US, pangunahin pa ring salot na imperyalistang kapangyarihan sa Pilipinas
Sa kabila ng paghamon ng imperyalismong China sa dominasyon at kontrol ng US sa Pilipinas sa pagtatangka nitong magpalakas ng impluwensya sa pamamagitan ng pangkating Duterte, nananatili pa rin ang imperyalismong US bilang pinakadominanteng imperyalistang kapangyarihan sa Pilipinas na masasalamin sa pagkubabaw nito sa ekonomya, pulitika, militar, kultura at ugnayang panlabas ng bansa. Pinatunayan at tiniyak sa mga nagpalit-palitang rehimen hanggang sa kasalukuyang rehimeng Marcos II ang higpit ng kontrol nito sa bansa gamit ang mga neoliberal na patakarang pang-ekonomya, mga hindi pantay na tratadong militar, pagpwesto ng matatapat na papet mula sa lokal na naghaharing uri, mga bayarang ahente at paghawak sa leeg sa armadong pwersa ng estado.
Upang itago ang neokolonyal na relasyon ng US at Pilipinas, isinusubo sa bayan ang kalokahang ang US ay kaibigan, kuya o alyado, ngunit kung tutuusin, mahigit sandaang taon nang nasa ilalim ng kapangyarihan ng imperyalismong US ang Pilipinas. Sinakop ng US ang Pilipinas matapos agawin ang kalayaang ipinagtagumpay ng mga Pilipino sa Rebolusyong 1896 laban sa kolonyalistang Espanyol. Noong 1898, lihim na pinirmahan ng Spain at US ang Tratado ng Paris kung saan nagbayad ng $20 milyon ang US sa una upang “angkinin” ang Pilipinas. Pinaputok ng US ang Digmaang Pilipino-Amerikano at inilunsad ang isang gera ng agresyon. Mula 1900-1946, umiral ang tuwiran o kolonyal na paghahari ng US sa Pilipinas. Sa takot na ibayong lumakas ang kilusang pagpapalaya ng sambayanang Pilipino, napilitan ang US na ibigay ang huwad na kalayaan noong Hulyo 4, 1946 at hinirang ang Pilipinas bilang isa sa mga susing malakolonya nito sa Asia.
Kontrol sa ekonomya
Malalim ang pang-ekonomikong interes ng US sa Pilipinas. Dahil sa pangingibabaw ng US, naging malapyudal, atrasado, pre-industriyal ang ekonomyang Pilipino. US at mga kasabwat nitong imperyalistang kapangyarihan ang kumokontrol sa mga saligang industriya sa bansa. Nagpapatuloy ang paghuthot nito ng murang hilaw na materyales mula sa Pilipinas at pagpapabaha rito ng surplas at basurang yaring produkto. Ginawa nitong lagakan ng surplas na kapital at tagasuplay ng murang lakas-paggawa ang bansa. Nakamit ito ng US sa pamamagitan ng mga reaksyunaryong batas at kasunduan sa kalakalan at pagpapaanib sa Pilipinas sa mga kasunduan at samahan sa “malayang kalakalan” tulad ng World Trade Organization at APEC. Pinatigas ang kaayusang ito gamit ang neoliberalismo sa nakaraang 40 taon.
Mula’t sapul nagpapasasa na ang imperyalismong US sa mga hilaw na materyales ng Pilipinas. Sing-aga ng 1909 isinabatas ang Payne-Aldrich Tariff Act na nagtanggal sa taripa sa mga produktong Amerikano na dadalhin sa Pilipinas habang “malayang mag-export” ang Pilipinas sa US ng mga hilaw na materyales, pangunahin ng asukal, minerales at troso. Matapos mapaso ang batas, pinalitan ito ng iba upang panatilihing nakasentro ang kalakalang panlabas ng Pilipinas sa US. Itinali ang halaga ng piso sa dolyar kaya’t obligadong mag-eksport nang mag-eksport upang mag-ipon ng reserbang dolyar at “palakasin” ang piso.
Pangunahing sagka sa pambansang kaunlaran ang relasyon sa US. Noong 2023, mahigit 60% ng eksport mula Pilipinas tungong US ay mga components katulad ng electronics, ignition wiring sets, machinery at transport equipment, na pawang mga produkto ng mga dayuhan sa export processing zones at walang kontribusyon sa lokal na industriya. Pati ang kapital at industriya sa bansa ay kinopo ng US. Ito ang may pangalawang pinakamalaking imbak na foreign direct investment sa bansa (FDI) na halagang US$18 bilyon sa Pilipinas sunod sa US$29 bilyon ng Japan. Labas pa rito ang iba pang daluyan ng kapital galing US tulad ng pautang kapwa sa gubyerno at mga pribadong kumpanya. Tulad ng kalakaran sa eksport, walang pag-unlad na idinulot ang pagbaha ng FDI sa Pilipinas.
Dahil atrasado ang ekonomya, inaangkat ng Pilipinas ang mga pangunahing pangangailangan sa produksyon, at sa paghambalos ng neoliberalismo, pati mga consumer goods at pagkain. Laging mas malaki ang gastos sa import ng bansa kaysa kinikita sa eksport na nagreresulta sa patuloy na pagtaas ng taunang depisito sa kalakalang panlabas ng Pilipinas, kung saan umabot na ito sa $58.2 bilyon noong 2022. Ang problema, laging kapos ang dolyar sa bansa kaya’t laging nangungutang. Umabot na sa nakakalulang Php15.3 trilyon ang utang ng gubyerno ng Pilipinas nitong Mayo 2024.
Dagdag na instrumento ang mga “utang” at “ayuda” upang makapagdikta ang US ng mga kundisyong pumapabor sa imperyalismo sa kapinsalaan ng mamamayan. Ilan dito ang liberalisasyon ng import, deregulasyon ng ekonomya, pagsasapribado ng mga korporasyon ng gubyerno, pag-aalis ng subsidyo o suporta sa agrikultura, mabilis na pagpapataas sa mga buwis, pleksibilisasyon sa paggawa, pagbabawal sa mga unyon, kontraktwalisasyon at pambabarat ng sahod. Sa kabilang panig, binibigyang insentiba at tax breaks ang mga dayong kapitalista at nagpapatupad ng mga patakarang pang-akit sa mga dayuhan gaya ng Maharlika Investment Fund, Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) More, Ease of Doing Business at Luzon Economic Corridor.
Pinopondohan at ipinangungutang pa ng lokal na estado ang engrandeng plano sa imprastruktura tulad ng Build Build Build ng rehimeng Duterte at Build Better More ni Marcos Jr. na nagpaprayoridad sa mga kalsada, tulay at proyektong enerhiya na direktang magagamit ng mga empresang naglilingkod sa global supply chain ng imperyalismo. Alinsunod ito sa Indo-Pacific Economic Framework for Prosperity (IPEF) ng US na nakikitang susing pusod ang Pilipinas sa pagpunta ng US Trade Mission at lokasyon ng Indo-Pacific Business Forum.
Sa kasalukuyan, itinutulak ng imperyalismong US ang charter change upang tanggalin ang mga natitira pang ligal na hadlang sa 100% pag-aari ng mga dayuhan sa mga industriya sa midya, edukasyon at kultura at ang 123 Agreement na magpapasok sa bansa ng mga negosyo sa nukleyar ng mga Amerikanong korporasyon.
Pangingibabaw sa pulitika at militar
Hinawakan ng US ang estado-poder sa Pilipinas upang patuloy na maipataw ang interes nito sa bansa. Nag-aruga ito ng mga tuta mula sa lokal na naghaharing uri at hinulma sila upang maging mga burukrata-kapitalista na susupil sa kanilang mga kababayan na naghahangad ng tunay na pambansang kalayaan. Upang kumpletuhin ang panlilinlang, pinasinayaan ng US ang sistema ng reaksyunaryong eleksyon na nagbigay ng ilusyon ng demokrasya at pagsasariling gubyerno ng mga Pilipino.
Ang nakaupo sa poder na pamilya Marcos ay mga sagadsaring tuta ng US. Nagmula sa pinagsanib na pamilya ng mga panginoong maylupa na Romualdez at Marcos, kinalugdan ng US ang matandang Marcos na bihasa sa maruming pamumulitika at pagpoposturang “tagapagligtas ng bayan.” Kinunsinti ng imperyalismo ang kanyang malalang burukratikong kurapsyon at hinayaan itong mag-imbak ng nakaw na yaman sa loob mismo ng US. Hindi naputol ang mahigpit na ugnayan ng mga Marcos sa imperyalismong US. Katunayan, sa Amerika tumira ang mga ito matapos ang Pag-aalsang EDSA at hindi napanagot sa kanilang mga krimen sa bayan.
Tagapagmana ng pagpapakatuta sa US si Marcos Jr. Hinigitan din niya ang sinundang rehimeng Duterte sa pagiging sunud-sunuran sa US. Sa dalawang taon, apat na beses na siyang opisyal na bumisita sa US at madalas ring dumayo ng Pilipinas ang mga opisyal ng gubyerno ng US. Sa kanilang mga pulong niluluto ang mga bagong kasunduang militar at pang-ekonomya kapalit ng suporta ng US sa paghahari ng dinastiyang Marcos. Bilang tuta, masugid si Marcos Jr. sa pagtupad sa mga atas ng US kaugnay sa China at ngayo’y mayor na tagapagkalat ng sinophobia upang ilatag ang mga kundisyon sa pagputok ng inaasam ng US na gera sa Asia Pacific.
Mas mabigat kaysa sa mga papet na burukrata ang papel ng Armed Forces of the Philippines at ng buong establisyimentong panseguridad sa patuloy na dominasyon ng US sa Pilipinas. Tinitiyak nitong nakaupo sa mga ahensya sa depensa at pambansang seguridad ang mga tuta nito tulad nina Hermogenes Esperon, Delfin Lorenzana at Eduardo Año. Nagrerekluta rin ang US ng mga ahente nito sa hanay ng mga militar at burukrata at pinupuspos ang indoktrinasyon nila sa mga paaralang pang-militar sa US gaya ng West Point Academy.
Nasasalamin sa operasyon ang pagiging kolonyal ng AFP. Mayroong mga Amerikanong “tagapayong militar” sa mahahalagang departamento ng reaksyunaryong hukbo na direktang nakikialam sa estratehikong pagpaplano at paniniktik nito. Umaasa rin ang AFP ng tulong na armas, pinaglumaang mga kagamitang pandigma at pagsasanay mula sa US.
Kasangkapan ng US ang AFP-PNP sa pagkakamit sa mga pulitiko-militar na layunin nito. Sa panloob na aspeto, pangunahing kamay ng US ang AFP sa pagsupil sa mga makabayan at demokratikong pwersang Pilipino lalo ang PKP-BHB-NDFP na naglalayong ibagsak ang dominasyon ng US sa Pilipinas. Sumusunod din ang AFP sa estratehiyang geo-pulitikal ng US sa daigdig kaya’t sumusuporta sa gerang agresyon ng imperyalismo, gaya noong nagpadala ng mga tropang Pilipino sa Vietnam at Korean War.
Sa kasalukuyang pakikipaggirian ng US sa China, katulong ng US ang AFP sa pagpapaigting ng naval surveillance, maniobra at pagpapatrolya sa South China Sea at West Philippine Sea. Malugod na tinanggap ng AFP ang dalawang US carrier strike group (USS Ronald Reagan at USS Nimitz) sa rehiyon, kasama ang maraming iba pang barkong pandigma, sasakyang nabal at panghimpapawid ng US. Pinayagan din ang pagdaraos ng pinakamalaking Balikatan US-PH joint military exercises sa bansa at paglahok ng Pilipinas sa iba pang joint exercises kasama ang US, Japan at Australia sa West Philippine Sea.
Sa inilatag na kalagayang sosyo-ekonomiko at pulitiko-militar, malinaw na US pa rin ang pangunahing imperyalistang kapangyarihang nakikinabang at kumokontrol sa Pilipinas. Ang katotohanang ito ay nilalabusaw sa isip ng mga Pilipino sa pamamagitan ng impluwensya ng US sa mga institusyong pang-edukasyon, akademya, midya, pop culture, internet at iba pang daluyan ng kultura.
Gayunman, ang walang habas na kasakiman at terorismo, kasabay ng neokolonyalismo at neoliberalismo ang lalong naglalantad sa pagkabangkarote ng US. Itinutulak nito ang mamamayang Pilipino na pasidhiin ang pakikibaka para sa pambansa at panlipunang paglaya sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa kasunod na yugto nitong sosyalista.###