Napakamahal, mapanganib at di istableng enerhiyang nukleyar

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Ipinagmayabang ni Ferdinand Marcos Jr na naengganyo nitong “mamuhunan” sa sektor ng enerhiya ng Pilipinas ang isang kumpanyang gumagawa ng maliliit na plantang nukleyar mula sa huling pagbisita niya sa US. Nagpahayag diumano ng “interes” ang NuScale Power Corporation na magsagawa ng pag-aaral para sa potensyal na lugar para sa mga small modular reactor o SMR nito sa Pilipinas.

Maglalagak diumano ng hanggang $7.5 bilyon ang NuScale sa bansa para magsuplay nang hanggang 430 megawatts sa taong 2031. Ginamit ni Marcos ang di istableng suplay ng kuryente sa iba’t ibang bahagi ng bansa para engganyuhin ang mga Pilipino sa sobrang mahal, mapanganib at di pa subok na teknolohiyang nukleyar.

Unang naibalita ang planong pagtatayo ng maliliit na plantang nukleyar matapos ang pagbisita ni US Vice Pres. Kamala Harris sa Pilipinas noong nakaraang taon. Bahagi ang proyekto sa pinagkasunduan ni Marcos at Harris na 123 Agreement para makapasok ang Amerikanong kumpanyang nukleyar sa Pilipinas. Isa sa mag target na pagtatayuan ng limang SMR ang isang bayan sa baybay ng Pangasinan na nakaharap sa South China Sea.

Mahigpit na binatikos ng mga makabayang kongresista ang mga kaisahang ito. Anila, ang mga reaktor na ito ay maari ring magprodyus o magsuplay ng enerhiya ng mga armas nukleyar. Labag ito sa pinirmahang mga kasunduan ng reaksyunaryong estado para sa nuclear non-proliferation (pagbabawal para sa produksyon ng mga armas nukleyar).

Sino at ano ang NuScale Power Corp?

Ang NuScale Power Corporation ay isang kumpanyang nagpapaunlad at nagmamanupaktura ng mga SMR base sa pananaliksik ng mga syentista ng Oregon State University. Si-nusubsidyuhan ng gubyerno ng US kapwa ang pananaliksik at produksyon ng NuScale.

Ang SMR ng kumpanya ay inilarawan ng Institute for Energy Economics and Financial Analysis, isang grupo sa pananaliksik sa US, na “masyadong matagal (itayo), sobrang mahal, masyadong mapanganib at di tiyak.” Noong 2021, isinapubliko ng kumpanya na ang malilikhang kuryente mula sa network ng mga SMR nito ay magkakahalaga ng $58 per megawatt hour (MWh). Pagsapit ng 2023, umabot na ito sa $89/MWh dulot ng papataas na gastos sa konstruksyon.

“Nakagugulantang” ang presyong $89/MWh ng produksyon ng enerhiyang nukleyar ng NuScale kumpara sa abereyds na presyo ng produksyon ng enerhiya mula sa araw at hangin ($40/MWh at $30/Mwh noong 2020). Pagsapit ng 2030, tinatayang nasa $20/Mwh na lamang ang produksyon mula solar at hangin habang posibleng umabot sa $200/Mwh ang gastos ng produksyon ng SMR nito.

Ang mga SMR ng kumpanya ay hindi pa naitatayo, napagagana o nasusubok sa komersyal na produksyon ng kuryente saanman sa mundo mula nang sinimulan itong paunlarin noong dekada 2000. Ang kauna-unahang konstruksyon ng anim na SMR para magprodyus ng 10MWh kada isa ay inanunsyo noon lamang Mayo 2022 sa bansang Romania. Sa taya ng NuScale mismo, ang pagtatayo ay tatagal hanggang 54 buwan bago ito mapakinabangan.

Walang batayan ang sinasabi ng mga “eksperto” sa nukleyar sa Pilipinas na “makatitipid” ang bansa sa SMR. Sa kasalukuyan, nagkakahalaga ng $5.3 bilyon hanggang $9.3 bilyon ang konstruksyon ng 8-12 SMR na makapagpoprodyus ng kuryenteng 462 megawatt.

Wala rin sa katayuan ang NuScale at sinuman na sabihin na magiging episyente at produktibo ang mga SMR nito sa simpleng dahilan na wala pang umiiral na gayong operasyon.

Kabaliktaran ang sinasabing “mas malinis” ang mga SMR kumpara sa malalaking plantang nukleyar. Sa isang pag-aaral ng Stanford University noong 2022 na “mas malaki ang bolyum ng duming nukleyar” na inilalabas ng mga SMR.

Napakamahal, mapanganib at di istableng enerhiyang nukleyar