Tugon ni Patnubay de Guia Ano ang burukrata kapitalismo? Bakit ito binuo at inaalagaan ng imperyalismong US na maghari sa Pilipinas?
Ang burukrata kapitalismo ang ikatlong salot, sa lipunang Pilipino na pinalitaw at inalagaan ng malakolonyal at malapyudal na sistema sa ilalim ng dominasyon ng imperyalismong US. Ito ang paggamit ng mga nasa kapangyarihan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) bilang malaking pribadong empresa at pagpapairal ng pasismo ng estado laban sa nakikibakang mamamayan upang ipagtanggol para panatilihin ang naghaharing sistema. Sa ilalim ng burukratang kapitalismo, umiiral ang gubyerno bilang pinakamalaking sindikato na humahawak sa mga burukratikong ahensyang animo’y marangal sa pangalan ngunit magnanakaw at mandarambong sa kaibuturan.
Matatagpuan ang burukrata kapitalismo sa loob ng mga pormal na institusyon at mga ahensya ng gubyerno. Taliwas sa pangakong serbisyo sa mamamayan, negosyo nitong itinuturing ang pag-upo sa reaksyunaryong gubyerno. Kinakamkam nila ang yaman ng bayan mula sa rekurso ng estado habang nakikipagsabwatan sa mga panginoong maylupa-burgesyang komprador at imperyalismong US.
Ninuno ng mga burukrata kapitalista ang mga lokal na naghaharing uri na nakipagsabwatan sa dayuhang mananakop na kolonyalistang Espanyol at imperyalismong US. Sila ang nakinabang sa mga asyenda at enkomyenda habang inaalipin ng Spain ang sambayanang Pilipino sa ilalim ng pyudal na pang-aapi at pagsasamantala. Direkta silang nagpasailalim sa gubyerno ng Spain sa loob ng 333 taon.
Nagapi ang kolonyalismong Espanyol ng magtagumpay ang Rebolusyong 1896. Unang sinakop ng US ang bansa noong 1898 sa kasagsagan ng himagsikang 1896 laban sa kolonyalismong Espanyol. Naganap ang digmaang Pilipino-Amerikano. Upang magtagumpay sa pananakop, pinaslang ng mananakop na pwersang Amerikano ang hindi bababa sa 500,000 Pilipino sa noon ay mayroon lamang 7 milyong populasyon sa loob lamang ng 3 taon. Ginamit ang mga palasukong ilustrado upang itatag ang kolonyal na paghahari at mula sa mga traidor na ito ay pinalitaw at inalagaan ng US ang mga lokal na papet ng imperyalismong US. Nagtayo ng mga eskwelahan at nagpadala ng mga Pilipinong nag-aral sa Amerika upang sanayin ang unang tangkas ng mga papet at burukrata kapitalista. Nangunguna sa mga ito si Quezon at Laurel at kanilang mga kasapakat.
Nang magtagumpay sa pagpapalayas sa mananakop na imperyalismong Hapones ang rebolusyonaryong Pilipino sa pangunguna ng Partido Komunista ng Pilipinas at HUKBALAHAP, bumalik ang US upang muling sakupin ang bansa. Umasta ito bilang “kaibigan” ngunit minasaker ang HUKBALAHAP at mamamayan at nagsagawa ng pambobomba sa mga mayor na syudad kahit wala na ang mga pwersang Hapones na nagwasak lalu sa ekonomya ng bansa. Matapos ito, iginawad nito ang huwad na kalayaan sa pamamagitan ng pagtatayo ng papet na Gubyerno ng Republika ng Pilipinas. Bago nito, tiniyak na nakagapos ang bansa sa kontrol ng US sa larangan ng ekonomya, pulitika, militar, kultura at ugnayang panlabas.
Ibinunga ng masidhing interes ng US na lumikha ng ilusyon ng kalayaan sa Pilipinas ang pagbibinhi ng burukrata kapitalismo sa pamamagitan ng diumano’y pagtatatag ng sariling gubyerno ng mga Pilipino 126 taon ang nakalipas. Kasabay nito ang pagtatayo ng mga institusyon at paaralan upang hubugin ang mamamayang Pilipino para maging “little brown Americans”. Pumili at nagpalaki ang US ng mga aristokrata, teknokrata at burukrata sa mga ahensya at institusyong itinayo nito na hanggang ngayo’y nagluluwal ng mga uring parasitiko.
Sa pagpalit ng US bilang bagong mananakop ng Pilipinas matapos ang Espanyol, ipinundar nito ang malakolonyal at malapyudal na sistema sa bansa. Itinatag nito ang papet na republika at ipinuwesto ang mga lokal na naghaharing-uri na nakipagkutsaba at pumailalim sa kanyang kontrol. Para mapanatili ang kaayusan ng pang-aapi at pagsasamantala, nag-alaga at nagsanay ito ng hene-henerasyon na mga burukrata-kapitalista at traydor sa sariling bayan. Itinatag nito ang kolonyal na sistema ng edukasyon para pagsilbihin sa layuning ito. Ang mga sinanay na ito ang sa tuwina’y pinagpipilian ng US sa bawat huwad na eleksyong inilulunsad pana-panahon sa bansa. Nangungunang taksil sa yugtong ito ang unang pangulo ng republika na si Emilio Aguinaldo at kanyang mga kasapakat kabilang sina Pedro Paterno at Felipe Buencamino na nagbenta ng pambansang patrimonya at soberanya US upang isalba ang mga sarili at kunin ang kanyang premyo. Para lamang makuha ang pabor ng US, nangangayupapa sila sa lahat ng kumpas ng US, at kung hindi sa kanila ang pabor, nagpapatayan sila para rito.
Sa pamamagitan ng mga buwayang ito, nagpapatuloy ang pagpapatupad ng mga makadayuhan at mapanupil na batas na nag-aakomoda sa di napapawing kasibaan ng imperyalismong US at mga lokal na naghaharing uring PML-MBK. Ibinubuyangyang nila ang bansa sa mga makadayuhan at tagibang na kasunduan ng ugnayang panlabas kapalit ang hindi bastang milyon, bilyon hanggang ilampung trilyon na mga kikbak sa pondo ng bayan na ibinubulsa ng burukratikong korapsyon sa halip na ilaan sa pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa, pambansang industriya at serbisyong panlipunan. Ibinebenta nila ang mga pag-aaring publiko at kinakamkam ang likas-yaman at lupa sa tabing ng mga “proyektong pangkaunlaran.” Nakikipagsanib-pwersa sila sa malalaking sindikato ng droga, iligal na mga konsesyon ng pagtotroso at mina, ismagling, human trafficking at iba pang pinakamasasahol na anyo. At bilang maka-US, sila rin ang pangunahing tagapagpatupad ng kampanyang kontra-insurhensya at gera kontra-mamamayan.
Inaalagaan, binubusog at kinukunsinti ng US ang mga burukratang kapitalista upang kunin ang kanilang katapatan para sa madulas na pagkumpas sa mga ito bilang kanyang mga alipores. Sila ang mga dugong magnanakaw, mandarambong at tiwali sa bayan. Sa ngayon, kumakatawan sila sa iba’t ibang kulay sa burges na pulitika—mayroong puti, asul, dilaw, pink, nagpapanggap na pula at kung anu-ano pa, pero iba’t iba man ang kulay, iisa ang laman ng kanilang mga budhi— ang maging sunud-sunuran sa utos ng US para makapwesto sa estado poder at magpakasasa sa kayamanan at kapangyarihan.
Kinakatawan ni Marcos Jr. at mga kasapakat nya ang nangungunang burukrata-kapitalista sa Pilipinas at nasasalang sa matinding pagbatikos ng bayan dahil sa garapalan at dambuhalang burukratikong kurakot sa iba’t ibang anyo at lawak. Ibang klase ang pagnanakaw ala-Marcos, pang-Guinness Book World of Records na mahigpit na ikinagagalit at pinaninibugho ng mga Duterte. Sa padrong ito ni Marcos Jr., hindi malayong malampasan niya ang rekord ng ama sa dambuhalang pagnanakaw. Sukang-suka na ang bayan sa sa kanyang umaalingasaw na katiwalian. Sa katunayan, malaon nang naghahanap ng alternatibong solusyon ang mamamayan upang wakasan ang bulok, pahirap, papet at kurakot na mga rehimen na ngayon ay kinakatawan ng rehimeng US-Marcos II.
Ngunit sa ipinamamalas na malawakang kilusang masa, lalong nasasalamin ang artipisyal na kapangyarihan ng burukrata kapitalismo dahil nakasandig ito sa tigreng papel na lakas ng imperyalismong US. Ang kasalukuyang kumukulong sitwasyon at krisis pampulitika ang matabang lupa ay dapat sagpangin ng mga rebolusyonaryong pwersa upang mabilis na idirehe at itransporma ang poot ng bayan tungong makauring galit. Babagsak lamang ang bulok na sistemang pinamumugaran ng parasitikong burukratang kapitalismo sa pamamagitan ng pagsulong ng pambansa demokratikong rebolusyon sa nagkakaisang lakas ng mamamayan.