ayon kay Nel, kaya niyang kumita ng P1,300-P1,500/araw at P20,000 hanggang P25,000 kada buwan, matapos ibawas ang bayad sa kuryente na umaabot ng P12,000 at bayad sa internet na P3,000.

Nang ipatupad ang lockdown, napilitan siyang isara ang shop dahil hindi itinuturing na “esensyal” ang mga palaruan. Nawalan siya ng kita dahil nakaasa lamang siya sa bayad ng mga manlalaro. Pero kahit tirik ang kanyang negosyo, kailangan pa rin niyang magbayad ng kuryente at internet. Dahil nagtagal ang lockdown, naubos ang maliit niyang impok sa araw-araw na pangangailangan ng kanyang pamilya. Dahil hindi siya kabilang sa “pinakamahirap sa naghihirap,” hindi sila saklaw ng ayudang pagkain at subsidyo ng estado.

Katulad ng shop ni Nel, daan-daan libong tindahan, talyer, karinderya, parlor, barberya at iba pang maliliit na negosyo ang nagsara sa panahon ng lockdown. Gayundin, libu-libong propesyunal tulad ng mga konsultant, abugado at musikero at iba pang “self-employed” ang nawalan ng kita. Sadya namang nakasara ang maliliit na hotel at resort, restoran at kainan na dinadayo ng mga lokal at dayuhang turista.

Sa datos ng reaksyunaryong gubyerno, mayroong 998,342 maliliit at katamtamang-laking negosyo sa Pilipinas noong 2018. Binubuo ng mga ito ang 99.5% ng kabuuang mga establisimyento sa bansa. Pinakamarami rito (90%) ay micro o mga negosyong may siyam-pababa lamang na manggagawa at hanggang P3 milyon ang kapital. Halos kalahati ng mga negosyong micro (427,101) ay nasa subsektor ng pagbebentang wholesale at pagtitingi ng mga produktong pangkonsumo; at pagkukumpuni ng mga sasakyan at motorsiklo, mga gamit na personal at pambahay. Kasunod na pinakamarami ang subsektor ng paupahan o akomodasyon at mga kainan at restoran (125,396); at subsektor ng pagmamanupaktura (103,590). Kalakhan ng maliliit na pagmamanupaktura ay may kaugnayan sa pagkain tulad ng mga panaderya. Ang mga negosyong ito ay buo o mayoryang pagmamay-ari ng mga Pilipino. Madalas, magkakapamilya ang nagpapatakbo at nagtatrabaho sa mga ito. Pinaka-apektado ang mga negosyo sa Luzon na bumubuo sa dalawangkatlo ng lahat ng micro, small, medium enterprises (MSME o mga negosyong micro, maliit o katamtamang-laki) at nag-eempleyo ng 3.8 milyong manggagawa.

Naglabas ng ayuda ang rehimeng Duterte para sa maliliit na negosyo pero ito ay sa anyo ng pautang. Magpapautang ang Department of Trade and Industry ng P200,000 hanggang P500,000 pero mga negosyong rehistrado lamang ang kwalipikado. Tinataya ng mga negosyante na mauubos ang halagang ito sa bayad pa lamang sa upa, kuryente at tubig, utang na di nabayaran sa panahon ng lockdown, at sa mga suplayer ng mga materyal na hindi na napakinabangan.

Sa dalawang buwang lockdown, naubos ang mga pondong pangkagipitan ng maliliit at katamtamang-laking negosyo sa pagpapasahod sa kanilang mga manggagawa. Kulang at makupad ang distribusyon ng ipinangako ng rehimen na P5,000 hanggang P8,000 kumpensasyon sa sahod. Noong Abril, nasa 120,000 aplikasyon lamang ang inaprubahan ng Department of Labor and Employment. Tumigil nang mamahagi ang ahensya nang maubusan ito ng pondo.

Sa buong bansa, nakaambang malugi o mawalan ng kita at trabaho ang 27.3 milyong katao. Ang 11.5 milyon sa kanila ay ang self-employed o may sariling negosyo, 5.7 milyon ang nasa “impormal” na sektor at 10.1 milyon ay di regular ang sahod at sweldo.

Sa taya ng mga ahensya ng gubyerno, mayroon nang 436,000 negosyong nagsara dahil sa lockdown. Nasa 117,000 lamang na maliit at malaking negosyong “esensyal” ang pinayagang manatiling bukas.

Para pigilan ang tuluyang pagsasara ng maliliit at katamtamang-laking negosyo, kailangang magbuhos ang estado ng P79 bilyong subsidyo kada buwan. Kabilang dito ang P53.5 bilyong kumpensasyon para sa 10.7 milyong manggagawa at P26 bilyon para sa mga nagnenegosyo sa “impormal” na sektor. Kailangang magkaroon ng kontrol sa presyo ng mga pangunahing bilihin. Kailangang ipagpaliban ang pagbabayad ng mga utang, upa at yutilidad. Kailangang tiyakin ang daloy ng kinakailangan nilang suplay. Kailangang maagap na nabibili sa angkop na halaga ang mga produktong agrikultural mula sa mga sakahan. Dapat wala munang interes ang mga pautang. Higit sa lahat, kailangang matiyak ang kalusugan ng lahat ng bumabalik sa trabaho lalupa’t nananatili ang banta ng Covid-19.

Ano ang mangyayari sa mga negosyong Pilipino?