Buwan ng pakikiisa sa rebolusyong Indian ng mamamayan ng TK
“May NPA rin pala sa India?” Inosenteng tanong ni Ka Leo, isang katutubong Pulang mandirigma, matapos panoorin ang isang dokumentaryo tungkol sa mga gerilyang armadong pwersa ng People’s Liberation Guerilla Army (PLGA) sa India. Ang bidyo ay isa sa mga materyales na ginamit ng grupo sa pulitika ng Platun Malaya upang ipakilala sa mga kasama ang rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayang Indian.
“Ka Leo, mga miyembro sila ng PLGA, hindi ng NPA. Pero katulad nga natin sila. Sila’y mga magsasaka, katutubo at kababaihang nag-armas para ipagtanggol ang kanilang lupa mula sa mga dayuhan. Pinamumunuan din sila ng isang partido komunista,” paliwanag ng instruktor sa pulitika ng platun.
Inilunsad ang aktibidad na ito sa isang sonang gerilya sa TK ngayong Hulyo, bilang bahagi ng Buwan ng Pakikiisa ng mga rebolusyonaryong Pilipino sa paglaban ng mamamayang Indian sa Operation Kagaar. Ang Operation Kagaar ay isang brutal na kampanyang supresyon na inilulunsad ng rehimeng Modi laban sa armadong pakikibaka ng mamamayang Indian na pinamumunuan ng Partido Komunista ng India (Maoist). Nakatuon ang Operation Kagaar, na literal na nangagahulugang “katapusan”, sa mabundok na rehiyon ng Abujhmaad (Maad). Matatagpuan ang Maad sa timog na bahagi ng estado ng Chhattisgarh na tahanan ng mamamayang Adivasi o mga katutubo. Tulad ng mga kontra-rebolusyonaryong oplan sa Pilipinas, ang Operation Kagaar ay nagwawasiwas ng pasismo upang bigyang daan ang pandarambong ng malalaking dayuhang korporasyon sa mayamang kagubatan ng India. Libu-libong mamamayan na ang pinalayas at napinsala ng Operation Kagaar.
Iniatas ng Partido Komunista ng Pilipinas noong Hunyo na “gawin natin ang lahat ng kaya upang ipamalas ang suporta ng mamamayang Pilipino at rebolusyonaryong kilusan sa mamamayang Indian at sa kanilang paglaban sa pasismo ng Operation Kagaar.” Tumugon ang mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa TK sa tagubilin at naglunsad ng serye ng mga pag-aaral, kapehan at talakayan hinggil sa rebolusyong Indian. Naglabas din ng mga pahayag ng suporta at poster ang mga rebolusyonaryong organisasyon at mga yunit ng BHB sa rehiyon.
May anim na bugso ng pag-aaral at mga kulturang aktibidad tungkol sa rebolusyong Indian sa hanay ng mga Hukbo na iniulat sa Kalatas. Kasama rito ang pag-aaral sa memo at praymer tungkol sa Operation Kagaar na inilabas ng PKP. Ang dinaluhang film showing ni Ka Leo ay una sa serye ng mga aktibidad sa kanilang yunit.
Sa yunit ng Magiting, bukod sa mga pag-aaral ay pinanood ng mga kasama ang pelikulang Chakravyuh upang mas malalim na maunawaan ang lipunang Indian, kalagayan ng mamamayang Indian laluna ang mga katutubo at kasaysayan ng pakikibakang Indian laban sa kolonyalismo at terorismo ng estado.
“Kagayang-kagaya sa Pilipinas ang kalagayan ng lipunan. Maging ang gawain ng PLGA ay tulad ng sa atin,” obserbasyon ng mga kasama sa Magiting.
Dinala ng mga Pulang mandirigma ang natutunan tungkol sa rebolusyong Indian sa mga talakayan sa masang magsasaka at katutubo. Ayon sa yunit ng Matapat, nakita ng mga lokal kung paano naghihirap ang mamamayang Indian dahil sa lumalalang pyudalismo, burukrata kapitalismo at imperyalismo. Naniniwala silang dapat labanan ito hindi lamang ng mga Pilipino at Indian, kundi lahat ng mamamayang inaapi sa buong daigdig.
Sa inilunsad namang pag-aaral ng Batayang Kurso ng Partido para sa lokal sa erya ng Magiting, naging dagdag na punto ang rebolusyong Indian sa mga paksang Saligang Proletaryong Paninindigan at Pananaw sa Rebolusyon at Imperyalismo. Higit nitong inarmasan ng kaalaman sa pandaigdigang sitwasyon ang mga kasapi ng Partido sa lokalidad at kongkretong ipinakita ang diwa ng proletaryong internasyunalismo sa kanila.
Sinariwa sa mga aktibidad ang kagitingan ng PLGA at mamamayang Indian. Muling binasa ang lumabas na balita sa Ang Bayan na matagumpay na opensiba ng PLGA laban sa mga armadong pwersa ng estadong Indian noong Enero 16 at Pebrero 1. Bahagi ito ng kanilang kontra atake sa Operation Kagaar. Sa opensiba noong Enero 16, nagtamo ang Central Armed Police Force at espesyal na yunit na Combat Battalion for Resolute Action ng 35 patay at 40 malubhang sugatan. Bilib na bilib ang mga Pulang mandirigma at nagsabing, “Ang galing!”
Malaking inspirasyon sa mga kasapi ng BHB ang pagpupunyagi ng mga Indian lalo ng mga Adivasi sa pagsusulong ng digmang bayan. Sa Malaya, humanga ang mga kasama sa napanood na babaeng mandirigma ng PLGA na nagsabing, nakikidigma siya para sa mamamayan at handa siyang mamatay para rito. “Napakataas ng diwa ng mga Indian. ‘Yan talaga ang kailangan natin para gapiin ang imperyalismo,” pagbabahagi ni Ka Leo sa pagtatapos ng aktibidad.