Protestang bayan, sagot ng mamamayang TK sa ikatlong SONA ni Marcos Jr.
Umabot sa 600 mamamayan ng TK ang lumahok sa protestang bayan upang batikusin ang ikatlong SONA ni Marcos Jr. noong Hulyo 22. Kasabay ito ng mga protesta sa iba pang bahagi ng bansa at sa ibayong dagat.
Umaga bago ang SONA ni Marcos Jr sa Batasang Pambansa, pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan – Timog Katagalugan (BAYAN-TK) ang People’s SONA, kasama ng iba’t ibang organisasyon ng mga magsasaka, manggagawa, kabataan, kababaihan, mga tsuper at opereytor ng dyip, pambansang minorya, maralitang lungsod, guro, manggagawang pangkalusugan, kawani ng gubyerno at iba pang mga demokratikong sektor, sa kahabaan ng Commonwealth Ave., Quezon City. Dito, inilahad nila ang mga isyung kinakaharap ng mamamayan sa rehiyon tulad ng mababang sahod ng manggagawa, pangangamkam ng lupa ng magsasaka, pagpasok ng mga mapanirang proyekto at negosyo at teroristang pang-aatake ng estado. Inilantad din nila ang lumalalang krisis sa ekonomya ng bansa katulad ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kawalan ng trabaho at paghina ng agrikultura, kasabay ng pangangayupapa ng rehimeng Marcos II sa amo nitong imperyalistang US. Minarkahan nila ang pagtatapos ng People’s SONA sa pagsunog ng isang effigy nina Marcos Jr. at Sara Duterte na tinawag nilang “Pilas ng Pagniningas”, na sumisimbolo umano sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino laban sa paulit-ulit na pagsasamantala, kultura ng impyunidad, at iba pa.
Bago pa ito, naglunsad ang BAYAN-ST ng karaban noong Hulyo 18 mula sa Laguna hanggang sa University of the Philippines-Diliman. Sunud-sunod na protesta ang inilunsad nila sa iba’t ibang ahensya sa Metro Manila, kabilang ang rali sa embahada ng US mula Hulyo 20-21.
Kinundena ng mga progresibong grupo ang pagtatalaga ni Marcos Jr. ng 23,000 pulis sa Metro Manila para pigilan ang mga kilos-protesta sa araw ng SONA. Hinarangan ng mga pulis ang delegasyon ng mga pambansa-demokratikong organisasyon na nagmartsa papuntang Batasan Pambansa sa may Diliman Doctors Hospital, sa kahabaan ng Commonwealth Ave.
Liban sa pambansang protesta sa Quezon City, nagkaroon ng protesta ang mga detenidong pulitikal at migranteng Pilipino Canada, US, Austria, Germany, Italy, Switzerland, United Kingdom, Australia, Hong Kong, Japan, South Korea at Taiwan.###