Editoryal, Kalatas July 2024 Ilantad at labanan ang terorismo ng “Bagong Pilipinas”
Patuloy na sumasahol ang kalagayan ng mamamayang Pilipino sa ilalim ng papet at ilehitimong rehimeng US-Marcos II. Matinding krisis na nga ang pinapasan ng bayan, hinahambalos pa ito ng terorismo ng estado sa pangunguna mismo ni Marcos Jr. para panatilihin ang kasalukuyang naghaharing sistema na batbat ng korapsyon at pagpapakatuta sa imperyalismong US.
Panabing ang “Bagong Pilipinas” ng rehimeng US-Marcos II sa tunay na kalagayan ng bayan. Patuloy na inaagaw ang lupa ng mga magsasaka. Pinagkakaitan ang mga manggagawa ng makabuluhang umento sa sahod. Puu-puong milyon ang walang trabaho. Hindi kayang abutin ang sumisirit na presyo ng pangunahing bilihin. Lumobo pa ang utang ng Pilipinas para sa hindi kinakailangang imprastraktura at korapsyon na tiyak na papasanin ng mamamayan. Dumadaing na rin ang mga propesyunal at panggitnang pwersa sa mga patakaran ni Marcos Jr. na pawang pumapabor lamang sa kanyang mga kroni, pampulitikang paksyon at laluna sa imperyalismong US. Ipinagpapatuloy ni Marcos Jr. ang pangangayupapa sa US at tahasang nagpapagamit sa niluluto ng huli na gera laban sa China sa Asia Pacific.
Walang maloloko si Marcos Jr. sa pagpoposturang “mabait” taliwas sa karibal niyang si Duterte. Kagaya ng kanyang amang diktador, pasismo ang tugon ni Marcos Jr. sa mamamayang nakikibaka. Pinatindi niya ang paglabag sa karapatang tao sa pagpapatuloy ng mga mapanupil na batas na minana sa nagdaang rehimeng Duterte na Anti-Terror Law (ATL) at Anti-Terrorism Financing Law (ATFL). Ipinatupad niya ang maruming todo-gera laban sa mamamayan sa balangkas ng National Security Policy (NSP) 2023-2028 na sang-ayon sa US counter-insurgency guide. Gasgas na ginagamit ang palusot na “pagtitiyak sa pambansang seguridad” upang makapanghimasok ang NTF-ELCAC at magpatupad ng mga mapaniil na patakaran kahit sa mga usapin ng ekonomiya at pulitika.
Hinatulan na ng International People’s Tribunal (IPT) na maysala sina Marcos, Duterte at ang imperyalismong US sa mga krimen sa digma. Inapirma nito ang papel ng AFP-PNP at NTF-ELCAC bilang pangunahing makinarya ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas at imperyalismong US sa pang-aatake sa karapatang tao ng bayan sa ilalim ng kontra-rebolusyonaryong kampanya.
Taliwas sa ipinangangalandakan nitong pagsupil sa rebolusyonaryong pwersa, target ng ATL at ATFL ng rehimeng US-Marcos II ang mga kritiko, oposisyon, progresibo at makabayang indibidwal at samahan. Binabansagan itong mga ligal na prente ng rebolusyonaryong kilusan. Sa loob ng dalawang taong panunungkulan, naitala ang 104 kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang, 12 pagdukot at sapilitang winala, 236 iligal na pang-aaresto, 145 iligal na pang-aaresto at pagpiit, 566 iligal na panghahalughog at kumpiskasyon at marami pang iba. Umaabot naman ng 44,065 ang biktima ng pambobomba at 66,378 naman ng walang patumanggang pamamaril.
Talamak ang red-tagging at paghahasik ng puting lagim sa kalunsuran at sentrong bayan para bigyang katwiran ang karahasan. Sa Timog Katagalugan, nasa 29 indibidwal ang kinasuhan ng paglabag sa ATL at 13 sa ATFL. Pinasisidhi ito ng mga asong ulol na anti-komunistang sina Lorraine Badoy at Jeffrey Celis kakoro ang mga opisyal ng AFP-PNP at sasandakot na mga taksil sa rebolusyon na nagbubuga ng lason sa bayan gamit ang mainstream media at pangunahin ang bayarang SMNI.
Matindi ang pagmamanman sa mga komunidad ng manggagawa, lalo sa tirahan ng mga kilalang lider-unyonista at organisador. Sa Timog Katagalugan, naitala ang kaso ng paggamit ng mga ahente ng NTF-ELCAC sa mga lokal na yunit ng gubyerno lalo ang Sangguniang Barangay para ipatawag at pagbantaan ang mga biktima. Gayundin ang pag-aligid ng mga ahente ng NTF-ELCAC sa tahanan ng mga aktibista na nagdudulot ng takot pati sa pamilya nila. Dumarami rin ang presensyang militar at pulis sa mga komunidad na tumututol sa demolisyon at pagpapalayas sa Bacoor City at Lupang Tartaria sa Silang, Cavite; at lumalaban sa mapangwasak na konstruksyon ng dam sa Rodriguez, Rizal.
Nananalasa ang mga focused military at retooled community support program operations sa kanayunan sa tabing ng panunugis sa PKP at BHB. Laganap dito ang mga kaso ng sapilitang pagpapasuko, pagbabanta, panghaharas at intimidasyon, sarbeylans, iligal na imbestigasyon, tortyur, panggagahasa, pamamaslang, ekonomikong blokeyo at iba pa. Mistulang batas militar ang pagkontrol ng AFP sa dami ng bibilhing pagkain ng mga residente, pagtatakda ng curfew at pagpapa-logbook sa tuwing pupunta sa bukid ang mga magsasaka.
Paghuhugas-kamay sa mga krimen ng rehimeng US-Marcos II, ang itinayong Special Committee on Human Rights Coordination (Administrative Order No. 22) noong Mayo. Nagbabalat-kayo itong tutugon sa mga paglabag sa karapatang tao ng mamamayan habang nagsisilbing tabing para pagtakpan ang malalang kalagayan ng karapatang tao sa bansa.
Ang patuloy na pambubusabos at garapalang pagyurak ng rehimeng US-Marcos II sa demokratikong karapatan ay lalong magtutulak sa malawak na masa ng sambayanang Pilipino na paigtingin ang kanilang paglaban sa paraang ligal, mala-ligal, armado at di-armado. Hindi dapat matakot ang bayan, bagkus patuloy na sumulong para magkamit ng mga tagumpay.
Dati nang ipinakita ng sambayanan ang kanilang lakas para biguin at ipawalang-saysay ang matinding brutalidad—ang pagpapatalsik sa diktador na si Marcos Sr. noong 1986 at paggapi sa mga kontra-rebolusyonaryong oplan sa kasaysayan. Sa Timog Katagalugan maningning na tagumpay ang pagbigo ng mamamayan sa mabangis na Oplan Bantay Laya noong rehimeng US-Arroyo. Nananatiling nakatayo ang mga larangan at sonang gerilya sa rehiyon sa kabila ng paghagupit ng mga kontra-rebolusyonaryong kampanyang Oplan Habol Tamaraw sa Mindoro at Task Force Banahaw sa Lower Sierra Madre. Hindi napatahimik ang boses ng mga demokratikong organisasyong tumututol sa mga mapaniil na patakaran at nagsusulong ng pambansa demokratikong interes ng bayan.
Ang pakikihamok sa pasistang teror ay pandayan ng mga lider-masa at samahang masa na matatag na harapin ang kamay na bakal ng estado. Maglunsad ng mga pag-aaral sa batayang karapatan ng mamamayan upang maarmasan sila ng kaalaman sa pagtatanggol sa sarili at buong komunidad laban sa terorismo ng estado. Magpakabihasa sa pag-aaral ng reaksyunaryong batas at maksimisahin ang maliit na puwang at bentahe nito para gawing sandata para baligtarin ang lamesa laban sa kaaway at singilin ang estado. Dapat walang palampasin ni isang kaso ng paglabag sa karapatang tao at itambol ito sa publiko. Iugnay din ito sa pang-ekonomyang pakikibaka ng mamamayan, na ugat kung bakit sila sinusupil. Kaugnay nito, buuin ang pinakamahigpit na pagkakaisa sa antas ng mga komunidad, baryo patungo sa mas mataas na antas para kolektibong salagin at labanan ang paninibasib ng mga pasista at berdugong militar.
Kailangan ang tuluy-tuloy na pagpapalapad ng mga base ng rebolusyonaryong kilusang lihim para sa malawak na pagkilos at pag-oorganisa sa hanay ng nakararaming mamamayan. Magpakahusay sa pagkukumbina ng iba’t ibang anyo ng pakikibaka at umangkop sa nagbabagong sitwasyon. Abutin at pakilusin ang mga abogado, tunay na lingkod bayan at mga humanitarian workers na magiging malakas na katuwang sa paglaban para sa karapatan.
Patuloy na igiit ang pagiging unconstitutional at hindi demokratiko ng ATL at mga katambal nitong batas. Silbing panimulang tagumpay ang hatol ng Korte Suprema na labag sa batas ang red-tagging. Ito ay puhunan upang palakasin ang panawagan ng pagpapabasura sa ATL, pagbubuwag sa Anti-Terror Council at NTF-ELCAC at paglilipat ng pondong militar tungo sa serbisyong panlipunan.
Isakdal at papanagutin ang mga talamak na red-tagger kagaya nina Ernesto Teneza ng 59th IBPA, Badoy, Celis, retiradong heneral na si Antonio Parlade Jr. at mga kabaro niya. Marapat ding singilin at papanagutin si Duterte na pataksil na nagsabatas ng ATL noong Hulyo 2020 sa gitna ng militaristang lockdown sa panahon ng pandemyang Covid-19. Gamitin ang resulta ng IPT upang usigin sina Marcos, Duterte at ang imperyalismong US sa mga paglabag sa karapatang tao.
Inspirasyon ang patuloy na pakikibaka ng mga demokratiko, progresibo at makabayang pwersa para isulong ang kapakanan ng buong bayan. Kapuri-puri ang kanilang matapang na pagharap sa teroristang estado. Dapat palakasin at palawakin ang hanay ng mamamayang naggigiit ng katarungan at idugsong ang pakikibaka para sa katarungan sa mga antipyudal at anti-imperyalistang pakikibaka. Ang makatwirang pakikibaka para sa kabuhayan at pambansang paglaya ay magpapaningas sa pakikibakang anti-pasista ng bayan.
Sa harap ng malaking hamon na ibunsod ang malawak at malakas na kilusang masa sa gitna ng pasismo-terorismo, higit na kailangang armasan ng mga rebolusyonaryong pwersa ang kanilang sarili sa ideolohiya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo upang patatagin ang paninindigan sa gitna ng sakripisyo at kahirapan sa proseso ng pagkakamit ng tunay na kalayaan at demokrasya.###