Serye ng feeding program at relief operations, inilunsad sa Cavite
Inilunsad ang serye ng feeding programs at relief drive operations sa Cavite sa pangunguna ng Serve the People Corps-Cavite (STPC-C) mula Hulyo 23 hanggang Agosto 20. Nabenepisyuhan nito ang mahigit 2,130 biktima ng bagyo na kalakhan ay mangingisda at maralita sa mga syudad ng Bacoor, Noveleta, Rosario, Tanza at Dasmariñas.
Pagsisikap ito ng STPC-C dahil mabagal at palpak ang tugon ng lokal na gubyerno sa kabila ng deklarasyong state of calamity ng Cavite. Hanggang ngayon, hindi pa nakakarekober ang karamihan ng mamamayang nasalanta sa mga bayan at munisipalidad dulot ng sunud-sunod na Bagyong Crising, Dante at Emong.
“Samantala, ibinibida pa ng lokal na pamahalaan ang mga walang pakinabang at napakamahal na flood mitigation projects nito habang kibit-balikat sa tindi ng pinsala ng sakuna sa kalikasan at perwisyong dulot ng bagyo sa pamumuhay ng mga lokal na residente,” pahayag ni Simeon Magdiwang, tagapagsalita ng NDF-Cavite.
Pangatlong beses nang gumuho ang Silang River Revetment Wall ng DPWH sa Brgy. Tubuan, Silang, Cavite noong Hulyo 21. Una itong gumuho sa kasagsagan ng bagyong Carina at ikalawa nang humagupit ang bagyong Kristine noong 2024. Noong Hulyo 24, gumuho rin ang lupa ng isang barracks ng mga manggagawang konstruksyon sa Brgy. Cabangaan, Silang-Tagaytay ikinasawi ng tatlong manggagawa habang isa ang sugatan.
“Habang lumalangoy ang rehimeng Marcos II sa dagat ng pera, hindi na makaahon ang mamamayan mula sa pagkalubog at pagkalunod sa krisis ng ekonomya. Mula rito, marapat nating pagkaisahin ang malawak na hanay ng sambayanang biktima ng bagyong rehimeng Marcos II! Dagsain ng mga alon ng protesta ang tunay na sakuna sa ating bayan!” dagdag ni Simeon Magdiwang.