OPKAT sa Gitnang Luzon

 

OPKAT? UPCAT? UP College Admission Test? Naku hindi po. Walang eksam dito para makapag-aral. Walang enrolment. Walang rangking. Walang bayad.

Dito sa loob ng New People’s Army-Gitnang Luzon, araw-araw ay may makabuluhang talakayan. Ito ang ORAS PARA SA KAUNTING TALAKAYAN o OPKAT.

Ito ay impormal na talakayan na nagsisimula sa PASA-MENSAHE tuwing umaga na nagmumula sa Punong Kumander at inire-reley sa buong elemento ng Platun. Kung may sitwasyong militar na pinakikitunguhan, BASA-MENSAHE ito na pinapasa sa mga pormasyon. Batay sa itinakdang paksa kada araw, ang mensahe na ibinibigay ng Kumander ay nagmumula sa mga mungkahi ng mga pantulong na kapulungan — grupo sa pulitika, grupo sa panloob na seguridad, kabuhayan, medikal, at ng mga opisyal at mandirigma ng NPA. Halimbawa, sa araw ng Lunes, Martes at Miyerkules ay nagbibigay diin sa aspetong militar, Huwebes at Biernes ay PADEPA at MLM, Sabado ay talakayang medikal at iba pang pag-aaral kaugnay sa mga pantulong na kapulungan, at tuwing Linggo ay kultural.

Sa pangunguna ng Pulitikal Instruktor at grupo sa pulitika ay nilalapatan ito ng political inputs at katanungan para maging gabay sa daloy ng talakayan. Karaniwan ay per tim ang talakayan, o di kaya ay kumbinasyon ng magkakaibang pormasyon. Pagkaminsan ay sa buong Platun din.

“Ano ang intindi?,” karaniwang tanong para simulan ang talakayan. Halimbawa, matapos talakayin ang rebolusyunaryong talambuhay ni kasamang Jose Maria Sison, ang pasa mensahe kinabukasan ay “puspusang magpanibagong hubog.” Ang political input ay “Gawing halimbawa si kasamang Jose Maria Sison na tinalikuran ang mga materyal na batayan ng kanyang uring pinagmulan.” Para dumaloy ang talakayan, ang gabay na tanong ay “anong materyal na batayan ng uring iyong pinagmulan ang hindi mo pa lubusang naitatakwil? Bakit?” Ang mga tagapagpadaloy ay may panimulang oryentasyon kung ano ang gustong matamo sa impormal na talakayan. Higit pa sa pag-unawa sa rebolusyunaryong teorya, naiuugnay ito ng mga kasama sa sariling karanasan at malayang napagtatalakayan ang mga kahirapan kaugnay sa pagpapanday ng proletaryong paninindigan, pananaw at pamamaraan sa rebolusyon na pinaka-ubod ng pagpapanibagong hubog.

Pagkaminsan ang input ay panooring dokumentaryo o pelikula na tinawag ng mga kasamang OPKAT-NOOD. Karaniwang tanong kung ano ang mga eksenang nagmarka sa pinanood o nahalaw na aral; o di kaya ay sa mga karakter sa pelikula, kanino mo maihahambing ang iyong sarili at bakit?

Kailan lang ay pina-OPKAT-NOOD ang talumpati ni Ka Benito Tiamzon sa pagbubukas ng ika-dalawang kongreso ng PKP noong 2016. Naging Daluyan ang OPKAT para mailahad ng mga kasama ang kanilang pag-intindi sa kabuluhan ng Ikalawang Kongreso ng Partido at mga tumimong aral sa mensahe ni kasamang Laan.

Ang OPKAT ay praktikang sinimulan ng mga kasama sa Kanlurang Gitnang Luzon noong 2018 na isinapraktika na rin ng mga yunit ng NPA sa buong Gitnang Luzon. Hindi ito pamalit sa pormal na pag-aaral at pagsasanay, kundi pansuportang talakayan para higit na maintindihan ng mga kasama ang mga saligang konsepto, tuntunin at mga terminolohiya, at maiuugnay sa sarili nilang karanasan. Pagtitiyak din ito sa makabuluhang integrasyon sa pagitan ng mga kasama. Kalimitan, mas nakakapaglahad ng kanilang saloobin ang mga kasama sa OPKAT. Agad inuulat sa Pampulitikang Instruktor ang resulta ng bawat OPKAT upang maagap na bigyan ng matamang pansin sa angkop na kapulungan ang mga usapin o isipin na nailalahad ng mga kasama sa talakayan.

Ang OPKAT ay isa lamang sa malikhaing pamamaraan ng pagtataguyod ng gawaing pampulitika sa hanay ng Hukbo sa Gitnang Luzon. Inaanyayahan namin kayong maging bahagi nito. Halina at maging pulang iskolar sa NPA-Gitnang Luzon.


OPKAT sa Gitnang Luzon