Tula ni Ka Danaya Ang tusong kaibigan
Hindi namin malilimutan ang ‘yong pagdating
Nakangiti ka habang buong giliw
Na hinahandog sa amin iyong suporta at baril
para “tulungang” makamit ang kalayaang hangad namin.
Buong akala namin ikaw ay kasangga
Sa layuning palayasin kaaway na kolonyalista
Kaytagal naming inasam na makaalpas
Tatlong daang taong higit na ang nakalipas.
Ngunit sa aming tagumpay na mapalayas ang dayo
Ikaw pala ang siyang papalit na bagong amo
Matapos makamit aming pagwawagi
ikaw pala ay nakaabang upang sa’min ay dumagit
Nakita mong kapaki-pakinabang para sayo ang aming rekurso
Kaya kami ay sinakop, naghasik ng henosidyo
Kinuha aming mga yamang lupa, tubig, mineral
Itinira ang malalawak at kalbong kagubatan
Hanggang isang araw inisip mong mag-alaga
Mga lokal na tuta, huwad na lider sa ‘yong ngalan
Upang magpatupad ng mga batas at kasunduan
Pawang pabor sa ‘yong luho at pangangailangan
Sa iyong pag-istasyon, dito ay nagsanay ka
Ng pwersang sandatahan, hindi para sa bayan
Kundi para ipantapat sa ‘ming nakikibaka
Mga asong ulol na tutugis sa sinumang lalaban.
Aming ulo iyong binilog, pilit minamanipula
Pagkontrol sa isip layon ng edukasyong gawad
Binura sa’ming kasaysayan iyong mga krimen, brutalidad
Nag-astang tagapagligtas, pilit kaming binubulag.
At ngayon ngang may usapin sa aming bakuran
Sigalot namin sa ‘yong karibal iyong ginagatungan
Binubuyo mamamayan gawing lunsaran ng gera ang bayan
Ipinapain sa labanang ikaw ang kikita’t makikinabang
Mahabang panahon na ang nakalipas, ika’y nakangisi pa rin
mga handog mong “tulong”, gera at pagdurusa ang kapalit
Kilala ka na namin, mapagkunwang kaibigan
Kami’y hindi na paloloko, sayo’y di na muling magpapagamit
Kami ngayo’y nag-aaklas, bumabalikwas
Para bawiin sa iyo ang lahat ng iyong inagaw
Lahat ng iyong krimen hindi na mapalalagpas
Sa araw ng pagtutuos ika’y ganap na ibabagsak
Imperyalismong US, hindi kailanman kaibigan
Pahirap sa bayan, kaaway ng sambayanan
Nagkakaisa ang mga api para ika’y ibagsak
Upang kamtin ganap na hustisya’t paglaya!