3 sundalo, patay sa engkwentro sa Mansalay, Oriental Mindoro
Tatlong sundalo ng 203rd Brigade ang napaslang at may ilan pang nasugatan sa labanan sa pagitan ng kanilang tropa at isang yunit ng Lucio de Guzman Command (LdGC)-BHB Mindoro noong Hulyo 11 sa Brgy. Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro.
Ayon sa ulat ng LdGC, umatake ang mga tropa ng 203rd Brigade AFP bandang alas-6:05 ng umaga, sa Sityo Lukban. Aktibong nagdepensa ang mga Pulang mandirigma na nagresulta sa kaswalti sa hanay ng mga pasista. Ligtas na nakaatras ang yunit ng BHB Mindoro. Gumamit ang 203rd Brigade ng blackhawk helicopter at dalawa pang heligunship bilang suporta sa pursuit operations ngunit bigo sila.
Ayon sa tagapagsalita ng Melito Glor Command BHB-Southern Tagalog na si Armando Cienfuego, “Ang naganap na labanan ay resulta ng matinding panghahalihaw ng 203rd Brigade sa mga bayan ng Mansalay, Bulalacao at Roxas bilang desperadong hakbang na ‘malipol’ ang rebolusyonaryong pwersa sa Mindoro. Tuluy-tuloy ang mga operasyong militar sa mga naturang bayan kabilang ang San Jose at Magsaysay sa Occidental Mindoro.”
Bago ito, nagpakalat ang 203rd Brigade ng balita ng pekeng labanan sa Brgy. Benli, Bulalacao noong Hunyo 25 para bigyang matwid ang pagpapakat ng malaking tropa sa Bulalacao, Mansalay at Roxas.
Samantala, matapos ang labanan, iligal na inaresto at sinampahan ng gawa-gawang kaso ang katutubong Mangyan na si Itaw Agrumyan, lider ng Sityo Lukban. Ilang araw lang ang nakalipas, ganito rin ang ginawa sa dalawa pang katutubo kasama ang dalawa nilang pasahero habang nasa byahe sa Brgy. San Roque, Bulalacao.###