Kumprehensibong pagsulong sa Negros
Kumprehensibong pag-abante sa larangan ng ideolohiya, pulitika at organisasyon ang iniulat ng komite ng Partido sa Negros sa harap ng pananalasa ng rehimeng Duterte at pandemyang Covid-19.
Sa larangan ng ideolohiya, nagkaroon ng pormal na diskusyon ang mga sangay sa 25-taong pagsusuma ng rehiyon. Matagumpay ding nailunsad ang 3-antas ng pormal na edukasyon. Sa Central Negros, nakapagtapos ang 200 kasapi ng Partido sa Batayan at Intermedyang Kurso ng Partido noong 2020. Nakapagtapos din ng Abanteng Kurso ang mga kadre ng rehiyon. Bunga ang mga ito ng inilunsad na kauna-unahang kumperensya sa edukasyon sa rehiyon noong unang bahagi ng 2020.
Sa organisasyon, nakapaglunsad ng mga asembliya at pulong ang mga samahang masa at nakapaghalal ng mga bagong upisyal. Nakapagtayo ng mga balangay para sa magsasaka, kababaihan at kabataan. Lumaki nang 10%-15% ang bilang ng organisadong masa at nadagdagan nang 5%-10% ang daanlibong baseng masa.
Sa pulitika, napakilos ang mga magsasaka sa paglulunsad ng rebolusyong agraryo at antipyudal at antipasistang paglaban. Malawakang namahagi ang mga rebolusyonaryong pwersa sa rehiyon ng mga polyeto ukol sa pandemyang Covid-19 at naglunsad ng mga klinikang bayan. Pinakamalaki rito ang 2,000 masang naserbisyuhan sa Central Negros. Sa buong 2020, 75 elemento ng AFP ang naitalang kaswalti mula sa 30 taktikal na opensiba at pamamarusa ng BHB sa isla.