Pagsandig sa dayuhang abono, balakid sa pagkamit ng seguridad sa pagkain

,

Ibayong nilantad ng pandemyang Covid-19 ang atrasadong katangian ng agrikultura sa Pilipinas. Ang mga pagtigil sa produksyong agrikultural sa buong daigdig bunsod ng mga lockdown, kwarantina at restriksyon sa transportasyon ay nagpalala sa krisis ng lokal na sektor ng agrikultura na tali sa dayuhang mga gamit sa produksyon at nakatuon sa eksport. Nakatakdang tumindi ang krisis sa pagkain na ibinunsod ng deka-dekada nang liberalisasyon sa agrikultura, monopolisadong kontrol sa lupa at kawalan ng suporta sa maliliit na magsasaka.

Isang mukha ng pagiging atrasado ng lokal na agrikultura ang kawalan ng batayang mga industriyang nakatuon sa pagmamanupaktura ng mga gamit sa produksyon sa sektor. Kabilang dito ang kawalan ng kakayahang magmanukpaktura ng angkop na abono at limitadong paggamit nito sa mga palayan, maisan at gulayan. Sa abereyds, ang lokal na mga magsasaka ay gumagamit lamang ng 157 kilo ng abono kada ektarya ng masasakang lupa kada taon. Lubhang napakababa nito kumpara sa rekord ng Vietnam na 429.8 kilo.

Napakamahal ng mga abono sa Pilipinas relatibo sa pandaigdigang mga presyo. Ang abereyds na presyo ng urea, karaniwang abono na ginagamit ng mga Pilipinong magsasaka, ay ₱1,030 kada 50-kilong sako noong Hunyo. Higit doble ito sa abereyds na pandaigdigang presyo na ₱505/sako sa parehong buwan. Ang presyo ng ibang pangunahing tipo ng abono kabilang ang complete NPK (₱1,072), ammonium sulfate (₱586), ammonium phosphate (₱961) at potassium chloride (₱1,197) ay napakataas din kumpara sa pandaigdigang mga abereyds.

Relatibo sa pambansang abereyds, pinakamahal ang ibinebentang mga abono sa Eastern Visayas, sunod ang Bicol. Pangunahing agrikultural ang naturang mga rehiyon. Ang Eastern Visayas ay ikaapat na pinakamahirap na rehiyon sa bansa.

Kontrolado ng mga multinasyunal na korporasyong agrokemikal ang pagpepresyo sa mga abono sa Pilipinas dahil mayorya ng lokal na suplay ay inaangkat. Noong 2018, nag-angkat ang bansa ng kabuuang 2.37 milyong metriko-toneladang (MT) abono na nagkakahalagang ₱34.76 bilyon. Katumbas nito ang 75% ng kabuuang suplay ng abono sa bansa (3.15 milyon MT) sa parehong taon.

Noong 2019, tumaas pa ito tungong 2.57 milyon MT (₱35.4 bilyon). Sa bolyum na ito, 40% (1 milyong MT na nagkakahalagang ₱13 bilyon) ang inangkat mula sa China. Inaangkat ng Pilipinas ang kabuuang suplay nito ng urea dahil hindi ito pinoprodyus ng mga lokal na planta. Ito ang nakapagtala ng pinakamataas na bolyum (856,853 MT) ng inangkat na abono noong 2018. Laganap ang paggamit ng urea (46-0-0) dahil madali itong gamitin at hindi nakalalason kumpara sa ibang mga di-organikong abono.

Nagsimula ang todo-todong pag-aangkat ng abono nang baklasin ang mga kantitatibong restriksyon at taripa sa produkto noong dekada 1990. Ipinatupad ito alinsunod sa General Agreement on Tariffs and Trade at Agreement on Agriculture na ipinataw sa bansa ng World Trade Organization, bilang bahagi ng pakana nito na todo-todong ibuyangyang ang lokal na sektor ng agrikultura. Binansot ng neoliberal na mga iskemang ito ang anumang posibilidad para makapagtayo ang bansa ng nagsasariling industriya sa pagmanupaktura ng abono, at itinali ang bansa sa pag-aangkat.

Sa kabilang banda, apat na pribadong kumpanyang agrochemical lamang ang may kapasidad na magprodyus ng abono sa bansa—Soiltech Agricultural Products (may kapasidad na magmanupaktura ng 1 milyong MT/taon), Atlas Fertilizer Corp. (230,000 MT), Farmfix Fertilizer (50,000 MT), at International Chemical Industries Inc. (22,000 MT). Ang produksyon ng mga ito ay limitado lamang sa paghahalo ng mga hilaw na materyales gaya ng mga phosphate rock, anhydrous ammonia at sulfuric acid na pawang inaangkat din mula sa ibang bansa, pangunahin sa China.

Sa kasalukuyan, nahaharap ang lokal na sektor ng agrikultura sa napakalaking hamon dulot ng mga pagtigil sa pandaigdigang produksyon ng abono. Noong Agosto, sumirit ang presyo ng urea mula ₱536/sako noong Hulyo tungong ₱624/sako noong Agosto. Ang abereyds na presyo nito noong nakaraang taon ay ₱543.75 lang.

Pangunahing apektado sa krisis na ito ang mga magsasaka ng palay dahil 38% ng kabuuang ginagamit na abono sa bansa ay sa mga palayan, sunod sa maisan (21%), prutasan at mga gulayan (7%). Dahil nakaasa na ang kanilang produksyon sa dayuhang abono, tiyak na lalupang babagsak ang ani sa susunod na mga buwan.

Pagsandig sa dayuhang abono, balakid sa pagkamit ng seguridad sa pagkain