Mga neoliberal na hakbang, inilulusot bilang tugon sa pandemya

,

Isinasangkalan ng rehimeng Duterte ang pandemyang Covid-19 para ilusot ang neoliberal na mga hakbang na matagal na nitong gustong iratsada. Muli nitong ipinakete ang naturang mga hakbang sa PH-Progreso (Philippine Program for Recovery with Equity and Solidarity), isang panukalang naglalayong pasikarin ang ekonomya mula sa pagkalugmok na dulot ng lockdown. Pangunahing laman nito ang dating mga pakana tulad ng pagpapababa sa buwis ng mga korporasyon at mga proyektong imprastruktura sa ilalim ng programang Build, Build, Build (BBB).

Bago pa humambalos ang pandemyang Covid-19, tatlong taon nang bumabagal ang paglago ng ekonomya ng Pilipinas. Tuluyan itong bumulusok bunsod ng lockdown at pagpapatigil ng malaking bahagi ng produksyon at serbisyo. Sa Metro Manila pa lamang, 53% ng sektor ng serbisyo ang nagsara dahil sa lockdown. Nasa 73% naman ng mga operasyon sa pagmamanupaktura ang tumigil sa pambansang kabisera, Calabarzon at Central Luzon. Tirik ang sektor ng kalakalang import-eksport at lahat ng moda ng transportasyon. Dahil dito, nasa 23.7 milyong manggagawa ang nanganganib na mawalan ng trabaho. Mahigit 400,000 maliliit at katamtamang-laking negosyo naman ang nawalan na ng kita at posibleng tuluyan nang magsara. Inamin na ng mga upisyal sa ekonomya ng rehimen na kumitid na nang 0.2% ang lokal na ekonomya sa unang kwarto ng 2020. Pinakamalala ang pagkitid na ito sa loob ng higit dalawang dekada.

Bilang tugon, inanunsyo ng mga upisyal sa ekonomya ng rehimen na sinanay ng World Bank ang panukalang PH-Progreso noong Mayo 14. May kaakibat nang mga panukala na nakahapag sa Kongreso.

Pinababang buwis para sa malalaking kapitalista

Ipinararatsada ng PH-Progreso ang pagpapababa ng buwis ng mga korporasyon bilang insentiba sa mga dayuhang kapitalista na inaasahan nitong mamuhunan sa mga programa ng gubyerno. Dati na itong panukala, sa anyo ng panukalang Tax Reform for Attracting Better and Higher Quality Opportunities (Trabaho), na kalauna’y naging Corporate Income Tax and Incentives Rationalization Act (CITIRA) na nakabimbin ngayon sa Senado. Ang CITIRA ang pangalawang pakete ng reporma sa buwis na matagal nang itinutulak ng mga dayuhang negosyo, partikular ng mga kumpanyang US.

Sa bagong panukala na tinawag na Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o Create, ibababa ang buwis ng mga korporasyon mula 30% tungong 25%. Magkakaroon ng kapangyarihan ang presidente na magbigay ng dagdag na mga insentiba at eksempsyon sa pagbubuwis sa malalaking kumpanya. Hinahabol itong maipasa bago magsara ang sesyon ng Kongreso ngayong Hunyo 5 dahil target itong ipatupad sa Hulyo.

Sa konserbatibong taya ng National Economic Development Authority, umaabot sa P259 bilyon ang mawawala sa estado mula ngayong taon hanggang 2022 kung ipatutupad ang nasabing kaltas. Pangunahing makikinabang dito ang mga mga mutinasyunal at kumpanya ng mga burges-kumprador na kumikita ng bilyun-bilyon sa kani-kanilang mga operasyon sa bansa.

Kaugnay nito, inutusan ni Duterte ang Bureau of Internal Revenue na maglabas ng kautusan para bigyan ng eksempsyon ang malalaking kumpanyang tumugon sa kanyang panawagang maglabas ng pondo sa gitna ng pandemya. Alinsunod sa kautusan na inilabas noong Abril 6, ibabawas sa buwis ng mga korporasyon ang kabuuang halaga ng kanilang mga donasyong pinansyal at materyal. Habang binabawasan ang buwis ng mayayaman, dinadagdagan naman nito ang buwis sa mahihirap. Gamit ang emergency powers, iniutos ni Duterte ang pagpataw ng dagdag na 10% buwis sa pag-aangkat ng krudong langis at produktong petrolyo. Magpapasirit ito sa presyo ng mga produktong petrolyo na iindahin ng mamamayan sa susunod na mga buwan.

Trilyong pondo para sa BBB

Para bigyan ng tulak ang makupad na implementasyon ng programang BBB, ipinakete ng PH-Progreso ang mga proyektong imprastruktura bilang estratehiya umano para lumikha ng bagong trabaho na tutugon sa malawakang disempleyo. Alinsunod dito, inihapag ng mga alipures ni Duterte sa Kongreso ang naturang programa bilang panukalang Covid-19 Unemployment Reduction Economic Stimulus (CURES).

Sa gayon, matitiyak ng rehimen na hindi magagalaw ang dati nang nakalaang halos P1 trilyong pondo para sa BBB at madadagdagan pa ito ng P500 bilyon mula sa utang at pondong malilikom ng Bangko Sentral. Ang kabuuang P1.5 trilyong pondo ay paghahati-hatian ni Duterte at mga kongresista at ilalabas sa tatlong bahagi (P500 bilyon kada taon) mula 2021 hanggang 2023.

Hindi lilikha ng makabuluhan at matagalang empleyo ang BBB. Sa nakaraan, ang mga trabahong ipinagmamalaking nalikha nito ay sangkapat lamang ng kabuuang bilang ng trabaho sa sektor ng konstruksyon. Palagiang pinag-aagawan ang pondong pang-imprastruktura dahil dito nanggagaling ang bulto ng nakukurakot ng mga upisyal ng gubyerno. Kahit sa gitna ng pandemya at matinding pagdurusa ng mamamayan, prayoridad pa rin ng mga naghahari ang pagkopo ng pondo para sa sariling kapakinabangan.

Mga neoliberal na hakbang, inilulusot bilang tugon sa pandemya