Batangas-Mindoro “super bridge,” kontra-mamamayan at mapangwasak sa kalikasan

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Patuloy ang pagdurusa ng mga Mindoreño at mamamayan sa mga karatig isla ng Mindoro dulot ng pagkawasak sa karagatan at kanilang kabuhayan bunga ng pagtagas ng langis mula ng lumubog na barkong MT Princess Empress. Dagdag pa ang matitinding brownout na matagal na nilang iniinda dahil sa kapalpakan ng Department of Energy at lokal na kooperatiba ng kuryente.

Sa halip na bigyan ng karampatang bayad-pinsala ang apektadong mamamayan, isang mapangwasak sa kalikasang proyekto ang ipinapanukala ngayon ng rehimeng Marcos Jr, kakutsaba ang malaking burgesyang kumprador na si Ramon Ang. Isa si Ang at kanyang mga kumpanya sa tumatangkilik sa serbisyo sa di pasadong mga barko ng RDC Reied Marine Services, ang kumpanyang nagmamay-ari ng MT Princess Empress. Si Ang ang sumalo sa mga kumpanya ni Eduardo Cojuangco Jr, ang pinakamalaking kroni ng ama ng kasalukuyang presidente at dating diktador na Ferdinand Marcos Sr.

Para pagtakpan ang pananagutan, binuhay ni Ang ang proyektong Batangas-Mindoro “super bridge” na ipinipilit nitong “tugon” sa paghihirap ng mga Mindoreño. Pilit niyang pinalalabas, kakoro ni Ferdinand Marcos Jr, na ihahatid ng tulay ang “paglago at pag-unlad” hindi lamang sa Oriental Mindoro kundi sa buong rehiyon ng Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan.)

Ang mapangwasak na proyekto ay unang iminungkahi noon pang 2011.

Pangwawasak sa kabuhayan at kalikasan

Ang Batangas-Mindoro “super bridge” ay tulay na may habang 15 kilometro na magdudugtong sa isla ng Mindoro sa isla ng Luzon sa bandang Batangas. Ayon sa panukala, magsisimula ito sa Barangay Ilijan sa Batangas City, dadaan ng Isla Verde at dudugtong sa Barangay Sinandigan sa Puerto Galera. Sa naisapublikong detalye ng proyekto, umaabot sa 300 metro pababa sa dagat ang “deepest point” nito. Sinasabing kakayanin nito ang lakas ng hangin na 354 kph. (Ibig sabihin, mawawasak ito kung dumaan ang sinlakas ng bagyong Yolanda noong 2013 na may dalang hangin na umabot sa 378 kph.)

Sa pinakabagong taya na ibinigay ni Ang, kakayaning itayo ang tulay sa loob ng limang taon sa halagang ₱18 bilyon. Ipinagmamalaki ito bilang unang “floating bridge” sa Pilipinas at pinakamahaba sa Asia. Ang ganitong disenyo ng tulay ay madalas na temporaryo at para lamang sa maiiksing distansya.

Tatawid ang tulay sa protektadong Verde Island Passage (VIP), ang tinaguriang “sentro ng sentro ng marine biodiversity” ng buong mundo. Saklaw ng VIP ang 1.14 milyong ektaryang karagatan na pinalilibutan ng mga prubinsya ng Batangas, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque at Romblon. Matatagpuan dito ang pinakamaraming bilang ng klase ng shorefish sa buong mundo. Sa ngayon, may nadokumento nang 1,736 marine species sa lugar, kabilang ang ilang klase na malapit nang mawala. Mahalagang lugar ito para sa mga syentista at mananaliksik.

Mas mahalaga, ang mayaman-sa-rekursong VIP ay pangisdaan ng daan-daang mangingisda. Nakaasa ang kabuhayan ng tinatayang dalawang milyong tao sa limang prubinsya sa VIP.

Noong 2018, nagbalangkas ng petisyon ang mga lokal na gubyerno ng Batangas at mga prubinsya ng Mindoro para ipadeklarang World Heritage Site ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization ang VIP. Pero sa ngayon, todo-todo ang pakikipag-areglo ng lokal na gubyerno ng Mindoro kay Ang para buhayin ang proyekto.

Dagdag sa oil spill at Batangas-Mindoro super bridge, sangkot din si Ang sa iba pang mapangwasak na proyekto sa VIP. Noong 2021, kabilang ang kanyang mga kumpanya sa nagtulak para minahin ang liquid natural gas sa lugar. Karugtong nito ang pagtatayo ng 27 bagong planta at pitong LNG terminal sa mga komunidad sa baybay ng Batangas.

Liban sa pangwawasak sa VIP, kilala rin si Ang sa pangwawasak ng mga bakawan at pagpalayas sa mga mangingisda sa Bulacan sa isinasagawang pagtatayo ng multi-bilyong proyektong Aerotropolis. Isa pang mapangwasak niyang proyekto ang Pasig River Expressway na mariing tinututulan ng mga residente ng syudad.

Batangas-Mindoro “super bridge,” kontra-mamamayan at mapangwasak sa kalikasan