Lathalain Mapanirang Ahunan Dam, patuloy na nilalabanan ng mamamayang Pakileño

Inuulat ng mga Pakileño ngayon na patuloy ang pagpapatayo sa 299.7 na ektaryang Ahunan Hydropower Project sa Pakil, Laguna. Ang proyektong ito ay nasa ilalim ng Ahunan Power Inc. Pinamumuhunan ito ng Prime Metro Power Holdings Corp. ni Enrique Razon at ng JBD Water Power Inc.

Patuloy na kinakalbo ang higit 100 na ektaryang kagubatan sa Sierra Madre, at patuloy na binubutasan nang may 500 na metrong lalim ang lupang tinatayuan ng Ahunan Dam. Dahil sa pagbubutas ng lupa at pagpuputol ng mga puno, lumalala ang banta ng pagguho ng lupa sa erya kung saan itinatayo ang proyektong ito.

Hinaharangan din ng dam ang mga batis at ilog mula sa Sierra Madre. Dahil dito, humihina ang daloy ng malinis na tubig papunta sa mga lokal na komunidad sa Pakil.

Bukod pa rito, tinatayang nasa 12,000 residente ng mga barangay ng Saray, Rizal, Tavera, Gonzales, Burgos, Taft at Baño ang mawawalan ng tirahan dahil sa dam. Kasama rito ang mga magsasaka’t mangingisdang nagha-hanapbuhay para may makakain ang taumbayan. Kaya malaki ang pinsalang dinudulot nito sa kabuhayan at kapakanan ng libu-libong mamamayan.

Kasalukuyan ding umaalma ang mga nakatira malapit sa dam dahil sa mga nakapaskil na babala ng Department of Energy na nagsasabing maaaring hulihin ang mga taong lumalapit sa proyekto. Ginagawa ito dahil itinuturing “proyekto ng pambansang kahalagahan” ng pamahalaan ang Ahunan Dam. Bukod pa rito, dumarami rin ang mga “blue guard” na nagbabantay sa proyekto at nagbabawal sa pagkuha ng mga litrato sa erya.

Rasyunal sa Likod ng Ahunan Dam

Matagal nang ibinibida ng mga imperyalistang bansa, tulad ng US at European Union, ang renewable energy (RE). Sa ilalim ng retorika ng pangangalaga sa kalikasan at pagbabawas sa paggamit ng fossil fuels, namumuhunan sila sa mga mapagkukunan ng RE: hydropower dam, geothermal power plant, windmill, at solar farm.

Sa mga aping bansa tulad ng Pilipinas, ginagamit nila ang mga proyektong RE para mapakinabangan at pagsamantalahan ang mga likas na yaman ng bayan. Ginagawang tabing ang “green energy” para lalupang payamanin ang naghaharing uri at pahirapan pa ang mamamayang naghihirap. Ginagamit nila ang kuryenteng nililikha ng mga proyektong ito para magpatayo pa ng mga bagong pagawaan, mina at pasilidad. Sa ganitong paraan, mas tumitindi ang polusyon at pagsasamantalang idinudulot nila sa iba’t ibang mga lugar.

Kasama nito, ipinagmalaki ni Marcos Jr. noong SONA 2022 na pagtutuunan ng kanyang administrasyon ang pagpapatayo ng mga bagong proyektong RE upang matugunan ang mga malubhang krisis sa klima at enerhiya. Isang tugon dito ang pagpapatayo ni Razon at ng kanyang mga kasosyo sa Ahunan Dam.

Malaking pakinabang para sa mga dayuhang negosyo ang tinatayang 1,400MW ng kuryenteng ipoprodyus ng Ahunan Dam. Bilang komprador burgesya, tinutulungan ni Razon ang mga dayuhang korporasyon na makakuha ng murang kuryente para sa pagpapatayo ng mga bagong pasilidad malapit sa dam. Dahil sa kanilang pokus na dambungin ang likas na yaman ng Pilipinas, wala sa kanilang interes na pansinin ang mga negatibong epekto ng dam sa mamamayang Pakileño at kagubatan ng Sierra Madre.

Pakikibaka ng Mamamayang Pakileño

Bilang tugon sa mapanirang Ahunan Dam, umusbong ang mga organisasyon tulad ng Mamamayang Nagmamahal sa Pakil (Manapak) at No to Ahunan Dam. Binibigyan ng mga ito ng boses ang mga Pakileñong lumalaban para tigilan ang Ahunan Dam at ang pagkasira sa kalikasang dinudulot nito. Mula nang pumutok ang isyu ng dam sa bayan at mga karatig nito, taun-taong naglulunsad ng kilos protesta ang mga residente liban pa sa mga porum, prayer rally at alay-lakad. Pinakahuli ang inilunsad ang isang prayer rally sa pangunguna ng Manapak na nilahukan ng mga taga-Pakil noong Àgosto 23. Sigaw nila, “Itigil ang pagtatayo ng dam!”

Sinusuportahan din sila ng mga organisasyong pang-simbahan para mas lalong maisulong ang kanilang panawagang tigilan ang Ahunan Dam. Kasama rito ang dioceses ng San Pablo at Letran Volunteer Corps.

Alternatibong solusyon sa balangkas ng rebolusyon

Magkakaroon lamang ng sustenableng enerhiya sa ilalim ng malaya at demokratikong lipunan na may sosyalistang perspektiba kung saan para sa mamamayan at hindi sa dayuhan ang pambansang ekonomiya at serbisyong sosyal. Ayon sa ika-pitong punto ng 12-Point Program ng NDFP, kaakibat ng pagbuo ng ekonomiyang nagsasarili ang pag-aalaga sa kalikasan. Ang pagkakamit ng tunay na kaunlaran na ito ay bahagi ng nilalaman ng balangkas ng Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms na binuo ng NDFP para sa peace talks. Ito ay kumukontra sa mapanirang pagsasamantala ng mga imperyalista, malalaking burgesya kumprador at panginoong maylupa sa mga likas na yaman ng bansa, tulad na lamang sa Ahunan Dam.

Kaakibat ng tunay na kaunlaran ang pangangalaga sa kalikasan at paggagawad ng mga batayang karapatan ng mamamayan. Sa proseso ng pagsasakatuparan ng pambansang industriyalisasyon, titiyakin ng demokratikong gubyernong bayan na pinangangalagaan ang kapaligiran upang pakinabangan ng susunod na salinlahi habang ibinibigay ang sapat na rekurso sa enerhiya, pagkain, tubig at iba pa.

Mawawakasan lamang ang pandarambong ng imperyalismong US at kanilang mga galamay sa Pilipinas sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan. Dapat sumapi ang pinakamabubuting anak ng bayan sa BHB upang labanan ang mga pasistang pwersa ng mga naghaharing uri na pumoprotekta sa pagtatayo ng mga mapanirang proyekto.

Mapanirang Ahunan Dam, patuloy na nilalabanan ng mamamayang Pakileño