Mga tampok na tunggalian sa lupa sa rehiyong TK
Sa rehiyong TK, laganap ang tunggalian ng mga magsasaka at panginoong maylupa-malalaking burgesya komprador-burukrata kapitalista. Sa Cavite, iIang dekada nang kinakamkam ng mga Aguinaldo ang Barangay Tartaria, Silang at mga Ramos ang Brgy. Langkaan 1, Dasmariñas. Anumang oras ay maaaring muling pumutok ang tensyon sa mga lugar na ito. Sa Rizal, kinakamkam ng Sta. Lucia Development Corporation ang lupa sa Sityo Rawang, Barangay Tandang Kutyo sa Tanay. Sa Batangas, inilalaban pa rin ng mga magsasaka sa Nasugbu ang kanilang karapatan sa lupang saklaw ng Hacienda Roxas. Sa Palawan, nananatiling kontrolado ng estado ang Yulo King Ranch at kinakamkam ng San Miguel Corporation ang lupain ng mga taga-Balabac Island. Sa Mindoro, muling inaagaw ng pamilyang Almeda ang lupain sa Malatabako, Abra de Ilog na nilalabanan ng mga katutubong Mangyan-Iraya kasabay ng paglaban ng mga magsasaka sa pambabakod sa Guinobatan, Calapan. Palalayasin din ang mga Mangyan Buhid sa San Jose, Rizal at Bongabong ng huwad na proyektong pangkaunlarang Tamaraw Reservation Expansion Project. Sa Quezon, mas matindi ang pamamayagpag ng mga PML na Matias, Murray, Uy atbp. sa Bondoc Peninsula.
Samantala, sa iba’t ibang panig ng rehiyon, nagpapatuloy ang banta ng muling pangangamkam at rekonsentrasyon ng lupa sa mga PML at iba pang mga korporasyon kahit pa may mga hawak nang Certificate of Land Ownership Award (CLOA) ang mga magsasaka na palatandaang huwad talaga sa kaibuturan ang reporma sa lupa ng estado. Bibigyang-daan nito ang iba’t ibang proyektong “pangkaunlaran” ng dayuhan at lokal na mga mandarambong tulad ng mga proyektong ekoturismo, enerhiya, kalsada at iba pa. Magreresulta ito sa malawakang dislokasyon ng komu-komunidad ng mga magsasaka, pagkawala ng kanilang hanapbuhay at ari-arian at ibayong karalitaan sa kanayunan.