(para sa pinakamamahal naming supling) Sa Aking Paglisan

 

Sa aking paglisan
Anak, sana’y iyong maunawaan
Hindi kita tinalikuran
Hindi kita kinalimutan

Pag-iwan sayo’y hindi madali
Sa bawat iyong paghikbi
Labis ang aking pighati
Ang mawala sayong tabi
Nagpapaluha sa akin gabi-gabi.

Subalit sa tuwing minamasdan kita
Gumuguhit din sa aking gunita
Larawan ng mga batang
Ninakawan ng pagkabata.

Sila’y tulad mo ring mga musmos
Ngunit hindi ligtas sa pambubusabos

Sila yaong nakikipagpantintero sa lansangan
Nakikipag-unahan sa basurahan
Hinahalukay ang lamang-tiyan.

Silang pagbabanat ng buto ang tanging laro
Kaulayaw palagi ang araro, asarol at piko
Pagkat libro ay para lamang sa mga amo.

Mga batang biktima ng bulok na kultura
Inilalako na parang putahe sa karinderya
Murang edad, kapalit ay barya.

Sa aking paglisan
Anak, sana’y iyong maunawaan
Hindi sa mas mahal ko ang ibang bata
Mahal kita.
Mahal na mahal ka namin ng iyong ama.

Subalit …
Ang pananatili sayong tabi
Ay pagiging bulag at bingi
Ang aming paglisan
Ay para sa kalayaan.


Sa Aking Paglisan