Mga Bula sa Pabrika Kwento ni MM, isang manggagawang kababaihan sa pabrika ng sabon

Mabango ang amoy ng pagsasamantala

Sa tabi ng sapa matatagpuan ang bahay ni MM kasama ang kanyang asawa at anak. Sa kabila ng pangangalay ng kanyang braso dulot ng pagtatrabaho noong nakaraang araw, madadatnan siyang masayang nagmamasahe ng kapitbahay habang nakikipagkuwentuhan sa may pintuan ng kanilang tahanan.

Tulad ng kanilang mga kapitbahay, si MM ay lumipat sa siyudad mula sa probinsya para maghanap ng trabaho. Kuwento niya, may edad na siya nang pumasok sa pagawaan ng sabon. Ito ay dahil sa loob ng mahabang panahon, ang kanyang mister ang kumikita para sa kanilang pamilya habang siya ang nag-aasikaso ng kanilang anak at bahay.

“Sabi ko nga, baka hindi na ako tanggapin dahil sa edad ko. Edi nag-try akong magtrabaho, nag-apply, hanggang sa natanggap. Nag-aya ako sa mga kasama ko rito, halos ako na nga ang nagprodyus ng mga requirements nila.”

Sa loob na ng pagawaan tumanda si MM, ngunit sa kabila ng halos dalawang dekadang pagtatrabaho ay nananatili siyang piece rate o di regular. “Noong nakapasok kami, jusko po, hirap ang inabot namin doon! … ‘Yung mga datihan, sila lang ang nakakaalam ng mga pasikot-sikot sa loob ng pagawaan. Dahil piece rate kami, kung ano ang nagawa, iyon lang din ang kita.” kuwento niya.

Noong siya ay baguhan pa sa pagawaan, hindi hihigit sa isang libo ang kanyang sinasahod. Hanggang sa pinanday ng maraming taon ng paggawa ay naging mabilis at maramihan na ang kayang likhaing sabon ni MM. Sa kabila nito ay halos wala pa ring pagbabago sa laki ng kanyang sinasahod.

“Iba’t ibang uri ng sabon, pampaputi, pampaganda ng mukha, pampakinis, kadalasan pang-export ang ginagawa namin. Pati cream nila ay dito ginagawa.” aniya. “Habang nagtatagal, alam na namin ‘yung mga para-paraan para sa mabilis na paggawa ng sabon pero tingnan mo na naman, 16 years na akong nagtatrabaho dito pero hindi pa rin ako regular, gano’n kahirap ang dinaanan ko.”

Hindi rin regular ang araw ng kanilang trabaho, minsan dalawa o tatlong beses lang sila kada linggo pinapapasok sa pagawaan. Sa panahon na mahina ang gawa, isang libo lang ang sinasahod nila sa isang linggo na kinakaltasan pa ng SSS, Pag-IBIG, at PhilHealth. Napipilitan siyang mangutang para sa panggastos ng kanilang pamilya sa araw-araw lalo na’t halos walang byahe ang asawang drayber.

“Iba-iba rin ang presyuhan, pero kadalasan, sa kada 100 piraso ay 27 pesos ang binabayad sa amin. Nagtaas na kaunti, naging 31 pesos na kada 100 pieces o 0.31 centavos kada piraso. Pero kung lima kami sa team ‘yung halimbawang 31 pesos na kita kada sabon ay hahatiin pa namin sa lima, pumapatak na 6.2 pesos kada manggagawa… weekly ang sahod namin kaya nakadepende ang sasahurin sa bilang ng pinaghirapang sabon.”

Sa maghapon, ang minimum na gastos nila MM sa bahay ay pumapatak sa 400 pesos, iyon ay para sa pagkain at pamasahe pa lang at hindi pa bilang ang pambayad ng kuryente at tubig.

“Araw araw ko lang na pamasahe kasama pagkain 100 ang gastos ko, kung isasama pa ang gastos sa bahay, hindi na talaga sumasapat ang kinikita ko na 250 pesos ang 4 na oras ng trabaho. Minsan nagba-bike o nilalakad ko na lang papasok para makatipid sa pamasahe.… Alam ko na iyon, kapag kami’y mahina ang gawa, pauwi ay tatawag na ako sa kapatid ko. Pagdating ng sahod, babayaran ko siya, tapos wala na namang matitira, kaya mangungutang na naman. Hindi na natapos tapos ang pangungutang.” patawa ngunit malungkot niyang sinabi.

Apektado rin ng El Niño ang kanilang kondisyon sa loob ng pagawaan. Kuwento niya ay pinagsusuot sila ng hairnet, apron, at face mask pero dahil sa sobrang init, nahihirapan silang huminga. Dagdag pa ang matatapang at sari-saring amoy ng sari-saring mabangong sabon. Mahigpit din ang kanilang konsultant ng pabrika, hindi sila pinapayagang kumain maski uminom ng tubig sa kanilang station kaya bihasa sa pagtitiis ng gutom, ihi, at uhaw ang mga manggagawa ng pagawaan.

“Hindi tulad ng mga daily na may isang oras para magpahinga at kumain, kaming mga piece rate ay walang break kasi hinahabol nga namin na makagawa kami nang marami. Madalas, hindi na kami kumakain, doon na lang sa lamesa, patago kaming kumakain para makabalik agad sa paggawa.”

Medyo regular, medyo hindi

Dahil sa haba ng panahon ng pagtatrabaho ni MM sa pagawaan, mula piece-rate siya ay ginawang regular-piece-rate. Depende sa lakas ng paggawa, may mga araw na ang pasahod sa kaniya ay katumbas ng sa manggagawang regular, at pagka mahina naman ay sahurang piece-rate.

Mulat si MM sa masalimuot na pagkakaiba ng kalagayan ng mga piece-rate at regular na manggagawa – mula sa sahod at benepisyo, hanggang sa pagkakasadlak sa hindi makataong paggawa. Aniya, “Sipag at bilis ang puhunan ng mga katulad ko na palaging naghahabol ng gawa. Lugi pa nga kami kung tutuusin kasi mas mabigat ang trabaho ng piece-rate na manu-mano kumpara sa regular na may makina.”

Partikular na iniinda ni MM ang matinding pagod at pananakit ng katawan na nararanasan. “Sa araw na daily ka, di rin aabot sa minimum [wage] ang bayad pero alam mo kung magkano ang kikitain mo. Kapag piece rate ka dapat makarami [ng gawa] sa loob ng isang araw… Mas nakakapagod ang piece rate kasi talagang habol mo ang bilis. Mananakit ang katawan dahil maghapon na pagod, nakatayo, nararamdaman dito sa braso dahil sa paulit-ulit na [pag-]cut [ng sabon].”

Bukod sa sahod, matutunghayan din kung paano pagsamantalahan ng kapitalista ang kaniyang mga manggagawa sa anyo ng pagbabayad ng separation pay. Sa kanilang pagawaan kapag mag-reretiro o mag-resign ang manggagawang piece-rate o regular-piece-rate, kahit gaano na katagal na nagtatrabaho roon ay kakarampot lang ang matatanggap sa separation pay.

“Kung matagal ka na at aalis ka, babayaran ka nila, pero hindi katulad nung sa regular na may price sila batay sa kung ilang taon silang nagtatrabaho. Kaming mga piece rate, ang katumbas lang ng isang taon namin ay isang libo. Kaya kung ngayong September ay 16 years na ako, ‘pag umalis ako, 16,000 lang ibibigay sa’kin. Kapag regular ay aabot ng halos one hundred thousand plus ang ibabayad.”

Bagaman nakararanas ng paminsan-minsang taas-sahod sa pagiging regular-piece-rate, nakaayon pa rin ito sa interes ng kapitalista. Ang bilis at husay ng mga manggagawa ay pinagsasamantalahan sa pamamagitan ng istratehikong pagpapalit ng porma ng pasahod sa panahon na tambak ang order, sa layong masiguro ang tuloy-tuloy, mura, at episyenteng paggawa para sa mas mataas na kita sa pinakabarat na halaga.

“Yung alternate na araw ng piece-rate at regular ay nagbabago rin. Kapag tambak ang loading, hindi na kukuha ng regular, lahat kami piece rate na no’n, lahat mabilis ang gawa, mahahabol ‘yung pag-deliver. Sa regular na gumagamit ng makina, pangbuo lang ‘yun ng sabon. Pero lahat ng produkto dumadaan sa kamay ng piece rate para sa finishing.”

Bilang malapit na maging senior citizen at pangunahing inaasahan ng pamilya, pinagtatiyagaan ni MM ang barat na sahod at kondisyon sa paggawa sa pabrika. “Noong una ay nagtiyaga lang ako hanggang sa umabot na ng ganito katagal. Hinahabol ko ang SSS kasi 3 years na lang 60 na ako, at least may pension kahit papaano. At kung titigil pa, ano namang trabaho ang papasukin ko? Ang trabaho ng kasambahay ay mas mahirap pa sa trabaho ko ngayon.”

Gamit na gamit

Humarap din sa malawakang tanggalan ang pabrika noong kasagsagan ng pandemya, kalakhan ay mga regular na tumanda na rin sa pagawaan. Sa kabila ng tanggalan, pinananatili ng kumpanya ang kota ng sabon. Bunsod nito, napilitan sila MM na magdoble-kayod, ang bilang ng sabon na ginagawa nilang 16 na piece-rate ay katumbas ng nililika noon ng 80 na manggagawa.

“Tuloy pa rin ang pag-operate pero hindi na kami ganon karami, dati halos siksikan kami, ngayon wala na. Kahit kumonti ang manggagawa yung quota naman namin ay parehas pa rin. Ngayon, pagka-rush ang delivery, pati mga driver at nasa opisina ay tumutulong sa produksyon ng sabon pero walang dagdag bayad. Lahat nga ay gamit na gamit.”

Malimit na idinadahilan ng kapitalista sa kanila ang posibilidad na malugi ito noong panahon ng pandemya, ngunit ilang taon na makalipas ang rurok ng COVID-19 ay hindi pa rin nagdadagdag ng mga manggagawa ang pabrika.

“Dati, humingi na kami ng dagdag sahod pero ang tagal maaprubahan. Dati 15 centavos ang bayad samin kada sabon, ngayon ay 20 centavos, kung maka-100 piraso kami ay 20 pesos ang ibabayad sa amin. Para kaming nag-welga noon, sa sabon na pampaputi dahil pinapa-OT kami nang walang bayad. Tinaasan nila mula 24 pesos ay 33 pesos na ang presyuhan kada 100 piraso. Tumataas naman, pero paghahatian pa iyon ng bilang ng manggagawa kada team.”

Sabong ikinahon

Nagpakita si MM ng sabon na kanilang hinulma, pinino at pinakete, isa raw sa mga produkto nila sa pabrika. Ang bayad sa kaniya para sa isang pirasong sabon na iyon ay 0.04 pesos, ito ay binili pa niya sa Watsons sa halagang 38 pesos. Ang halaga ng isang pirasong sabon na iyon sa merkado ay katumbas ng 950 na sabon na kaniyang nililikha sa loob ng pabrika. Ang mga manggagawa tulad ni MM ay tila parang mga sabon na lumilikha ng milyun-milyong bula ng labis-labis na halagang lumulutang at di matamo.

Habang hinahaplos at tinititigan ang sabon sa kamay, malungkot na binahagi ni MM ang kontradiksyon na hinaharap ng mga manggagawa sa pagitan ng kagustuhang ipaglaban ang pagiging regular at ang takot na mawalan ng hanapbuhay.

“Sa pagawaan namin hindi kailanman nagkaroon ng unyon, natatakot sila. Ngayon, ang laban namin ay maging regular, ang problema ay ayaw nila sumama pa sa mga organisasyon at takot na kalabanin ‘yung factory.” Sa kabila nito ay walang sawang pinapaliwanag ni MM ang kanilang mga karapatan sa mga kapwa niya manggagawa, nag-iisip ng iba’t ibang pamamaran upang unti-unting basagin ang takot na nararamdaman ng kapwa niya manggagawa at maitransporma ito tungo sa sa pakikibaka.

Ang ganitong pagkamulat sa kalagayan ng manggagawa ang naging daan upang marekrut siya sa MAKIBAKA. Bilang kasapi ng MAKIBAKA sa komunidad, mulat na ipinaplano ng kanyang kolektiba ang pag-oorganisa sa mga manggagawa hindi lamang sa kanilang pabrika kundi sa mga kalapit din nito. Kaya naman, siya ay kabilang sa isang work-team na nakapagbuo ng isang alyansa ng mga manggagawa sa siyudad na nananawagan ng pagtaas ng sahod. Kasapi dito kapwa ang mga manggagawang may unyon, walang unyon at mga mala-manggagawa. Patuloy ang kanilang pagsisikap upang magbunga ito ng pagtatayo ang unyon at marami pang ibang samahan ng mga manggagawa sa komunidad at pabrika.

Pursigido si MM na sa nalalapit na panahon ay mapapakilos ang mga manggagawa sa loob ng kanilang pabrika para igiit ang mga pang-ekonomikong karapatan sa regularisasyon at nakabubuhay na sahod. Hangad niyang mamulat sila sa pakikibaka ng kanilang uri at tumindig para sa lahat ng manggagawa ng daigdig, at makipagkaisa sa uring magsasaka at lahat ng masang api para kalagin ang tanikala ng imperyalismo at itaguyod ang rebolusyon tungo sa isang sosyalistang lipunan.

Kwento ni MM, isang manggagawang kababaihan sa pabrika ng sabon