ni Fernando Casibio Bakit Ko Naman Isasara ang Pinto Ko sa Inyo?
“Mga kasama, pagpasensyahan n’yo na,” agad na salubong
sa mga Hukbong ‘di pa man nakapapasok lahat sa silong,
“at ako laa’y talagang binalaan na ni Kapitan Mando:
‘wag na muna kayong patuluyin dine sa bahay ko.
“Ano’t pangalan ko raw ay kuha na sa kampo,
at pookan nami’y ipinamarali na sa ibang baryo.
Nagpapatuloy daw anya ako ng mga katulad n’yo!
Ano ba naman sa mata ng Diyos ang s’yang kasalanan ko?”
“Ay, ano raw ho baga ang s’yang pangyayari?”
usisa ng kasamang agad nilang pinagkape.
“Ay, paano’y alala baga ninyo nang muntik dineng magpang-abot?
‘Di ga’t limang minuto ang layo namin sa inyong gulod?
“Mainam at agad naisip ng anak ko na tumawag,
nang ang nagdatingang mga sundalo’y sa inyo maiulat.
Habang ako? Ay, hangos! Kaagad, kumot ang aking hanap
para maitaklob sa mga naiwang pa-charge dine’t ‘di sumambulat!”
“S’ya nga. Gay-on na nga ho ang aming pasasalamat!
At kung ‘di ho sa paabot n’yo’y baka sa putukan napamulat!
Kaagad naman hong kumalas ang mga kasama nang umagang ‘yon,”
paliwanag ng Hukbong iniligtas ng gay-ong pagtulong.
“Pero mabanggit ko lamang din tungkol sa mga sundalong ‘yan –
Ni hindi ako kausapin ng direkta’t harapan!
Ipinagtanong na kayo sa pookan maliban lamang sa amin.
Aba’y tila baga gustong ang takot sa aki’y maitanim.
Nang ‘di kayo nahagilap ay saka lamang ako tinungo,
pero para lamang pala mag-iwan ng panduduro.
Aba’y sabi’y “Sa susunod hong kami’y mapalaban
sa maalin sa mga gulod sa inyong kapaligiran
ay tiyak hong kayo ang aming babalikan,
dahil alam naming kayo ang nag-aalaga sa mga ‘yan.”
Saka nag-alisan ang mga hayop, maiinit ang ulo –
Aba’y nambali pa nga ang dyip n’yan ng aming mga tubó!
Paroon naman agad ako sa inyong pinagpuwestuhan,
at kako’y maimis ang anumang bagay na inyong naiwanan.
Taklis ang aking gulok, sinimulan kong tabasan
ang sukal nang maikubli ang paldas ng hinimpilan.”
Tila halos maluha ang Hukbo sa pakikinig
dahil pa sa pagtitiwala at galak, higit pa sa takot at galit.
At muli, babang-loob na nagpuna sa kanilang mga kahinaan,
at nagpasalamat sa muling pagkakaligtas sa labanan.
“Kaya nga rin ho sana’y ‘di na muna kami rine magtitipon;
nga laa’y said na ho sadya ang karga ng aming mga selpon.
Ay, hindi ho naman aaring sa ating masa’y ‘di makapag-alam
ng kalagayan sa mga baryo para sundalo’y maiwasan.
“Kanipisan na rin ho ng dalang panustos ng mga kasama.
Ay, baka ho sunod na makapabili’y sa tawid-bayan pa.
Kaya’t nakahihiya man hong lubos at tunay,
talagang sa pasuyo lamang mapahahaba ang aming buhay.”
“Mga kasama, pagpasensyahan n’yo na,” ulit ng matanda,
“at talagang sa kampo’y mainit na ‘ko sa kanilang mata.
Aba’t ‘yang Piptinaynt ng Armi’y ‘di maalam mangilala,
at pa’no’y kahit anak ko, pinagbibintangan na’t may banta!
“Ngunit d’yan sa katapat nami’y may paninda silang bigas.
Baka kahit paano’y may kaunti ring nudels, kape, asukal, sardinas.
‘Pag naiayos na ni misis ang mga pa-charge n’yo’y ipakikisuyo natin.
Hayaan n’yo na ‘yan sa amin, at mukhang ‘di pa kayo nakakakain.”
‘Di magkamayaw ang pasasalamat sa bawat pananalita
ng mga Hukbong dahil sa masa, muling makatatawid sa dalita.
At habang hinahainan ng kadyos na binulanglang,
‘di napigilan ng isa ang itanong: “Maigi ho’t ayos pa rin laang?”
Nakangiting may lumanay ang masa nang tumugon:
“Ay, oo nga. E ano’t magagawa ba naman namin sa inyo ‘yon?
Maging si Kapitan nama’y hindi naman nahintakutan.
Aari nga raw kayong mag-charge. Mag-iingat laang.
“Sa totoo laang, utoy, kainaman na ng inihigpit kaysa dati,
pero wala sila ni ebidensya! At wala akong ginagawang mali!
Kaya’t hangga’t nabubuhay ako, buhat ng pamilya ko,
at ang lupang ipinaglaban natin dine sa aming sityo,
ika ko nga rin minsan mismo kay Kapitan Mando,
“Bakit ko naman isasara ang pinto ko sa inyo?”