Ang Pagtatagpo sa Hangganang Larangan
“Nakakagulat pero nakatutuwang pangyayari.” Ito ang masayang pagbabahagi ni Ka Hunan sa mga kasama. Sino ba ang makalilimot sa araw na iyon?
Maaga pa ay binagtas na nila Ka Raur ang masukal na logging road papunta sa oblagang iyon. Kinakabahan man siya pero pumupusta ng kanilang buhay ang mga masa na samahan sila para patotohanan ang kanilang sinasabi. Si Ka Vira, dating NPA noong maagang bahagi ng dekada nubenta at sinasaligang aktibista sa baryo, si ka Arto na tubo talaga sa lugar na iyon at nirerespeto ng taumbaryo, at tatlo pang residente ang kasama nila.
Dalawa lang sila ni ka Binro. Itak at icom lamang ang kanilang dala. Sadyang hindi sila pinadala ng mga kasama ng baril para hindi maalerto ang kanilang pupuntahan.
“Sigurado kami, mga kasama sila!” Walang pagdadalawang loob na sabi ni ka Vira.
“Magagalang sila sa pananalita. Nanggagamot at nagbibigay ng pag-aaral. Lumalahok din sa gawaing produksyon ng masa. Binabadyet din nila ang kanilang pagkain. Masinop at malinis sila sa pagbabase,” dagdag pa ni ka Arto ng sabihin ng mga kasama na “baka naman mga army yan na nagpapanggap.”
Karaniwan nang ginagawa ng 84th IB o ng 1st IB ang pagpapanggap na NPA sa pag-aakalang malilinlang nila ang masa. Pero kahit anong panggagaya nila sa kasuotan ng NPA at pagbibigkas nila ng mga terminong pulitikal, hindi nakaliligtas sa mapanuring mata ng masa ang kanilang kagaspangan, kawalang tiyaga sa pakikipagtalakayan, at pagkainip sa mahirap na pamumuhay ng masa. Hindi sila makatiis na hindi makapag-ulam ng karne, uminom ng alak at mangkursunada sa kababaihan.
“Sigurado kami na NPA din sila.” Paulit-ulit na sinasabi ng masang kanilang kaharap. Sila Ka Ruar ang nakatalagang yunit ng NPA ng rehiyon ng Gitnang Luzon sa erya na iyon. Wala din naman silang natanggap na pabatid mula sa ibang rehiyon na may mga kasamang umaabot doon. Halos pitong taon na ang nakalipas mula ng nakadaop nila ang mga kasama sa hangganan ng larangan.
Sina Ka Ruar at Ka Binro ang naatasang pumunta. Kabisado nila ang tereyn at mga masa sa erya sakali mang mga militar nga ang mga iyon na nagpapanggap.
Nauna sina Ka Vira ng ilampung metro sa oblagan ng mga kasama para ipabatid na may kasama silang mga NPA din. Tulad nina Ka Ruar, “baka panggap ang mga yan,” ang agad na reaksyon nina Ka Hunan. Anu’t anuman, nag-alerto na rin ang mga kasama.
“Kung panggap yan, ang lakas naman ng loob nilang pumunta dito,” sa loob-loob ni Ka Yenan.
Taktak ang pawis sa magkahalong kaba at eksaytment nina ka Raur at Ka Binro. Napansin agad nila na mataas ang alerto ng mga kasamang nasa harapan. Suot lahat ang amo belt at mahigpit ang hawak sa baril. Ang masa namang kasama nila ay agad na nilapitan ang mga kasama at masiglang sinasabi na “mga kasama sila.”
Nang magkalapit na, agad na inalok ni Ka Ruar ang kamay para magpakilala, na sinalubong naman ng mahigpit na pakikipagkamay ni Ka Hunan. Sumilay ang mga ngiti at umaliwalas ang mukha ng mga nakapaligid na mga kasama at masa.
“Paano kayo napanatag na kasama nga kami?” tanong ni Ka Binro habang nagkakape. “Kilala at tiwala kami sa masang kasama ninyo. Maliban doon, may garter pa sa binti ang parkang suot ninyo,” sagot ni ka Yenan. Sabay pang napatingin sa kanilang parka sina Ka Ruar at Ka Binro, habang hagalpakan naman sa tawa ang mga kasama.
Kinabukasan, nagtagpo at nagdaop ang mga kasama sa hangganang larangan ng Gitnang Luzon at Timog Katagalugan. Ilan sa kanila ay dati nang magkakilala, nagkasama sa ilang pag-aaral at pagsasanay. Marami ay noon lamang nagkita pero parang dati nang magkakakilala. Sa maiksing panahon ay nagsama-sama sila para magbahagian ng mga lagom na aral, magpalitan ng mga kaalaman at nagkaisa kung paano magkakatulungan sa harap ng sitwasyong militar at paano ipagpapatuloy ang gawaing pampulitika. At nang dumating ang sandali ng pagpapaalam sa isa’t isa, parehong yunit ay mataas ang rebolusyunaryong optimismo sa muling pagkikita, sa mas pinaigting na pagsusulong ng digmang bayan.
Mayo 18, 2023
Ming Pagbutlak