Mula kalsada tungo sa pakikibaka

Gabi pa lamang ay inusisa na ang makina, extrang gulong, tools, basahan, sapat na krudo. Kailangan siguraduhin na nasa kundisyon ang mga sasakyan kinabukasan. Maagang nagsigising para maghanda ng gamit – ekstrang damit, pagkain, at tubig. Tanging kape, kaunting tinapay at paninindigan na ibasura ang Public Vehicle Modernization Program (PUVMP) ang baon ng mga jeepney drayber at kanilang mga pamilya sa araw ng tigil pasada at kampuhan bilang malawakang protesta sa pagtatapos ng palugit ng franchise consolidation sa araw ng Abril 30.

Layunin ng PUVMP na palitan ang mga tradisyunal na jeep ng mga modernong yunit na nagkakahalaga ng 3 Milyon at may rekisito ng pagkakaroon ng kooperatiba na may iisang prangkisa.

Dala-dala ang paglaban at pag-asa na sana’y tuluyan nang ibasura ang PUVMP, kasama sa mga tuloy tuloy na lumahok sa mga kilos-protesta ay ang 19 taong gulang at estudyante sa kolehiyo na si Abby, anak ng isang jeepney driver. Aniya, ang tradisyunal na dyip ang tanging pinagkukuhanan nila ng kabuhayan.

Dalawang second hand na dyip ang kanilang pag-aari na inutang lamang ang pinambayad dito. Di naglaon ay naibenta ang isang dyip. May sakit sa puso ang tatay ni Abby na siya ring drayber ng kanilang dyip. Malaking tulong ito sa kabuhayan nila dahil dito kinukuha ang panustos sa araw-araw. Sa limang magkakapatid ay tatlo sa kanila ang nag-aaral pa. “Malaking dagok ito sa amin” dagdag pa ni Abby.

Epekto ng Phase-out

Libu-libong bilang ng mga drayber at opereytor ng dyip ang apektado ng PUVMP, karamihan dito ay mga masang anakpawis at higit dekada nang bumabyahe sa kalsada. Ayon sa kanila’y wala silang ibang pagkukuhanan ng hanapbuhay lalo pa’t ito na lamang ang mayroon sila—ang dyip.

Si Nanay Aida, 64 taong gulang asawa ng isang tsuper ay isa rin sa mga sumuporta sa unang mga araw pa lamang ng mga protesta sa PUVMP. Aniya, halos apat na dekada nang bumabyahe ang kanyang asawa at tanging ang pamamasada ang bumuhay sa kanilang pamilya. ” Senior na rin ang asawa ko, mahihirapan na rin sya maghanap ng ibang trabaho. Mula anak hanggang sa mga manugang ko ay binuhay na ng manibela”.

Hindi lamang mga tsuper at opereytor ang apektado ng PUVMP, tinatayang nasa 28.5 milyong komyuter ang apektado. Bukod sa pagtaas ng pasamasahe ay higit na mahihirapan ang pangkaraniwang komyuter sa araw-araw na byahe dahil sa magpahanggang ngayon ay hindi naman nilulutas ang pambansang krisis sa transportasyon.

Bukod sa mga komyuter, nariyan din ang mga maliliit na manininda at mga barker o kunduktor. Si Brandon, 56 single parent at may apat na anak. Bagamat myembro din ng isang kooperatiba, bilang barker/konduktor ay umaaray sa jeepney phase out. Aniya, mayroon na sila na ilang modern bus na mula sa China at iyon ay may regular na drayber at konduktor na sahuran. Malaking bilang pa rin sa kanilang kooperatiba ang tradisyunal na dyip at isa-isa na ring mapi-phase-out. “Kapag hindi ako nagbarker, saan ko kukunin ang ipapadala kong pera para sa mga anak ko sa probinsya? Kwarenta pesos lang ang bayad sa akin kada dyip. Lalo pa liliit kita ko kapag inalis yung dyip lalo ang mahal pa ng bigas, nakikikain na nga lang ako sa kapatid ko.”

Hindi alintana ang init ng panahon sa araw ng pambansang welga. Ang mga signboard ng ruta ay napalitan ng mga panawagan. Ang mga hari ng kalsada ay lumaban, kahit pa unti-unting pinapatay ng estadong maka-dayuhan at anti-mamamayan.

Byaheng Rebolusyon

Hindi na bago kina Abby at sa pamilya niya na sumama sa mga kilos protesta dahil bukod pa dito, sila ay biktima rin ng demolisyon. Para sa kaniya, inalisan na sila ng tahanan, at maging ang eduksayon ay mawawala rin sa kanila dahil sa pagdurog ng kanilang nag-iisang kabuhayan. Kaya walang ibang solusyon kundi kumilos.

Noong kasagsagan ng sunud sunod na pagtaas ng langis at gyera sa Middle East naman organisa at naging pultaym na organisador si Genesis. Jeepney driver ang kanyang tatay at OFW ang kanyang nanay. “2008 iyon, hirap na hirap kami ni Papa, si Mama naman hindi na nakauwi kasi naipit sila sa gyera. Parehong pareho lang halos sa ngayon wala namang pinagkaiba. Lumala pa sa ngayon. Marami akong kasama mga anak din ng driver, OFW, construction worker lahat iyon sumampa at naging hukbong bayan.”

Mula kalsada tungo sa pakikibaka