Pahayag ng pagpupugay ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA) para sa mga kababaihang bayani ng sambayanan
Ang lupit, gutom at sakripisyo na hinarap ng mga hukbo ng bayan sa loob ng sonang gerilya ay una nilang danas sa hapag kainan ng sariling tahanan.
Mga kababaihan mula sa uring magsasaka na hiling ang tunay at kumprehensibong reporma sa lupa, mga manggagawang kababaihan na tumitindig para sa pambansang industriyalisasyon, kababaihan mula sa maralitang lungsod na mithiing matamasa kanilang mga batayang pangangailangan, at kabataang kababaihan na saksi sa hirap ng mga magulang, handang ialay ang kaalaman para sa uring api—sila ang bumubuo sa Bagong Hukbong Bayan, sila ang mga martir ng samabayanan.
Nagmula sa iba’t ibang uri at saray ng lipunan, bayani ang mga ina, anak, kapatid, kaibigan na mapangahas at magpasyang lumahok sa digmang bayan upang iwaksi ang pagsasamantala ng mga naghaharing uri sa bansa at ng mga imperyalista laban sa masang anakpawis.
Inilaan nang buong panahon ang talino, lakas at kakayahan sa pagtulong para ipagtagumpay ang mga pakikibakang magsasaka, pakikipagkaisa sa uring manggagawa, at pagpapatupad ng programa ng demokratikong rebolusyong bayan.
Sa kanilang pagiging maparaan, malikhain, maaruga at matalas sa bawat sandali ng pagtataguyod at pagsasakatuparan ng rebolusyon, ay kanilang ipinamalas ang walang katumbas na katapangan at kadakilaan. Nanindigan sa harap ng matinding hirap at sakripisyo sa araw araw, at hanggang sa huling sandali ay nakaturol ang kanilang mga armas sa kaaway ng uring pinagsasamantalahan.
Kalahati ang kababaihan ng sambayanan at ang lugar niya ay sa rebolusyon.
Ang partisipasyon ng kababaihan sa pakikibaka para sa tunay na kapayapaan ay makatarungan dahil nakaugat ito sa mahabang panahon ng pagsasamantala na nagpaliyab ng kaniyang rebolusyonaryong adhikain. Sa pamamagitan ng kaniyang pagsapi sa mga rebolusyonaryong organisasyon, pagsampa sa Bagong Hukbong Bayan at pagtangan sa armadong pakikibaka, ang kababaihan ay nagiging tagapaglikha ng bagong uri ng lipunan na malaya sa pagsasamantala.
Ang pinakamataas na porma ng pagpupugay sa ating mga martir ay sa mahigpit na pagtangan ng mga baril na kanilang nabitawan, sunggaban ang mga kahinaan ng kaaway at ipagpatuloy ang digmang bayan. Sa pagpapatuloy ng rebolusyon, sila ay mananatiling inspirasyon. Laksa-laksang kababaihan ang magtatanghal at magsasabuhay ng kanilang kagitingan at katapangan.
Pulang saludo at pinakamataas na pagpupugay sa mga kababaihang martir, bayani ng sambayanan! Joy “Ka Kyrie” Mercado, Precious Alyssa “Ka Komi” Anacta, Baby Jane “Ka Binhi” Orbe, Allysa “Ka Ilaya” Lemonicito, Maria Jetruth “Ka Orya” Jolongbayan, Jhunalice Arante-Isita, Gladys Cassandra “Ka George” Mendoza, Marian “Ka Lunti” Castro, Angelika Joan “Ka Molly” Villalon, Azase “Ka Mabel” Galang, Rewilmar Torrato at Ka Concha Araneta!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Pambansa Demokratikong Rebolusyon!