Editoryal, Kalatas September 2025 Tutulan at labanan ang pagpapakatuta ni Marcos Jr. para sa gerang agresyon ng US
Sa Pilipinas, si Ferdinand Marcos Jr. ang Zelensky ng Asia na nagpapakasangkapan sa nilulutong gera ng US sa Asia Pacific. Sagad sa pagkatuta, nagkukumahog at buong giliw na isinasakatuparan ng papet na pangulo ang mga hiling ng US kahit pa isangkalan ang pambansang soberanya, patrimonya, kalayaan at kaligtasan ng bansa.
Animo’y langaw na nakadapo sa pwet ng kalabaw si Marcos Jr. na nakikiupat ng gera sa China. Sa pag-aakalang makapangyarihan siya dahil “kaibigan” ang US, nagsisiga-sigaan si Marcos Jr. at ang AFP laban sa China kaugnay sa karapatan at pag-aari sa West Philippine Sea (WPS). Bagamat dapat ngang igiit ang soberanya ng Pilipinas sa WPS, baluktot ang katwiran ni Marcos Jr. at AFP dahil nagsisilbi ito sa interes ng US na paigtingin ang tensyon sa lugar upang iputok ang gera sa Asia Pacific. Layon ng gerang agresyon nito na kontrolin ang mga estratehikong pusisyon at busugin ang military industrial complex ng US na nagsasalba pa rito sa ngayon mula sa ganap na pagkabangkarote. Sa paglulunsad ng gera, kumikita ito ng bilyun-bilyong dolyar at naipapataw ang dominasyon sa ekonomya, pulitika at militar sa iba pang mga bansa.
Upang panatilihin ang hegemonya, kinakaladkad ng US ang lahat ng kolonya’t malakolonya nito sa iba’t ibang rehiyon sa gerang agresyon laban sa mga karibal. Sa Pilipinas, higit na dumalas at dumami ang pagpasok ng mga tropang Amerikano sa US-RP joint military exercises sa nagdaang mga taon hanggang kasalukuyan. Nagdagdag ng mga baseng militar ang US sa bisa ng Enhanced Defense Cooperation Agreement at nagpapasok ito ng armas nukleyar sa bansa gamit ang 123 Agreement. Malaon na ring nag-iinit ang kantian ng mga pampublikong pahayag at “show of force” ng rehimeng US-Marcos II at China sa WPS.
Gipit na ang papet na estado sa utos ng US na “wakasan ang insurhensya” sa kagyat upang makapokus na sa pagiging piyon sa gera ng US laban sa China. Ito ang dahilan sa likod ng mga pakalat na “wala nang grupong gerilya” sa bansa at “titigil na ang armadong pakikibaka” ng Bagong Hukbong Bayan. Sa Timog Katagalugan, prayoridad na naman ng GRP ang pagtapos sa rebolusyonaryong kilusan sa Mindoro sa Disyembre 2025. Ngunit patuloy na sumusulong ang demokratikong rebolusyong bayan (DRB), ang tinik sa lalamunan ng rehimeng US-Marcos II. Patunay rito ang magkakasunod na engkwentro ng BHB at AFP-PNP nitong Agosto na naganap sa Quezon at Mindoro sa TK pa lamang kung saan ang AFP-PNP ang nagtamo ng matinding kaswalti. Nagagawang biguin ang mga atake ng kaaway dahil sa suportang tinatamasa ng BHB mula sa malawak na masang anakpawis. At upang pilit na ipatupad ang taktikang “hibasan ng tubig ang isda”, pinaiiral ng estado sa buong bansa ang de facto Martial Law.
Nag-iilusyon ang rehimen na mabubura nito ang malaon nang pakikibaka ng PKP-BHB-NDFP para makapokus sa gera laban sa China. Kating-kati ang US na maiputok ang gera nang walang pagsasaalang-alang sa mamamayan na pangunahing magdurusa at mapipinsala. Gaya ng sinapit na pagwasak sa Syria, Ukraine, Gaza at iba pang bansang lunsaran ng mga proxy war ng US, iluluwal ng gerang agresyon ng US sa China gamit ang teritoryo ng Pilipinas ang pinakamasasahol at karumaldumal na krimen laban sa sambayanan.
Sa kabila nito, bakit nagtetengang kawali pa rin si Marcos Jr. sa mariin na pagkundena at pagtutol ng mamamayan sa imperyalistang gerang agresyon habang nanginginig na sumunod sa isang atas pa lamang ng US?
Malalim ang kasaysayan at pundasyon ng relasyong mag-amo ng US at ng pamilya Marcos. Utang na loob kapwa ng matanda at batang Marcos ang pagkaluklok sa kapangyarihan. Inalagaan ng US ang pamilyang magnanakaw mula’t sapul sa paghahari ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. Nang sipain ng taumbayan sa palasyo ang angkan, ang US pa rin ang kumandili sa kanila patungong Hawaii at tinulungan sila hanggang unti-unting makabalik sa estado poder ang ilehitimong pangulong Marcos Jr. noong 2022.
Pinili ng US si Marcos Jr. sa pwesto upang palaputin pa ang malakolonyal na relasyon ng US at Pilipinas na noo’y bahagyang lumabnaw sa rehimen ni Rodrigo Duterte nang bigyan nito ng kaunting puwang ang China na manghimasok sa usaping ekonomya ng bansa. Bilang pangulo ng GRP, pinatutunayan ni Marcos Jr. na nananalaytay sa kanya ang dugong magnanakaw, mandarambong at mamamatay-tao, gayundin ang pagiging masugid na tuta ng imperyalismong US.
Sistematikong binubundat at hinuhulma ng imperyalismong US ang mga burukrata kapitalistang tulad ni Marcos Jr. upang tiyakin ang kanilang katapatan. Kapalit ang kapangyarihan at kayamanan, nagsisilbi silang alipores ng US sa pagbubuyangyang ng bansa sa dayuhang negosyong dumadambong at sumasaid sa likas-yaman. Kasabay, nagpapasasa sila sa kaban ng bayan sa mga kunwang proyektong pangkaunlaran na batbat ng korapsyon.
Nabunyag kamakailan ang maanomlayang flood control projects ng rehimeng US-Marcos II. Naghuhugas-kamay pa ito sa pasaring na “Mahiya naman kayo!” sa kanyang State of the Nation Address na tila ba wala sa kanyang kamay ang pahintulot sa malaking korapsyon. Umani ito ng batikos at paniningil lalupa’t palala nang palala ang suliranin sa baha tuwing may bagyo, habagat o simpleng low pressure area. Ito ay sa kabila ng ₱545.64B halaga ng 9,855 flood control projects mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2025. Sinindihan nito ang galit ang taumbayan na biktima ng kapabayaan ng rehimen sa peligrong hatid ng baha at iba pang kalamidad. Giit nila’y singilin ang mga sangkot sa anomalya at si Sarah Discaya, ang pinaburan ng mga kaalyado ni Marcos Jr. sa pagbigay ng flood control projects. Sa kabalintunaan, pagmamay-ari ni Discaya ang walong kumpanyang construction at dredging na mapaminsala sa mga ilog at isa sa sanhi ng matinding pagbaha. Sa rehiyon, naiulat na may mga kontrata ito sa Laguna at Mindoro, mga lugar na nakararanas ng matitinding pagbaha.
Ang pagkagahaman ng mga burukrata kapitalistang tulad ni Marcos Jr. ang matabang lupa na sinasamantala ng US upang mailusot ang lahat ng kanyang pakana. Para sa kanila, ayos lang ang masangkot sa maruruming krimen laban sa bayan kapalit ng yaman, kapangyarihan at iba pang pribilehiyo.
Sa kasaysayan, hindi na bago ang pagpapakasangkapan ng reaksyunaryong estado laluna ng mga Marcos sa gerang agresyon ng US. Sa paghahari ni Marcos Sr., ginawa ring bala sa kanyon ng US ang Pilipinas laban sa Vietnam noong dekada 1970. Sa kasunduan ng University of the Philippines at US Air Force, ineksperimento ang mga kemikal na napalm at defoliants sa Bundok Makiling upang gawing sandata laban sa rebolusyong Byetnames. Nilason nito ang mga kalupaan ng Vietnam upang alisan ng kublihan ang mga gerilya habang binobomba at ginugutom ang mamamayan. Ipinadala ni Marcos Sr. ang mga tropang Pilipino sa gera na mariing tinutulan ng sambayanan at nagpasiklab sa diwang makabayan at makauring galit ng rebolusyonaryong mamamayan na lumundo sa Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970. Kasabay ito ng sumisidhing krisis sa Pilipinas dahil sa implasyon, pagsirit ng presyo ng langis at pambabarat ng sahod ng manggagawa.
Nagtagumpay ang digmang bayan sa Vietnam sa kabila ng napakalaking agwat sa superyoridad sa rekurso at gamit militar ng US. Patunay ito na tigreng papel ang imperyalismo sa solidong paglaban ng nagkakaisang masang anakpawis.
Sa kasalukuyan, naghuhuramentadong halimaw ang imperyalismong US ngunit dapat kilanlin nang matalas ang materyal na sitwasyong ito. Walang kaparis sa kasaysayan ang dinaranas nitong krisis sa ekonomya, pulitika at militar habang hinahamon ng mga kakumpetensyang imperyalistang bansang China at Russia ang kanyang trono. Ang panggigigil nitong manatili bilang numero unong bansang superpower ay pagkilala nito sa mga senyales ng kanyang napipintong pagbagsak kaya ganun na lamang kabalasik at kawalang-puso ang pandidigma nito sa buong mundo.
Malinaw ang pagkakaiba ng mapanupil na anti-mamamayang gera ng imperyalismo at ng makatarungang digmang bayan na isinusulong ng rebolusyonaryong mamamayan sa tanglaw ng Partido. Ang puso ng DRB na pagkamit sa mga demokratikong karapatan sa lupa, nakabubuhay na sahod, kalayaan, pambansang soberanya, serbisyo at hustisyang panlipunan ay dapat na ipaglaban. Ito ang magtatakda ng pagkahinog ng mga batayan upang ibayong sumulong ang DRB sa mas mataas na antas. Ilalatag ang makatarungan at matagalang kapayapaan.
Sa estratehiya, walang binatbat ang US counter-insurgency guide kumpara sa matagalang digmang bayan na layuning kubkubin ang kalunsuran mula sa kanayunan. Gayunman, hindi dapat maliitin ang kakayahan ng estado sa kasalukuyan lalupa’t hawak nito ang superyoridad sa armas at mga rekurso upang magpataw ng mga terorista-pasistang atake lalo sa mga sibilyan. Dapat matuto sa masa ang Partido at Hukbo upang higit na itaas ang kakayahan sa pakikipaglaban nang ngipin-sa-ngipin sa berdugong AFP-PNP. Ilunsad ang mga taktikal na opensibang bibigwas sa maliliit at nahihiwalay na tropa ng pasistang kaaway.
Walang pagod na magmulat, mag-organisa at magpakilos upang hakbang-hakbang na itayo ang mga binhi ng demokratikong gubyernong bayan sa kanayunan sa gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Itayo, konsolidahin, paganahin at palawakin ang mga baseng masa sa kanayunan at ang mga pambansa demokratikong organisasyong masa sa kalunsuran.
Sa harap ng papatinding terorismo ng rehimeng US-Marcos II, kailangan ang tuluy-tuloy na pagpapalakas, pagpapalawak at pagsasanay ng BHB bilang sandata ng bayan para ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Nakahanda ang mga Pulang kumander at mandirigma ng BHB na sumabak sa anumang hirap, sakripisyo at maging kamatayan upang ipagtanggol ang bayan laban sa teroristang atake ng reaksyunaryong gubyerno at imperyalismong US.