Editoryal, Malayang Pilipina Agosto 2024 Pasidhiin ang Damdaming Maka-uri, Makabayan at Internasyunalista! Tutulan ang Imperyalistang Digma!

Sa SONA 2024 ni Marcos Jr., ay binanggit nito ang kanyang mga “panandang batong” ganansya na nakuha sa mga istratehiko at taktikal na mga pandaigdigang kasunduan para sa pagdepensa sa soberanya umano ng Pilipinas. Pero sa punto de bista ng mamamayang Pilipino, katumbas nito ay pagkakanulo o pagtatraydor at walang kapantay na krisis.

Dagdag na senyales sa krisis na kasulukuyang nararanasan ng mundo ang Reciprocal Access Agreement (RAA) sa pagitan ng Pilipinas at Japan na pinirmahan nitong Hulyo 8, 2024. Dating sinulong at ka-Digma ng Japan ang Pilipinas noong World War II, ngunit sa kasalukuyan ay buo ang pagkakaibigan at magiging magkakampi para sa isang “defense pact”. Karugtong ang RAA sa nabuo namang kasunduan sa Trilateral Summit noong Abril sa pagitan ng Pilipinas, Japan at US. Kapwa ang Summit at RAA ay tutugon diumano sa nakaka-alarmang kalagayang panseguridad ng South China Sea at East China Sea kasama na rito ang sinasaklaw ng West Philippine Sea at Taiwan Strait.

Bahagi ang RAA at ang isinagawang pinakamalaking Balikatan Exercises sa kasaysayan nitong Abril hanggang Mayo, ng mga calibrated na militaristang maniobra ng US laban sa matigas at aroganteng pagpoposisyon at pangangamkam sa South China Sea ng kapwa nitong imperyalista na bansang China.

Inaasahan naman ang ganting reaksyon ng China sa nagaganap na geo-politico-military alignment ng US at mga kaalyado nito, na nakatuon sa mga karagatang istratehiko sa Asya Pasipiko. Ayon sa Western Command ng AFP, patuloy pang pinaparami ang pwersang nabal ng China sa West Philippine Sea at paglalalagay ng mga permanenteng istasyon sa mga pinag-aagawang mga teritoryo.

Kasabwat ang tutang rehimen, ginagamit ng US ang pagtatanggol umano sa soberanya ng Pilipinas bilang probokasyon sa China. Nagkukunwari si Marcos Jr na “hindi isusuko ang kahit isang pulgada ng teritoryo ng Pilipinas” pero isinasangkalan ang buong bansa – ang kalupaan at mga karagatan sa kontra-Tsinang US, para maging “kabalikat” sa pagdepensa ng bansa. Banggit pa, nakaamba ang isa pang “Ukraine” sa South East Asia.

Hindi naiipit sa dalawang nag-uumpugang bato si Marcos Jr. Nagpapaumpog siya ng kanyang ulo. Nalalantad ang labis na pagpapakatuta habang pinapasok ang mga kasunduang pang-ekonomiya at pangmilitar na napakapaborable sa mga dambuhalang dayuhang monopolyo kapitalista at kasapakat nilang malalaking burgesya komprador na naglalagay naman sa uring anakpawis sa napakadehadong kalagayan.

Hindi magkakahiwalay ang Charter Change, ang EDCA, pinapalawig na mga Balikatan exercises at ang RAA na kasunduan kasama ang Japan. Buo ang disenyo at pakete ng mga ito para ang isang mala-pyudal at mala-kolonyal na bansa tulad ng Pilipinas ay mas busabusin pa at sumalo sa tumitinding krisis ng labis-labis na produksyon at kumikitid na pamilihan ng imperyalistang US at maging ng Japan.

Kaalinsabay ng trilateral summit at RAA ang mga kasunduang pang-ekonomiya para sa investment ng Japan at US sa tinatawag na Luzon Corridor. Bibigyang diin ang mga pantalan at mga ecozones para sa semiconductors industry na interes ng US sa patuloy na pagdebelop ng teknolohiya kabilang na ang artificial intelligence. Sa loob ng mga ecozones lalo na sa Central Luzon at Southern Tagalog na sakop ng Luzon Corridor, nakakulumpon ang milyun milyong manggagawa na nakakaranas ng mababang sahod, hindi maayos na pasilidad sa mga pabrika at mga paglabag sa karapatan sa pag-uunyon.

Nakaamba ang digma sa kasalukuyang yugto ng kasaysayan. Ang kilusang kababaihang anakpawis ay hinahamong tumindig para sa maka-uri, makabayan at internasyunalistang adhikain at pagkilos. Mahalagang alalahanin ang mga magigiting na lider manggagawang kababaihan na sina Clara Zetkin, Rosa Luxemburg, Silvia Pankhurst, Aleksandra Kollontai at Inessa Armand na nanindigan para sa uri at diwang internasyunalismo bago pumutok ang WWI hanggang sa aktwal na kaganapan nito noong 1914. Katulad ng pagpapakilos nila sa daan libong kababaihan upang labanan ang inter-imperyalistang digma, kailangang pakilusin din ang mga kababaihang Pilipino upang tutulan ang nakaambang imperyalistang digma. Patuloy nating isulong ang rebolusyonaryong kilusan ng kababaihang anakpawis na handang sumuong sa sakripisyo, at magtaguyod ng magiting at maka-uring kilusan para ilantad at gapiin ang di-makatao, ganid at militaristang pandaigdigang pananalanta ng mga imperyalista.

Pasidhiin ang Damdaming Maka-uri, Makabayan at Internasyunalista! Tutulan ang Imperyalistang Digma!