Sundalong gwardya ng Consunji, tinambangan; 24 patay

,

Magkasunod na binigwasan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang mga sundalong protektor ng mapaminsalang operasyon ng mga kumpanya ng mina at troso ng malalaking burgesya kumprador sa Mindanao nitong nagdaang mga buwan. Apatnapung sundalo ang naitalang patay at hindi bababa sa 34 ang sugatan sa ambus nito sa mga prubinsya ng Sultan Kudarat at Surigao del Sur.

Tinambangan ng BHB-Far South Mindanao Region noong Setyembre 2 ang tropa ng 37th IB na lulan ng trak ng militar sa Barangay Sta. Clara, Kalamansig, Sultan Kudarat. Napatay ang 24 na sundalo at 28 iba pa ang nasugatan. Papunta ang mga sundalo sa Barangay Datu Andong sa parehong bayan para depensahan ang ABU-Gemma Construction Company.

Ilang oras bago nito, pinaralisa ng BHB ang isang backhoe ng naturang kumpanya na nagsasagawa ng pagpapalawak ng kalsadang gagamitin sa malakihang operasyong pagtotroso ng D.M. Consunji Incorporated sa unang distrito ng prubinsya. Noong Agosto 17, inambus ng mga Pulang mandirigma ang isang yunit ng 37th IB sa parehong barangay. Tatlong sundalo ang namatay at isa ang nasugatan.

Sa Surigao del Sur, sunud-sunod na armadong aksyon ang inilunsad ng hukbong bayan laban sa mga nag-ooperasyong tropa ng 3rd SFB, 36th IB, 65th IB at 75th IB na nagsisilbing protektor ng mapandambong na mga operasyong mina sa prubinsya. Napatay sa mga labanan si 2nd Lt. Danus at 12 pang sundalo. Limang sundalo ang nasugatan.

Pinasabugan ng BHB ang mga sundalo sa Barangay Hinapuyan, Carmen noong Hulyo 30. Sa barangay Libas Sud at Siagao, San Miguel, tatlong operasyong haras ang inilunsad ng BHB mula Mayo 14 hanggang 18.

Naglunsad din ang BHB ng isang ambus at tatlong operasyong haras laban sa magkakumbinang pwersa ng 36th IB, 75th IB at 65th IB noong Agosto 4-8.

Sundalong gwardya ng Consunji, tinambangan; 24 patay