Lathalain Diwa at pakikibaka ni Ka Dodong sa harap ng mga “proyektong pangkaunlaran” sa Laguna de Bay

Ang bawat hampas ng sagwan ni Ka Dodong sa Laguna de Bay ay kaakibat ng kanyang determinasyong dala ng higit 40 taong pakikibaka sa lawa. Hindi lang isda ang kanyang nakakamit sa paglayag sa dilim tuwing madaling araw—kundi pag-asa, kabuhayan at karapatan laban sa mga pakana ng mga naghaharing uri na kamkamin ang lawa sa tabing ng mga “proyektong pangkaunlaran.”

Si Ka Dodong, 61 taong gulang, ay isang mangingisdang halos buong buhay na ang inialay sa lawa. Kasama ang kanyang maybahay at bunsong anak, tahimik nilang binubuno ang araw-araw mula sa kanilang maliit na tahanang itinayo sa gilid ng lawa—na ngayo’y nanganganib na mawala dahil sa banta ng demolisyon at dislokasyon.

Ang buhay nila’y umiikot sa ritmo ng lawa. Ala-una pa lang ng madaling araw, pumapalaot na si Ka Dodong sa sariling bangka dala ang lambat at ilaw. Sa gitna ng dilim, humahanap siya ng huli upang may maipangtustos sa pagkain, kuryente at pang-araw-araw na gastusin. Ngunit sa kabila ng sipag at tiyaga, unti-unting napapawawalang-saysay ang hirap at pagod.

“Dati, sapat ang kita. Kayang-kaya ang pamilya. Ngayon, kahit magdamag sa lawa, dalawang kilong tilapia lang ang mabenta sa ₱60. Lugi. Nilulunod kami sa hirap,” ani Ka Dodong.

Ang mga proyektong ipinagmamalaki ng pamahalaan bilang sagot sa “kaunlaran” ay sa kanila’y nagiging ugat ng kahirapan. Mula sa Fisheries Zoning at Management Plan noong dekada 1990, hanggang sa Laguna Lakeshore Expressway Dike Project sa panahon ni Aquino, walang nakamit na benepisyo ang mga mangingisda. Sa halip, nililimitahan nito ang pangingisda, ginulo ang likas na tirahan ng mga isda at sa gayon ay tinanggalan ng kakayanan ang mga lokal na residente na maghanapbuhay.

“Pagdating ng mga proyektong ‘yan, parang itinapon kami. Binulabog ang lawa, pinalayas kami sa sariling tahanan,” paliwanag ni Ka Dodong.

Sa ilalim ng kasalukuyang rehimen ni Ferdinand Marcos Jr., lalupang lumala ang kalagayan. Isinusulong ngayon ng pamahalaan at ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) ang Laguna Lakeshore Road Network Project (LLRN) at ang Laguna Lake Floating Solar Project—isang dambuhalang proyekto na sasakop sa 2,000 ektaryang bahagi ng lawa.

Para kina Ka Dodong, ito’y tahasang pagwasak sa kabuhayan ng libu-libong mangingisda.

“Wala pang konstruksyon, pero araw-araw kaming binabagabag. May mga pumaparito, dala ang mga plano, pero walang malinaw. Kung mawala ‘yung lawa, saan kami pupunta? Saan kami huhuli [ng isda]? Paano kami mabubuhay?” tanong niya, bakas ang galit sa kanyang tinig.

Walang pangakong relokasyon. Walang katiyakang hanapbuhay. At kung meron mang ibinibigay na kaunting ayuda mula sa mga kumpanyang kasangkot sa proyekto, buong tapang itong tinatanggihan ni Ka Dodong.

“Hindi kami basta-basta magpapasuhol. Hindi pwedeng bayaran ang karapatang mabuhay. Hindi pwedeng tumbasan ng grocery o tseke ang kinabukasan ng pamilya ko,” giit niya.

Hindi lamang tirahan ang nakaambang mawala—kundi mismong dangal ng mamamayang pilit na nais gapiin ng mga desisyong walang konsultasyon, walang puso at walang pakundangan.

Sinasalamin ng katahimikan ng lawa ang katahimikan ng mga namumuno—walang paliwanag, walang pananagutan at higit sa lahat, walang katarungan.

Habang nilulunod ng pamahalaan sa mga “green energy” at “infrastructure boom” ang kabuhayan ng maliliit na mangingisdang tulad ni Ka Dodong, kinakanlong nito ang malalaking korapsyon. Lalong lumalalim ang kawalan ng hustisya at lalong tumitining ang panawagan: Ibalik ang lupa’t tubig sa mga magsasaka, mangingisda at mamamayang Pilipino na tunay na nagmamay-ari at tagapangalaga nito!

Sa bawat pagbagsak ng lambat ni Ka Dodong sa lawa, kasabay nitong lumalalim ang paninindigan: Hindi siya isda na basta-basta mahihila mula sa tubig at mabibitag. Isa siyang mamamayang patuloy na lalaban para sa karapatan—para sa kanyang pamilya, para sa komunidad at para sa lawa at lupain.

Diwa at pakikibaka ni Ka Dodong sa harap ng mga “proyektong pangkaunlaran” sa Laguna de Bay