Mga manggagawa sa Nexperia, magwewelga
Tumindig ang mayorya ng manggagawa ng Nexperia Philippines Inc. sa pangunguna ng Nexperia Philippines Inc. Workers’ Union (NPIWU-National Federation of Labor Unions- Kilusang Mayo Uno) na maglunsad ng welga kontra sa iligal na pagtatanggal ng mga manggagawa. Ito ang resulta ng isinagawang strike vote noong Hulyo 29-30 sa pagawaan sa Cabuyao, Laguna.
Sa kabuuang 1,883, bumoto pabor sa welga ang 1,246 manggagawa, habang 48 lamang ang tumutol dito, dalawa naman ang may spoiled na balota, dalawa din ang may invalid na balota at 585 naman ang hindi bumoto.
Naging matagumpay ang strike vote sa kabila ng pagkaantala nito, na una nang naiskedyul noong Hulyo 17-18. Ang nasabing delay ay dulot ng imbing pakana ng maneydsment ng kumpanya na pigilan at isabotahe ito sa pamamagitan ng panggigipit nito sa unyon ukol sa paggamit ng mga pasilidad ng pabrika at panghihimasok sa mismong aktibidad ng unyon. Tinuligsa rin ng mga manggagawa ang inihaing kundisyon ng kumpanya na ID tapping sa botohan dahil maaaring magamit ito laban sa kanila.
Nagsampa na ang unyon ng Notice of Strike sa National Conciliation and Mediation Board Region IV-A sa Calamba, Laguna noong Hunyo 26. Ang desisyong ito ay sagot ng mga manggagawa sa di-makatarungang mga kundisyon sa paggawa tulad ng pagtatanggal sa mga upisyal ng unyon, pansamantalang pagtanggal sa mga kasapi ng unyon at paglabag sa mga probisyon na nakasaad at napagkasunduan sa Collective Bargaining Agreement. Noong 2023, nagkaroon ng malawakang tanggalan sa kumpanya, kung saan ginamit ang mga palusot na “cost-optimization”, pagpapaunlad na makinarya o teknolohiya, at “mababang perpormans” ng mga manggagawa. Biktima nito ang halos 600 manggagawa.
Binati at sinuportahan naman ng iba’t ibang unyon at pederasyon ng mga manggagawa ang tagumpay na ito ng mga manggagawa ng NPIWU-NAFLU-KMU. Idiniin din ng KMU ang kahalagahan ng “malakas at mahigpit na pakikipagkaisa ng mga unyon, manggagawa at iba pang mga sektor ng mamamayan upang matiyak na maituluy-tuloy ang welga hanggang sa pagpapanalo nito.”