Berdugong AFP at PNP, nangunguna sa paglabag sa karapatang-tao sa TK

Patung-patong na naman ang mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao ng pinaghalong pwersa ng berdugong AFP-PNP laban sa mamamayan ng TK. Ngayong Hulyo, pito ang iligal na inaresto at ikinulong, at sinampahan ng gawa-gawang mga kaso; isa ang kaso ng pananakot, panghaharas at intimidasyon, at 1 Pulang mandirigmang hors de combat ang pinatay ng mga uhaw-sa-dugong pwersa ng AFP.

Iligal na pag-aresto

Rizal. Isang organisador ng magsasaka ang iligal na inaresto ng 80th IBPA sa Antipolo City noong Hulyo 9. Bandang alas-otso ng gabi, sapilitang nanghimasok sa tinutuluyan ni Melchor Luyao ang di bababa sa sampung armadong lalaki na nagbanta pa ng pamamaril. Nang humarap si Luyao sa kanila, inaresto nila si Luyao gamit ang warrant of arrest na may ibang pangalan. Sa kasalukuyan, nakakulong pa rin si Luyao sa San Mateo Municipal Jail sa bisa ng gawa-gawang kasong Illegal Possession, Manufacture and Acquisition of Firearms, Ammunition and Explosives.

Isang organisador din ng mga katutubong Dumagat at Remontado ang iligal na inaresto noong Hulyo 18 sa Brgy. Burgos, Rodriguez, Rizal. Dinakip si Laila Ramos ng 80th IBPA sa tabing ng pekeng engkwentro laban sa mga pwersa ng Bagong Hukbong Bayan sa lugar. Sinampahan siya ng gawa-gawang kaso at nakapiit hanggang ngayon.

Oriental Mindoro. Tatlong katutubong Mangyan ang iligal na inaresto ng mga sundalo ng 203rd Bde noong ikalawang linggo ng Hulyo. Nananatili silang nakakulong sa mga walang-batayan kasong kriminal na isinampa ng mga pwersa ng estado laban sa kanila.

Iligal na dinakip at ikinulong ng mga sundalo ng 203rd Bde ang lider-Mangyan ng Sityo Lukban, Brgy. Panaytayan, Mansalay na si Itaw Agrumyan noong Hulyo 11. Idinadawit si Agrumyan ng mga pasistang pwersa sa naganap na labanan sa pagitan ng 203rd Bde at BHB sa kanilang sityo noong araw ding iyon.

Noong Hulyo 13, dalawa pang Mangyan ang hinuli sa Brgy. San Roque, Bulalacao at ikinulong sa arbitraryong paratang na ang kanilang mga pasahero ay mga kasapi ng BHB. Hanggang sa ngayon, hindi pa inilalabas ng mga militar ang pagkakakilanlan ng dalawa o iniaanunsyo ang pagkakadakip sa kanila. Kaugnay nito, dalawang tagapagtaguyod ng karapatan ng mga magsasaka na si Joy Laguardia at kasama niya ang iligal ding inaresto ng 4th IB at Philippine National Police (PNP) sa parehong insidente. Inilitaw lamang sina Laguardia matapos ang dalawang araw (Hulyo 15) at sa pagpupursige ng kanilang mga kamag-anak at kaibigan. Pinararatangan silang matataas na upisyal ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at BHB sa Timog Katagalugan.

Kontra-demanda

Sinampahan ng apat na aktibistang kabataan ng konta-demanda ang dating kumander ng 59th IBPA na si Lt. Col. Ernesto Teneza Jr., kasama ang 16 upisyal-miltar at limang iba pa sa Ombudsman noong Hulyo 19. Sagot ito nina Hailey Pecayo (tagapagsalita ng Tanggol Batangan), John Peter Garcia (Youth Advocates for Peace with Justice – UPLB), Kenneth Rementilla (Anakbayan Southern Tagalog) at Jasmin Rubia (Mothers and Children for the Protection of Human Rights) sa mga isinampang gawa-gawang kaso ng mga sundalo laban sa kanila. Ilan sa mga kasong isinampa nina Pecayo laban sa mga sundalo ay perjury, grave coercion, grave misconduct, conduct prejudicial to the best interest of service, oppression at unfair discrimination based on political affiliation.

Karahasan sa sibilyan

Sa Antipolo City, Rizal, sinuntok ng isang sundalo ng 80th IBPA ang sibilyang si David Papagitan noong Hunyo 29 sa Brgy. San Jose. Matapos nito ay pinagbantaan pa si Papagitan ng sundalo na papatayin kung patuloy umano siyang makikipag-ugnayan sa BHB. Bukod dito, ilang buwan nang isinailalim ng militar ang buong barangay sa mahigpit na pagbabantay at pagmamanman.

Pagpatay sa hors de combat

Walang-awang pinaslang ng mga elemento ng 80th IBPA si Wally “Ka KM/Honda” Agudes, isang opisyal ng BHB-Rizal na nasa katayuang hors de combat, matapos dakpin nang buhay sa tinutuluyan niya noong Hulyo 18 sa Brgy. Burgos, Rodriguez, Rizal. May malalang sakit noon si Ka KM at walang kakayahang lumaban. Isa itong malinaw na paglabag ng 80th IBPA sa International Humanitarian Law na pumuprotekta sa karapatan ng mga prisoners-of-war (POW) at hors de combat. Sinungaling ang 80th IBPA sa pagpapakalat na “nanlaban” si Ka KM kaya pinatay.###

Berdugong AFP at PNP, nangunguna sa paglabag sa karapatang-tao sa TK