Protesta para sa karapatan at laban sa kaltas sa badyet at diktadura
Sunud-sunod na mga protesta sa lansangan at online ang isinagawa ng iba’t ibang sektor nitong nakaraang dalawang linggo.
Nagpiket ang mga kabataan sa harap ng Kongreso sa Quezon City kasabay ng pagtalakay sa badyet para sa edukasyon noong Setyembre 16. Sinundan ito ng pagkilos ng mga maralitang lunsod na naggiit na agad nang ipamahagi ang ayuda kasabay naman ng pagdinig sa badyet ng Department of Social Welfare and Development.
Isang araw bago nito, nagpiket naman ang mga guro para manawagan ang dagdag na pondo para sa edukasyon.
Noong Setyembre 14, daan-daang drayber ang nagtipon sa harap ng tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa Quezon City. Panawagan nila na pahintulutan nang bumyahe ang lahat ng dyip, pagbubukas sa lahat ng ruta, at ganap na pagbasura sa pakanang jeepney phaseout. Pinahintulutan ang pagbyahe ng dagdag na 1,159 na dyip pero lubhang kulang pa rin ito. Nananatiling nakatengga ang 58,000 na dyip at wala pa ring kita ang 116,000 mga drayber.
Sa parehong araw, inilunsad ng Karapatan ang Global Day of Action for the Philippines kasabay ng pagbubukas ng sesyon ng United Nations Human Rights Council. Nakiisa rito ang limang espesyal na taga-ulat ng United Nations, mga myembro ng parlamento ng European Union, Basque at Australia, mga internasyunal na koalisyon at institusyon, at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao sa Hongkong, Korea, Kenya, Turkey at South Africa.
Nagtipon ang mga biktima ng batas militar at kanilang mga tagasuporta sa Bantayog ng mga Bayani noong Setyembre 11, sa araw ng kapanganakan ng diktador na si Ferdinand Marcos. Kinundena nila ang tangkang pagsasabatas ng Marcos day o Araw ni Marcos sa Ilocos Norte.
Sa Davao City, lumabas sa upisina ang mga myembro ng Gabriela, KMU at Karapatan at nagtungo sa Orcullo Drive noong Setyembre 14 para iprotesta ang paulit-ulit at laganap na red-tagging at panggigipit ng militar at lokal na gubyerno sa mga aktibista sa syudad.