Rehimeng US-Marcos Jr, disaster sa buhay ng masang kababaihan

Ilang araw matapos ang State of the Nation Address (SONA) ni Marcos Jr ay humarap sa matindi at walang tigil na pag-ulan ang bansa na nagdulot ng malaking pinsala partikular sa Metro Manila, Hilagang Luzon at Gitnang Luzon. Napilitan ang libu-libong mamamayan na iwanan ang kabahayan at lumikas tungo sa mga evacuation center kung saan karamihan ay halos wala nang nasalbang kagamitan. Ayon sa datos mismo ng gobyerno, 1.3 milyong pamilya o 4.8 milyong indibidwal ang naapektuhan ng pinagsanib na bagyong Carina at Habagat. 9 ang sugatan, 6 ang nawawala, at umabot na sa 39 ang namatay dulot ng pagkalunod at pagguho ng lupa. Ang tantos ng pagkasira ay umabot sa ₱9.7 milyon sa agrikultura, ₱6.6 milyon sa irigasyon, at ₱1.3 milyon sa imprastraktura.

Ang paglubog ng mga mayor na rehiyon dulot ng Carina at Habagat ay isang malaking sampal sa mukha ni Marcos Jr. matapos niyang ipagmalaki ang 5,500 proyekto na dapat tutugon sa matinding pagbaha sa kaniyang talumpati sa SONA. ₱12.13 bilyon ang inutang ng gobyerno sa World Bank para ipatupad ang mga nasabing proyekto para sa pag-modernisa ng mga pag-aagusan ng tubig baha, at koleksyon at disposal ng basura na sinasabing pakikinabangan ng milyun-milyong residente sa Metro Manila. Bukod pa sa inutang ay naglaan din ng ₱255 bilyong badyet sa DPWH para sa flood control projects para sa taong ito. Mulat ang sambayanang Pilipino bago pa man bumagsak ang bagyo na ito ang pinagmumulan ng matinding korapsyon sa loob ng gobyernong pahirap sa mamamayan.

Sa kabila ng pagdedeklara ng state of calamity sa mga apektadong lugar ay napakabagal at barya baryang ayuda ang pinamahagi ng Department of Social Welfare (DSWD) sa mga nasalanta ng bagyo na umaabot sa ₱200 milyon na humanitarian aid. Insulto sa kababaihan at mamamayan ang ₱5,000-₱10,000 ayuda para sa mga bahagya at lubos na nasira ang tinitirhang bahay. Paano makakaahon ang mga pamilyang Pilipino sa kasalukuyang krisis dulot ng matinding taas ng presyo ng mga bilihin, kawalan ng katiyakan ng trabaho, at sobra sa barat na sahod?

Ang papet na rehimeng US-Marcos Jr. ang kasalukuyang pinakamalaking disaster sa buhay ng sambayanang Pilipino dahil sa kaniyang lantarang kawalan ng aksyon sa pinsalang dulot ng bagyong Carina sa kabahayan at kabuhayan ng masang kababaihan at mamamayan. Walang bahid ng pananagutan, nagawa pang maghugas kamay ni Marcos Jr. at sisihin ang mga maralitang lungsod at pagbabago ng klima bilang dahilan ng matinding pagbaha.

Dahil alam ng kababaihan na wala siyang maaasahan mula sa pamahalaan, itinaguyod nila ang mga kagyat na pangangailangan ng komunidad sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at tulungan mula sa ba’t ibang sektor ng lipunan. Naglunsad sila ng mga donation drives, kusinang bayan, pamimigay ng food packs, at mga community clean up drive. Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy ang pangangalap ng tulong para sa kagyat na suporta at serbisyo sa mga biktima ng kalamidad.

Kasabay ng kagyat na mga relief operations, itinayo ang mga samahan ng mga boluntir mula sa mga tumulong at nagresponde, nagtayo ng lokal na samahan sa komunidad para sa pagtugon sa isyu ng kalamidad at nagparami ng mga kasapian ng mga pambansa demokratikong organisasyon. Ang mga samahang ito ay hindi lamang nakatuon sa relief at rehabilitasyon, kundi sa pag-ugat sa usapin ng matinding pagbaha. Ilulunsad nito ang mga pulong masa, porum at iba pang mga pagkilos at aktibidad upang palakasin ang kampanya laban sa patuloy na pandarambong sa kalikasan at ang mapanirang epekto nito sa mamamayan. Ipinapanawagan nito hindi lamang ang ayuda kundi ang kumpensasyon sa pagkasira ng mga buhay, kabuhayan at mga tahanan. Gayundin, bitbit nila ang panawagan sa pagpapanagot sa mga malalaking lokal at dayuhang korporasyon na sumisira sa kalikasan ng Pilipinas at ugat ng malubhang paglubog ng mga komunidad sa pamamagitan ng mga mapaminsalang quarrying, pagmimina, illegal logging, at mga proyektong reklamasyon.

Binabantayan din sa nagaganap na budget deliberations sa Kongreso ang paglalaan ng pondo mula sa kaban ng bayan para sa mga proyektong maaaring magdulot ng dagdag na pinsala sa buhay ng mamamayan. Naungkat na mayroong 540 mga negosyo ang nag-oopereyt sa Upper Marikina Watershed, na dapat ay isang protektadong erya. Liban sa mga binigyan umano ng show cause order ng DENR, hindi mapagpasyang ipinagbabawal ang mga negosyo ng logging at quarrying na siyang sumira sa mga kabundukan kasabay ng mga dam na itinatayo para lamang sa pakinabang ng negosyo at hindi ng bayan.

Sumususog at nakikibahagi ang rebolusyonaryong kababaihan ng MAKIBAKA sa mga aksyon at panawagan ng iba’t ibang mga samahang masa sa pagpapanagot sa mga mapaminsalang negosyo. Kasabay nito, patuloy itong sumusuporta sa mga operasyon ng Bagong Hukbong Bayan upang parusahan ang mga malalaking negosyo na sumisisira sa kalikasan at nagpapahirap sa mamamayan.

Rehimeng US-Marcos Jr, disaster sa buhay ng masang kababaihan