Tugon ni Patnubay de Guia: Ano ang pagtingin ng rebolusyonaryong kilusan sa nakaraang SONA ni Marcos Jr.?
Hungkag na mga tagumpay at pangako ang nilalaman ng State of the Nation Address (SONA) ni Ferdinand Marcos Jr. noong Hulyo 22. Kagaya ng mga nagdaang administrasyon, kasinungalingan ang SONA ni Marcos Jr. at hindi kumakatawan sa tunay na kalagayan ng bayan. Tanging ang imperyalismong US at mga naghaharing uri ng paksyong Marcos-Romualdez ang natutuwa sa ibinahaging SONA.
Sa kabila ng mga pakana ni Marcos Jr. na pigilan ang protestang bayan noong SONA, matagumpay na ipinahayag ng mamamayang Pilipino ang kanilang tunay na kalagayan. Taliwas ito sa engrandeng mga talumpati at huwad na islogang “Bagong Pilipinas” ni Marcos Jr.
Nakikiisa ang NDFP at mga kaalyadong rebolusyonaryong organisasyong masa sa inilahad na kalagayan at problema ng bayan. Para sa mga magsasaka, kasinungalingan ang ipinagmamalaki ni Marcos Jr. na pamamahagi ng lupa. Nananatiling wala o kulang ang kanilang lupa dahil monopolyado ito ng mga panginoong maylupa at malalaking burgesya komprador. Pakitang tao lamang ang mga programa ng pamamahagi ng lupa ng rehimen. Patunay rito ang naganap na pamamahagi ng pekeng Certificate of Land Ownership Award (CLOA) sa Palawan noong Abril kung saan maling impormasyon ang nasa papeles kagaya ng pangalan ng benepisyaryo at tirahan. Nalantad din na namamahagi ang rehimen ng CLOA kahit sa mga dati nang benepisyaryo.
Tinutuligsa naman ng mga manggagawa ang sinasabi ni Marcos Jr. na nakamit na taas-sahod sa mga rehiyon sa pamamagitan ng mga tripartite consensus. Katunayan, gamumo lamang ang taas-sahod ng mga manggagawa. Sa National Capital Region, ₱35 lamang ang iginawad na taas-sahod, pinakamataas sa buong bansa. Napakalayo ng kanilang arawang kita sa sumisirit na presyo ng mga pangunahing bilihin. Laganap ang kontraktwalisasyon at masahol na kalagayan sa pagawaan habang nananalasa ang iskema ng union-busting at pandarahas. Marami rin ang wala o kulang sa trabaho lalo sa hanay ng kabataan.
Kinukundena naman ng mga kabataan ang bumababang kalidad ng edukasyon sa bansa. Hindi pa rin nasosolusyonan ng rehimeng US-Marcos II ang kahirapan sa pagkatuto ng mga kabataan na nasa 91% noong 2021. Hindi akma ang mga ipinatupad na programa ng Department of Education, lalo ang Matatag K-10. Nananatiling kolonyal, komersyal at pasista ng sistema ng edukasyon. Patuloy na dinadahas ng estado ang mga progresibo at makabayang kabataan na nakikibaka para sa karapatan ng bayan.
Pinapasan din ng maralitang kababaihan ang problema ng pamilyang Pilipino. Hindi nasolusyonan ang problema sa pagkain, pangunahin ang suplay at presyo ng bigas. Malaking kinaltasan ng badyet at lalung pinakitid ang saklaw at selektibo ang mga programang ayuda tulad ng 4Ps, TUPAD at iba pa. Maraming dumadaing na naaantala ang ayuda. Napakailap ng tunay at abot-kayang serbisyong panlipunan.
Pahirap din sa pambansang minorya ang mga proyektong pang-imprastraktura at pagmimina dahil winawasak nito ang kanilang tirahan at kabuhayan. Tampok dito ang mga proyektong pang-enerhiya na dam, solar at wind na itinatayo sa lupain ng pambansang minorya. Nagagalit ang mga Dumagat at Remontado sa iniraratsadang Kaliwa Dam sa hangganan ng Quezon at Rizal at Wawa Dam sa Rodriguez, Rizal. Marubdob ding nilalabanan ng mga Mangyan sa Mindoro at Palaw’an sa Palawan ang malakihan, dayuhan at mapangwasak na pagmimina na lumalason sa kanilang lupang ninuno.
Walang naniniwala na makabayan si Marcos Jr. dahil sa lantaran niyang pagpapakatuta sa imperyalismong US. Pinahintulutan niya ang pagdadagdag ng apat na base militar sa bansa sa bisa ng Enhanced Defense Cooperation Agreement. Paparaming tropang Amerikano ang lumalahok sa mga ehersisyong militar, pinakamarami ang dumalo sa nagdaang Balikatan Exercises noong Abril. Si Marcos Jr. ay maamong tuta na kakawag-kawag ang buntot na sumusunod sa kanyang among imperyalismong US para maisakatuparan ang niluluto ng huli na gera sa Asia Pacific laban sa China. Samantala, duwag siyang igiit sa China ang soberanong karapatan ng bansa sa West Philippine Sea at hinahayaan lamang brasuhin ng mga Chinese militia, coast guard at navy ang mga Pilipinong pumapalaot sa naturang karagatan.
Isinusuka ng taumbayan ang pagpapakitang-tao ni Marcos Jr. na siya ay mas mabait kaysa dating presidente Duterte. Ipinagpapatuloy ni Marcos Jr. ang pasismo ng estado para supilin ang pakikibaka ng bayan. Duguan ang “Bagong Pilipinas” ni Marcos Jr. na halaw sa programa ng kanyang amang diktador. Ginagamit niya ang Anti-Terrorism Law at Anti-Terror Financing Law laban sa mga kritiko, oposisyon, progresibo at makabayan. Dapat ipabatid sa buong bayan na mula Disyembre 2023-Hunyo 30, naitala ang 652 kaso ng paglabag ng rehimeng US-Marcos II sa karapatang tao na may 48,763 biktima.
Sa nilalaman ng SONA, paulit-ulit na pinatutunayan ni Marcos Jr. na siya’y protektor ng imperyalismong US, malalaking burgesya komprador, burukrata-kapitalista at panginoong maylupa. Sila ang nakikinabang sa ipinangangalandakan ni Marcos Jr. na mga patakaran ng kanyang administrasyon sa todong liberalisasyon sa pag-aangkat, mga proyektong imprastrakturang pinondohan ng dayuhan at sa patakaran ng murang paggawa at pagpapalit-gamit sa libu-libong ektarya ng lupa upang makaakit ng dayuhang pamumuhunan. Layon din nitong kunin ang buu-buong suporta ng US sa kanyang pagkapit-tuko sa poder.
Iniresulta ng mga kalakaran ni Marcos Jr. ang higit pang pagbuyangyang ng ekonomya sa dayuhan o neoliberalismo na lalong magpapabagsak sa kabuhayan ng bayan. Ang pagiging import-dependent at export-oriented na ekonomya ay nagkakait sa bansa na tumindig sa sariling paa at lalong nagtutulak sa pagkaatrasado at de-industriyalisado ng bansa. Dahil sa kawalan ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, lalong malulugmok ang mamamayan sa kahirapan.
Nais palabasin ni Marcos Jr. na “nagkakaisa” ang bayan sa balangkas ng kanyang “Bagong Pilipinas.” Ngunit hindi na maitatago pa ang napakalaking bitak sa hanay ng mga Marcos-Romualdez at Duterte. Garapalan nang nagbabangayan ang dalawang paksyon dahil kapwa silang sugapa sa yaman at kapangyarihan. Hindi na dumalo si Sara Duterte at iba pang alipores ni Duterte sa Kongreso sa ikatlong SONA ni Marcos Jr. Ang paglala ng hidwaan sa pagitan ng mga naghaharing uri at ang lumalalang krisis ng bayan ay matabang lupa sa pagsusulong ng rebolusyon.
Paalala ang kahungkagan ng SONA ni Marcos Jr. na wasto ang pagsusulong ng pambansa demokratikong rebolusyon upang makaalpas sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Kailangang ibunsod ang mga pakikibakang bayan na magpapayanig sa paghahari ng nabubulok na rehimeng US-Marcos II. Ubos-kayang isulong ang pakikibaka ng bayan para sa kanilang kabuhayan. Kasabay nito, marapat ipaglaban ang karapatang tao at singilin ang estado sa mga krimen nito. Patuloy na pag-ibayuhin ng bayan ang pakikibaka laban sa pangangayupapa ni Marcos Jr. sa interes ng US sa gitna ng malalang kalagayan ng mga Pilipino.
Determinado ang rebolusyonaryong pwersa at buong sambayanan na puspusang makibaka hanggang makamit ang pambansa-demokratikong adhikain ng bayan.###