Badyet para sa pasismo at korapsyon, kinwestyon
Puspusang inurirat at kinuwestyon ng mga progresibong kongresista ang badyet ng rehimeng Duterte para sa 2021 nitong Setyembre. Partikular na pinagtuunan ng pansin ng mga kinatawan mula sa Makabayan Bloc ang pondong inilaan sa militar, sa upisina ni Rodrigo Duterte at maging sa mga ahensyang direktang nakapailalim dito.
Pangunahin dito ang halos 3,000% dagdag badyet para sa National Task Force-ELCAC, ₱206-bilyong dagdag sa Department of National Defense at malalaking alokasyon sa pondong paniktik at mga ahensyang nasa ilalim ng Office of the President. Binatikos ng mga mambabatas ang paggamit ng mga ahensyang ito ng pondo para sa kampanyang panunupil na kinatatampukan ng red-tagging, iligal na pang-aaresto at detensyon, at ekstrahudisyal na pamamaslang laban sa mga organisasyon, indibidwal at institusyong kritikal kay Duterte.
Kaugnay nito, nananawagan si Sen. Franklin Drilon na i-akawnt ang pondo ng NTF-ELCAC na aniya’y sadyang nakabalangkas para sa korapsyon. Sa ₱19-bilyong badyet nito, ₱16.4 bilyon ay kunwa’y ibibigay sa mga barangay para sa hindi programadong mga proyektong sosyal at pang-ekonomya.
Binatikos naman ng mga organisasyong masa ang pagprayoritisa ng rehimen sa programang imprastruktura sa harap ng rumaragasang pandemya. Ayon sa pag-aaral ng Ibon Foundation, hindi bababa sa ₱1.1 trilyon sa ₱4.3-trilyong pambansang badyet ang nakalaan para sa programang Build, Build, Build ng rehimen. Malalaki ang inilaang pondo sa Department of Public Works and Highways (₱613 bilyon) at Department of Transportation (₱107.4 bilyon). Malaking bahagi nito (36%) ay para sa paglalatag lamang ng mga kalsada. Ito ay habang napakaliit ng inilaan (₱1.8 bilyon) para sa pagtatayo ng mga pasilidad medikal at ospital sa harap ng pumapalyang sistemang pangkalusugan ng bansa.
Hindi kaiba sa nakaraan, tinatrato ng mga kongresista bilang pork barrel ang pondo sa imprastruktura. Lumitaw ang malalaking agwat sa alokasyon sa mga distrito nang kwestyunin ng isang maka-administrasyong kongresista ang alokasyon para sa mga distrito ng pinakamasugid na mga tuta ni Duterte sa kongreso. Sa partikular, ang distrito ni Rep. Alan Cayetano ay nilaanan ng ₱8 bilyon, at ₱11.8 bilyon naman sa distrito ni Rep. Luis Raymund Villafuerte.
Kung bubuuin, napakaliit ng idinagdag na badyet para sa mga serbisyong sosyal. Ayon sa Ibon Foundation, lumiit ang inilaang pondo ng rehimen para sa mga programang krusyal sa panahon ng pandemya at resesyon. Kahit pa may bahagyang paglaki sa panukalang badyet para sa Department of Labor and Employment, kulang na kulang ito para bigyan ng ayuda ang milyun-milyong manggagawang nawalan ng trabaho. Bumaba rin ang pondong nakalaan sa Department of Trade and Industry para sa maliliit na negosyo mula ₱534 bilyon tungong ₱454 bilyon.
Taliwas sa ipinagmamalaking badyet ng rehimen para sa edukasyon at serbisyong panlipunan, napakaliit ang idinagdag nitong pondo para sa mga pagbabagong dala ng lockdown. Pareho lamang ang inilaan nitong pondo para sa mga pagbabago ng kurikulum at pagpapaunlad ng patuturo na kailangan para sa mga modular training at online class sa elementarya at hayskul. Halos walang pinag-iba ang alokasyon para sa mga kolehiyo at unibersidad sa 2020 at 2021 kahit pa salat na salat sa kagamitan at pamamaraan para sa mga online class. Wala itong inilaan para paunlarin ang imprastrukturang digital, kahit malaking pahirap ang pagkaatrasado nito sa online na edukasyon.
Pinakamalala ang inilaang badyet para sa Department of Health, na dapat pinakaprayoridad sa panahong batak na batak na ang sistema sa kalusugan at sa tayang pagtagal pa ng pandemya. Itinaas lamang ng 2.9% (₱27 bilyon) ang alokasyon para sa ahensya. Kulang na kulang ito kahit para sa pag-eempleyo pa lamang ng dagdag na mga manggagawang medikal. Maraming krusyal na programa ang kinaltasan pa ang pondo tulad ng pananaliksik kaugnay sa nakahahawang mga sakit, pagmantine ng mga pampublikong ospital (kabilang ang mga Covid-19 center) at mga laboratoryong nagpoproseso ng mga test, sistema ng pangangalap ng napapanahon at tumpak na datos, pagsasanay para sa mga personel sa medikal at marami pang iba. Ayon sa Alliance of Health Workers, sinasalamin nito ang sadyang pagpapabaya ng rehimen sa kalusugan ng mamamayan at mga patakaran laban sa mass testing, contact tracing at pagtitiyak ng syentipikong batayan ng mga hakbang kontra pandemya.
Liban sa paglaki ng pondo para sa kontra-insurhensya at kurakot ni Duterte at kanyang masusugid na alipures, halos walang pinag-iba ang badyet noong 2020 at ang ipinapanukala para sa 2021. Tuloy ang saya ng mga mandarambong at pasista sa pagbulsa sa kaban ng bayan, kahit sa gitna ng pandemya at resesyon.