Tugon ni Patnubay de Guia Bakit mabibigo ang NAP-UPD?
Ang National Action Plan for Unity, Peace and Development o NAP-UPD ay ang bagong estratehikong plano ng rehimeng US-Marcos II para sa pagpapatupad ng whole-of-nation approach sa hibang na layuning wakasan ang 56-taon nang rebolusyonaryong armadong paglaban ng mamamayan sa loob ng tatlong taon mula ngayon (2025-2028). Pangunahing tagapagpatupad pa rin nito ang notoryus na tagalabag sa karapatang pantao, korap at red-tagger na NTF-ELCAC, minanang institusyon sa rehimeng US-Duterte. Ginagamit nito ang “kapayapaan” bilang resulta umano ng pagwawakas sa armadong labanan. Ngunit tulad ng mga nagdaang oplan ng kaaway, ang pakahulugan ng “kapayapaan” na nakasaad sa layunin ng NAP-UPD ay kapayapaan ng panunupil, kapayapaan sa libingan, kapayapaan sa pananahimik at hindi paglaban.
Tulad ng kinahinatnan at napatunayan sa nakaraang mga rehimen, tiyak na mabibigo ang NAP-UPD bilang niresiklong mga kontra-rebolusyonaryong planong gumagamit ng whole-of-nation approach. Sa loob ng pitong taong pagpapatupad at pag-iral ng EO70 at NTF-ELCAC, nabigo itong wakasan ang rebolusyonaryong kilusan at armadong paglaban ng mamamayan na pinamumunuan ng PKP. Bigo ang itinakdang dedlayn ni General Romeo Brawner Jr, kumander ng AFP na durugin ang lahat ng larangang gerilya noong Marso 31. Bigo rin ang itinakda nitong dedlayn na durugin ang lahat ng mga bertikal na pormasyon ng BHB noong Hunyo 30. Sa huli, tiyak na mabibigo rin ang itinakda nitong dedlayn na durugin ang lahat ng yunit ng BHB sa katapusan ng taong 2025, kahit pa hanggang sa pagtatapos ng programa ng NAP-UPD sa 2028.
Mabibigo ang NAP-UPD pangunahin dahil isa itong hindi makatarungan, mapanlinlang at mapanupil na digma laban sa mamamayang Pilipino. Anong popular na suporta ang aanihin nito sa mamamayan gayong isa itong patakaran at mayroong institusyong pangunahing nagtataguyod at nagtatanggol sa sistemang nagsasamantala at nang-aapi sa kanila?
Napakatindi ng pinsalang idinulot ng EO70 at NTF-ELCAC sa mamamayan. Katuwang ito ng AFP sa pagpataw ng de facto na batas militar sa maraming komunidad ng magsasaka at katutubo sa kanayunan. Ang NTF-ELCAC ay pasimuno sa walang-awat na paninindak at pandarahas sa mamamayang tinatatakan nilang sumusuporta sa BHB, at kanilang pwersahang ipinarada sa mga huwad na palabas ng mga “surenderi”, kapalit ng bigas at kakarampot na ayuda. Ang mga tumatanggi ay tinatakot, ipinaaresto, o mas malala, pinapatay at pinalalabas na napatay na myembro ng BHB sa mga pekeng engkwentro. Pasimuno rin ito sa lansakang red-tagging na pasakalye sa maraming ektrahudisyal na pamamaslang sa mga naninindigan at lumalaban sa pang-aabuso ng AFP at reaksyunaryong gubyerno, mula noong panahon ni Duterte hanggang sa ilalim ng kasalukuyang rehimen ni Marcos Jr. Sa loob ng halos pitong taon, naitala sa mga ulat ng Ang Bayan ang 13 masaker na pumaslang ng 65 biktima, bahagi lamang ito ng 236 pang bilang ng mga pinaslang batay sa dokumentasyon ng Ang Bayan mula 2019. Liban dito, ang NTF-ELCAC din ang pangunahing tagapagpakalat ng mga peke at dinoktor na mga balita para kontrolin ang daluyan ng impormasyon sa mamamayan at palabasing popular at totoo ang kanilang mga kasinungalingan at pag-iimbento. Higit pa, hindi lamang instrumento ng pasismo ang ahensya, ginawa ring palabigasan ng mga upisyal militar at mga tauhan nito ang ilang bilyong pisong badyet para sa tinatawag na E-CLIP, pati na ang sa mga kalsada at gusali sa ilalim ng Barangay Development Project. Ito ang mga dahilan kung bakit isinusuka ng mamamayan sa lahat ng dako ng bansa ang NTF-ELCAC at lumalakas ang panawagan para ito ay buwagin at papanagutin.
Tiyak ang kabiguan ng NAP-UPD dahil hindi nito kinikilala na ang pag-usbong at paglakas ng armadong paglaban ng mamamayan na pinamumunuan ng PKP ay ang istorikal na resulta ng malaganap na kawalan ng lupa, kabuhayan at hustisyang panlipunan. Itinatatwa ng NAP-UPD at NTF-ELCAC ang mga obhetibong kalagayan ng malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan ng Pilipinas na hinog na hinog at matabang lupa para sa armadong paglaban. Ang sistemang itinataguyod at ipinepreserba ng NAP-UPD at NTF-ELCAC ay nagdudulot ng di-mabatang karalitaan at karukhaan ng mamamayan. Walang-awat ang pagsirit ng presyo ng bilihin at serbisyo habang nananatiling barat ang sahod ng mga manggagawa at sweldo ng mga propesyunal at kawani, bumubulusok ang presyo ng mga produktong bukid ng magsasaka, papaliit ang kita ng mga mangingisdang ginigipit ng mga bagong patakaran sa pangisdaan at kabi-kabilang ehersisyong militar, puu-puong libong mamamayan sa mga baybaying lawa at dagat ang pinalalayas para sa proyektong reklamasyon at ekoturismo, kinakamkam ang malalawak na lupain sa kanayunan para sa mga plantasyong monocrop, pinsala sa lupaing ninuno ng mga katutubo sa itinatayong mga dambuhalang mina at dam, kumu-komunidad kapwa sa kanayunan at kalunsuran ang pinalulubog ng mga pagbaha at bagyo. Habang sa kabilang banda, bundat na bundat ang mga lokal na burukrata, matataas na opisyal militar at mga kasabwat nila, sa pangunguna ni Marcos Jr. sa pangungulimbat sa kaban ng bayan. Sino’ng hindi mag-aaklas at mamumuhi sa estado at militar nito sa ganitong kalagayan?
Kabaligtaran nito, ang armadong paglabang pinamumunuan ng PKP na nais nilang wasakin, una sa lahat, ay isang makatarungang digma ng mamamayang Pilipino na naglalayong lumaya sa saklot ng imperyalismo at lahat ng tipo ng pang-aapi at pang-aaliping hatid nito—ang pyudalismo, burukrata kapitalismo at pasismo. Mananatili ang armadong tunggalian at gera sibil sa bansa hangga’t walang makabuluhang pagbabagong sosyo-ekonomiko at pampulitika na ipinatutupad sa bansa. Hangga’t nananatiling malakolonyal at malapyudal ang lipunang Pilipino, lagi’t laging magbabangon ang sambayanan para makaahon sa kahirapan. Hangga’t saklot ng imperyalismo at malaganap ang inhustisya, gutom, pang-aapi at pagsasamantala, hindi magwawakas ang demokratikong rebolusyong bayan na isinusulong ng mamamayang Pilipino.
Sa halip, lalo lamang pag-aalabin ng NAP-UPD ang diwa ng mamamayan na lumaban at mag-aklas laban sa lahat ng tipo ng pagsasamantala at pang-aapi. Itutulak nito ang masa na tumangan ng armas para ngipin-sa-ngiping labanan ang marahas at madugong estratehiya ng pagsupil ng kaaway at estado na naglalayong ipreserba ang bulok na sistemang nag-institusyunalisa ng pang-aapi at pagsasamantala sa kanila.###