Pagbibigay pugay sa mga rebolusyonaryong ina!
Mahirap sukatin ang pag-ibig na tangan-tangan ng mga dakilang ina na ang inaalay ay ang buong diwa ng pagiging rebolusyonaryo.
Saan mang larangan ng pakikidigma nariyan ang iba’t ibang mukha ng kaniyang katangiang mapag-aruga, na sinasaluhan ng bigwas ng katapangan.
Siya ay hukbo. Nakikita niya ang kanyang anak sa lahat ng mga Pulang mandirigma. Walang kapanatagan sa kanyang dibdib sa bawat pagputok ng mga baril panahon ng mga pagbira at mga banatan. Sa mga pagal na katawan ng kanyang ka-yunit, magpapataas ng moral ang kanyang pananalita, oopensiba ang kanyang pagkalinga.
Siya ay detenidong pulitikal. Palagiang nagpupumiglas ang kanyang damdamin sa hangad na makawala sa mga mapanupil na rehas, upang muling mayakap ang kanyang mahal na anak, pamilya at mga kasama. Siya ay ina, ate, auntie. Ang kanyang pakikinig sa mga kwento at pagbibigay ng katatagan ng loob ay mga porma ng kaniyang pag-aaklas.
Siya ay guro. Nasa kaibuturan ng kanyang pagtuturo ang kapangyarihang hangad ng makabayan, makamasa, at siyentipikong edukasyon. Nadudurog ang kanyang puso sa kalagayang may mga batang hindi marunong magbasa, magsulat, magkwenta at mangmang sa mga mapagpalayang kamulatan.
Siya ay yaong mang-aawit. Ang kanyang oyayi ay hindi nagpapahimbing bagkus ay magpapagising sa kamalayan ng bawat ina na bakahin ang sentimentalismo. Ang mga sonata mula sa kanyang labi ay nagpapaluwal ng mga anak ng bayang may tibay ng loob.
Siya ay isang simpleng ina sa baseng masa. Kumukupkop at itinatago ang mga anak na target dahasin ng mga berdugo’t pasista. Gagawin niya ang lahat para proteksyunan ang bata at hahamakin ang lahat para lamang hindi makanti ng kaaway ang paslit na nasa kanyang santuwaryo.
Hindi matatawarang sakripisyo ang iniaambag ng mga babaeng ina na yumayakap sa landas ng pambansa demokratikong rebolusyon.
Pagkahaba-haba man ng tinatahak ng rebolusyong Pilipino, ang mga dakilang ina ng isang rebolusyonaryong kilusan ay tiyak na hindi bibitaw at magpupunyagi. Sa kabilang banda, kailangang magpunyagi ang isang makatarungang pakikidigma alang-alang sa mga inang umaasa sa tagumpay ng digmang bayang magbibigay ng maaliwalas na kinabukasan sa kanilang mga anak.