Pangunahing Lathalain Rekoberi sa Diyamante
“Isa ang sigurado. Atin ang masa. Mainit na mainit palagi ang pagtanggap nila sa kanilang hukbo,” sambit ni Ka Sandy, isang Pulang kumander ng Bagong Hukbong Bayan nang tumuntong sila sa isang rekoberi erya sa isang larangang gerilya sa Timog Katagalugan.
Tuwa at pananabik ang namayani sa muling pagdadaupang palad ng mga kasama at masa nang muling makabalik ang una sa Diyamante. “Excited [ako] na makapunta ulit sa kapatagan na malaking kahinaan dati. Syempre, masaya pero hamon!” ayon sa isang Pulang mandirigma ng yunit.
Ilang dekada man ang lumipas, magiliw pa rin silang tinanggap ng masa sa mahigit 40 barangay na kanilang binabalikan. Sa una, mababakas ang pag-aalangan dahil relatibong bago ang mga kadre at mandirigmang pumasok sa lugar. Marami sa mga lugar ay nasa kapatagan, tabing kalsada’t haywey o hindi kaya’y malapit sa dagat. Limitado pa ang hawak nilang impormasyon hinggil sa mga baryo, katangian ng tereyn at kalagayang panseguridad sa gitna ng papatinding militarisasyon.
Pinangambahan ng mga kasama ang magiging pagtanggap ng masa dahil batid nilang malaking kapunahan ang matagal na pagkaiwan sa Diyamante. Subalit sa aktwal, hindi lungkot at takot ang sumalubong sa kanila kundi bukas palad na pagtanggap sa kanilang mga tahanan. Kape at pagkain ang agad na ibinungad sa kanila ng mga masa, kasabay ng mainit na pangangamusta at kwentuhan hinggil sa kasaysayan ng Diyamante. Barat man ang kita sa kanilang mga taniman, walang pagdadalawang isip na ibinukas ng masa ang kanilang mga pananim. Nag-ambag pa ng kakayaning ibigay na bigas at iba pang rekurso sa mga hukbo. Naging malaking katuwang sila sa pagtitiyak ng seguridad at pagkain, hanggang sa paghahatid o paggigiya sa susunod na destinasyon ng Pulang hukbo.
Dinaranas ng mga taga-Diyamante ang mababang pasahod sa manggagawang bukid. Halos walang kinikita ang mga magsasaka sa mababang presyo ng kanilang produkto. Mayroon ding mga magsasakang dumaranas ng pang-aagaw at pagpapalayas sa mga lupaing ilang henerasyon na nilang binubungkal para bigyang-daan ang mga huwad na proyektong pangkaunlaran ng gubyerno. Hindi rin sapat ang kinikita ng mga mangingisda at may-ari ng maliliit na palaisdaan. Lugi rin sila lalo kung wala o kakaunti ang mahuhuli dahil sa mataas na presyo ng krudo para sa kanilang bangka. Masahol pa, wala silang natatanggap na ayuda sa kabila ng sunud-sunod na kalamidad. Tuluy-tuloy ang pagwasak sa kalikasan ng Diyamante. Laganap ang quarrying, dredging, preparasyon para sa mina, ekoturismo at huwad na proyektong renewable energy.
Hinahalihaw ng pasistang AFP-PNP ang Diyamante sa desperasyong takutin ang masa upang huwag tumanggap ng hukbo. Target ng panghaharas at intimidasyon ng mga berdugo ang mga lugar na nagkaroon ng labanan sa pagitan ng AFP-PNP at BHB. Patung-patong ang rekord ng matitinding pagyurak ng AFP-PNP sa karapatang pantao kagaya ng food blockade, istraping, hamletting, pagbabawal na pumunta sa bukid at kaingin, panghahalughog ng bahay, pagsasampa ng gawa-gawang kaso, pambubugbog at red-tagging. Madalas na nagpapanggap ang mga kaaway bilang BHB upang siraan ang Hukbo. Tuloy-tuloy rin silang nagpapalaganap ng maling impormasyon sa komunidad at nagpapatupad ng sapilitang curfew. Sa esensya, umiiral ang de facto martial law sa mga lugar sa Diyamante.
Dahil inasahan ng yunit ang matinding militarisasyon sa lugar, pinaghandaan nila ang magiging kondukta at manera sa pagpasok sa Diyamante. Sa ganito rin nila inihanda ang masa para labanan ang atake ng kaaway. Bahagi ito ng kilusang pagwawastong inilulunsad ng rebolusyonaryong kilusan.
Natukoy ng mga kasama ang naging kahinaan ng matagal na pagkaiwan sa Diyamante sa nakaraan. Malaking tagumpay ang muling pag-abot dito ng Hukbo. Nakita nila mismo ang mga papaunlarin pang mga praktika lalo’t napag-alaman nilang marami pang masa na hindi pa nakakasalamuha ng BHB.
Positibo ring nakamit ng yunit ang pagkawala sa ensirkulo ng kaaway at pagpapalawak ng naaabot na mga bayan. Mahalaga rito ang papel ng masa na siyang mayor na nakakakabisa at may malalim na sapul sa kalagayan ng lugar. Sa gitna ng militarisasyon, inilunsad ang mga pag-aaral at pulong-masa, lumahok sa produksyon, nagdaos ng mga kapehan at iba pa habang patuloy na isinusulong ang kilusang pagwawasto. Ito ay sa gitna ng pagwawaldas ng reaksyunaryong estado ng napakalaking pondo ng bayan upang tutukan at itodo ang atake sa rebolusyonaryong kilusan.
“Walang problema sa pagtanggap ng masa. Ang kailangan ay mas masikhay nating trabahuhin ang pag-alam sa kanilang kalagayan at tumbukin ang kanilang interes,” ani Ka Sandy.
Naging aral sa yunit at iba pang mga kasama na higit na iwaksi ang konserbatismo at pagtibayin ang pagpukaw at pagkonsolida sa masa. Dapat magkasabay ang pagiging maingat at lalong pagpapalawak sa naaabot na masa, higit sa mga kapatagan at populadong bahagi ng mga larangan. Sa papatinding krisis sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II, ramdam lalo ng naghihikahos na masa ang kahirapan kaya’t madali sa kanilang tanggapin ang kawastuhan ng rebolusyon. Naghihintay lamang silang maugnayan muli ng mga kasama upang ubos kayang maglingkod sa bayan at isulong ang demokratikong rebolusyong bayan.