Abusadong mga sundalo at pulis, inambus ng BHB

,

Tinambangan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Western Samar ang mga elemento ng 19th IB sa Barangay Sta. Cruz, Matuguinao noong Setyembre 26. Limang sundalo ang napaslang at 12 ang sugatan.

Sa Northern Samar, pinaputukan ng isang yunit ng BHB ang mga elemento ng CAFGU at 43rd IB sa Barangay Pagsang-an, San Roque noong unang linggo ng Setyembre.

Tumaob ang sasakyan ng mga pulis nang tambangan sila ng isang yunit ng BHB-Albay sa haywey sa Barangay Cawayan, Manito noong Setyembre 28. Sugatan sa opensiba ang dalawang pulis.

Noong araw ding iyon, inambus ng BHB-Mindoro ang mga elemento ng 403rd Regional Mobile Force Battalion (RMFB) sa Barangay Sta. Teresita, Mansalay, Oriental Mindoro. Tumalilis ang mga sugatang pulis at iniwan ang kanilang sasakyan. Tuluyang winasak ng BHB ang sasakyan ng pulis. Kasabay nito, inatake ng isang hiwalay na yunit ang detatsment ng 403rd RMFB sa Barangay Cabalwa sa parehong bayan.

Dalawang operasyong isnayp din ang inilunsad ng BHB-Mindoro noong Setyembre 16 at 22 laban sa 203rd IBde na umuokupa sa Barangay Monteclaro, San Jose, Occidental Mindoro.

Pinasabugan naman ng BHB-Central Panay ang nag-ooperasyong pwersa ng 12th IB sa Barangay Binulosan Piqueño Calinog, Iloilo noong Setyembre 17. Isang araw bago nito, pinaputukan ng mga Pulang mandirigma ang mga tropang nagsasagawa ng operasyong saywar sa Barangay Masaroy sa tabing ng Retooled Community Support Program.

Iniulat din ng yunit ang dalawang operasyong haras laban sa mga sundalo sa mga barangay ng Roosevelt at Tacayan, Tapaz, Capiz noong Agosto at Hulyo. Isa ang patay at dalawa ang sugatan sa hanay ng 12th IB.

Sa Barangay Baluan, Palimbang, Sultan Kudarat, hindi bababa sa tatlong sundalo ang napatay sa isang engkwentro noong Hulyo 26. Isang Pulang mandirigma ang namartir.

Abusadong mga sundalo at pulis, inambus ng BHB