Pagtalima sa kilusang pagwawasto: Magwasto at lumaban, upang makapagpalakas
Higit pa sa pagdepensa sa sarili, opensiba sa pulitika. Ito ang mayor na aral sa pagwawasto na napagtanto nina Ka Lian at Ka Lucy, mga kadre ng rebolusyonaryong kilusang masa sa kalunsuran na gumagampan ng espesyal na linya ng gawain. Tungkulin ng kanilang yunit na mag-organisa at magpakilos ng mamamayan sa lungsod sa linya ng anti-pasistang pakikibaka na mahigpit na nakakawing sa anti-pyudal at anti-imperyalistang pakikibaka ng buong bayan. Aabot na sa sampung taon ang kanilang inilaan sa pagsusulong ng rebolusyon.
Ibinahagi nina Ka Lian at Ka Lucy sa Kalatas ang kanilang mga pananaw hinggil sa kilusang pagwawasto at mga partikular na hamon sa kanilang rebolusyonaryong gawain.
———
Kalatas (K): Ano ang pagtingin sa panawagan ng Partido na pagwawasto?
Ka Lian (Li): Napapanahon ang kilusang pagwawasto lalo’t matindi at matagalang inaatake ang kilusang masa sa kalunsuran. Mula nang nabasa ang pahayag ng Partido sa ika-55 anibersaryo noong Diyembre 2023, nakatugon naman ang aming komite rito, inaral ang pahayag at naglunsad ng mga pag-aaral na dapat diinan ngayon. Bagama’t may pagsisikap, hindi pa rin nalulubos dahil sa iba’t-ibang kahinaan na unti-unti pang pinangingibabawan sa ngayon.
K: Anu-anong aktidad ang inyong inilunsad kaugnay ng kilusang pagwawasto?
Li: Nakapagsagawa at nabasa sa antas ng komite ang mga pahayag at mga memo, nagbasa at binigyang-diin din ang mga dokumento sa SICA[1]. Mas indibidwal na pagbabasa ang isinagawa.
K: Sa inyong mga talakayan, anu-anong punto ang tumampok sa mga kasama?
Li: Tumampok sa mga talakayan ang hibo ng burukratismo, namumunong hiwalay sa pinamumunuan, at empirisismo.
Ka Lucy (Lu): Sa mga kahinaan, natukoy na malaki ang kakapusan sa paglalantad sa nangyayaring militarisasyon sa kanayunan. Bunga ito ng matamlay na kampanyang masa ng mga magsasaka na pangunahin sanang maglalantad dito. Hindi tuluy-tuloy ang pagsasagawa ng mga malawakang prop-ed sa mga komunidad na magsisilbi sanang sandata nila sa pagtatanggol ng kanilang sarili.
K: Tinalakay sa mga pahayag ng Partido ang iba’t ibang anyo ng kamaliang bunga ng suhetibismo na sumagipsip sa rebolusyonaryong hanay. Anu-ano ang nakikita ninyong manipestasyon nito sa inyong organo?
Li: Sa mga pulong at konsultahan ay pansin na napaprayoridad ang mga pampulitikang gawain habang napag-iiwanan ang mga gawain sa ideolohiya at organisasyon. Naging manipestasyon din ng empirisismo, ang pagkasanay sa dating praktika at gawi. Tumampok ang kawalan ng SICA kaya nahihirapan na makita ang obhetibong kalagayan. Isa pang usapin ang maluwag na pagtangan sa linyang masa.
K: Anu-anong hakbangin ang inyong pinagkaisahan para maiwasto ang mga ito?
Li: Naging resolusyon namin na kahit sa mga konsultahan ay unahin ang mga usapin sa ideolohiya at organisasyon. May mga pauna ring pagsisikap para sa pag-aayos ng SICA. Isanib at pagsilbihin ang mga kampanyang masa sa pangkalahatang panawagan at kampanya natin at syempre para sa DRB[2].
Nakita rin ang punto ng paggawa ng ulat at pagtatasa sa bawat kampanyang masa na inilulunsad. Nag-iisip din ng mga bagong pamamaraan na labas sa nakasanayan.
Lu: Kailangang ituluy-tuloy ang mahuhusay nating praktika. May ininstitusyonalisa tayong mga pag-aaral na ‘di lamang simpleng pampulitika, pang-ideolohiya rin at nagtataas sa kapasidad ng mga kasama. Pinauunlad ito sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga bagong pagsasanay. Isa na rito ang psychosocial debriefing and psychological training upang ipakilala ang mas maunlad na pangangalaga sa kalusugang mental sa gitna ng papatinding atake at papaimbulog na krisis.
K: Paano ipinatatagos sa kilusang masa ang kilusang pagwawasto?
Li: Ang kilusang masa ay nagsilbi rin bilang kilusang pag-aaral partikular sa pag-aaral sa praktika, sa obhetibong kalagayan, sa pagharap sa kaaway, sa kawastuhan ng digma. Bahagi nito ang pagpapatibay sa ideolohikal na kamulatan sa pagharap sa kaaway. Noong nakaraang taon pangunahing naging kampanya namin ang paglulunsad ng pag-aaral sa anti-pasistang pakikibaka sa lahat ng komunidad na inoorganisa at militarisado. Layunin nitong bigyan ng kaalaman ang mamamayan para maging sandata nila sa panahon na sila na ang inaatake ng kaaway.
K: Ano ang halaga ng kilusang pagwawasto sa harap ng tumitinding atake ng puting lagim?
Li: Hindi lang makakasalag ang kilusang masa sa kalunsuran sa pamamagitan ng pagbabalik-aral sa mga nailabas na memo at karanasan pa’no hinarap dati ang tindi ng atake. Ang kailangan ay matransporma ang mga aral upang makaopensiba sa iba’t ibang anyo ng pampulitikang pakikibaka at magpatatag sa organisasyon.
Lu: Sa tindi ng pasistang atake sa rehiyon, pundamental ang pagpapalakas ng anti-pasistang paglaban.
K: Ano ang ang inyong kinakaharap na krisis at kahirapan sa pagkilos? Paano ninyo ito iigpawan?
Li: Malaki ang hinihinging tatag at lawak ng kaalaman sa iba’t-ibang aspeto sa pagtitimon ng anti-pasistang kampanya mula ligal hanggang sa iligal at pagiging mapamaraan. May mga bahagi din ito na nangangailangan na pumasok sa arena ng kaaway. Nakakalunod ito kung magpapakatali lamang sa ganitong usapin. Sa ngayon pinag-aaralan pa rin kung paano makakabwelo sa organizing sa mga iba pang sektor na malaking katuwang natin sa gawain.
Mabigat ang hamon na pangunahan ang iba’t ibang mga tungkulin sa kalunsuran upang makapagsilbi sa kilusan sa kanayunan. Nagsisikap na patuloy na makapag-ambag sa rebolusyon sa abot ng makakaya at maging lakas ng mga kasama na napanghihinaan dahil sa matinding atake ng kaaway. Tinatanaw kong magpatuloy sa pagkilos at maging inspirasyon at lakas ang mga martir upang maipakita sa lahat ang kawastuhan ng DRB.###
___________________
1 – Social investigation and class analysis (Panlipunang pagsisiyasat at pagsusuri sa uri)
2 – Demokratikong rebolusyong bayan