Pangunahing Lathalain Marcos Jr., numero-unong pahirap sa masang magsasaka
Lalong lumubog ang kabuhayan ng masang magsasaka sa Timog Katagalugan at buong bansa sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II. Inutil at kibit-balikat siya sa hinaing at panawagan ng magsasaka sa kawalan ng lupa, mababang presyo ng produktong bukid, napakataas na gastos sa produksyon, ayuda, mababang sahod ng manggagawang-bukid, mataas na usura at iba pa. Tulad ng kanyang ama, nagpapatupad siya ng mga kontra-magsasakang batas at proyekto pabor sa interes ng naghaharing kumprador-panginoong maylupa’t burukrata kapitalista at mga dayuhang mamumuhunan.
Inaalagaan at pinananatili ng rehimeng Marcos II at buong naghaharing sistema ang pyudalismo at malapyudalismo na pangunahing pasakit sa masang magsasaka. Resulta nito, nananatiling agraryan at pre-industriyal ang ekonomya habang maliitan, atrasado at hiwa-hiwalay ang produksyon sa bansa. Kabalintunaang nasa 7.0% ang agrikultura sa growth domestic product sa kabila na isang bansang agrikultural ang Pilipinas. Idinikta ito ng pagkubabaw ng imperyalismong US sa lahat ng aspetong panlipunan. Pinapatay nito ang lokal na produksyon para lubusang isandig ang bansa at gawing labis na palaasa sa US at iba pang mga bansa.
Nilulubos ni Marcos Jr. ang pagsasadlak sa napakahirap na kalagayan at madilim na kinabukasan para sa masang magsasaka sa pamamagitan ng pagpapaliit ng mga hadlang at pagtatanggal ng mga restriksyon sa kalakalan at pagpapasok ng mga imported na produktong agrikultural. Pinasok niya ang tagibang na kasunduan sa pagpapataw ng taripa sa US, kung saan may patong na 19% taripa ang mga produktong i-eeksport sa US habang 1% lamang ang taripa sa mga produktong iimport ng US.
Resulta ng pagpapatupad ng salot na Rice Tarrification Law (RTL) at walang-patumanggang importasyon ang napakababang presyo ng palay at iba pang produktong bukid. Pumalo sa Nasugbu, Batangas kamakailan ang sagad-sa-babang presyo ng kada kilo ng palay na ₱5 habang ₱6-7 naman sa ibang rehiyon—lubhang malayo sa ₱14 na itinatakda ng DA na karaniwang presyo ng kada kilo ng palay sa buong bansa. Kahit itong ipinagmamalaking presyo ng DA ay wala na sa hulog sa gitna ng napakataas na gastos sa produksyon ng palay. Giit ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, dapat lapat na magsiyasat ang kagawaran sa dapat na itakdang presyo ng kada kilo ng palay batay sa lubhang mataas na gastos sa produksyon, na noong 2023 pa lamang ay nakikitang nagdoble na ang halaga sa ₱14. Noong 2019 pa iginigiit ng mga magsasaka sa palayan sa Mindoro ang ₱21 presyo ng kada kilo ng palay sa farmgate para makaagapay sila sa arawang gastusin at gastos sa produksyon. Malayong di hamak na mas mataas na ngayon ang gastos sa produksyon matapos ang walang patumanggang pagtaas ng presyo ng abono, pestisipyo, gasolina, krudo at iba pa.
Nakapako sa mababang halaga ang sahod ng manggagawang-bukid na ₱300-350 at sa ilan ay mas mababa pa na ₱250 laluna sa hanay ng mga pambansang minorya. Karaniwan nang kalakaran sa kanayunang bahagi ng TK na ang mga magsasaka, sa panahong naghihintay ng ani sa kanyang mga pananim ay nagiging manggagawang bukid o nagpapaupa sa iba’t ibang trabaho sa bukid para kumita ng pera. Ang masaklap, bagsak na ang presyo ng produktong bukid at sahod na natatanggap, inaagawan na sila ng lupa at kabuhayan pero sobrang taas ng mga bilihin at serbisyo dulot ng implasyon at value-added tax.
Walang naaasahang suporta ang mga magsasaka mula sa estado. Lubhang maliit na ang inilalaang pondo sa mga ahensyang may kaugnayan sa agrikultura, kinukurakot pa. Sa pag-aaral ng IBON Foundation noong 2024, umabot lamang sa 3.4% ang dagdag-badyet sa sektor na mas mababa sa napakaliit nang 5.2% istorikal na abereyds sa nagdaang 40 taon. Maliit ang nakalaang pondo sa ayuda laluna sa gitna ng sumisirit na implasyon at sunud-sunod na pagtama ng kalamidad sa bansa. Sa kabaligtaran, buhos ang pondo ng estado sa pinakakurakot na mga ahensya tulad ng DPWH, AFP, PNP at DND. Higit sa lahat, eksponensyal ang paglaki ng pondong ipinauubaya kay Marcos sa anyo ng unprogrammed funds na pinanggagalingan ng malaking kurakot ng rehimen.
Nakapagngangalit para sa mga magsasaka ang sumasambulat na mga dambuhalang kaso ng korapsyon sangkot si Marcos Jr, mga senador, ilang mga kongresista at kasabwat nilang mga kontraktor sa mga huwad o di kaya’y substandard na mga proyektong flood control, farm-to-market road (FMR) at iba pa. Kabilang sa mga ito ang mga FMR na ginagawa sa Quezon, Mindoro at Palawan na inirereklamo hindi lang ng mga magsasaka kundi ng iba pang aping uri at sektor. Kung talagang seryoso ang rehimeng Marcos II, dapat niyang ilaan ang dambuhalang pondo ng bayan sa pagpapabuti ng agrikultura at ayudahan ang mga magsasaka, kasama ang mga manggagawa, na mga pangunahing prodyuser at bumubuo ng pinakamalaking bahagi ng populasyon ng bansa.
Sa halip, karahasan ang hatid ng estado sa mga magsasaka. Simula’t sapul, target ng karahasan at mga kontra-mamamayang gera ng estado ang mga magsasaka sa kanayunan. Sa panahon ng magkasunod na rehimeng Duterte at Marcos II, ang masang magbubukid ang pangunahing sumapo ng pinakabrutal at matinding pasistang pang-aatake ng mga armadong pwersa ng estado at mga PML. Sa halip na ayuda at tulong, bomba, bala at walang-patid na militarisasyon ang nanghahalihaw sa kanayunan na nagresulta sa komu-komunidad na pagbabakwit, dislokasyon sa kabuhayan at panirikan, pagkatigil ng kabuhayan, masaker, pamamaslang, pagdukot, iligal na pag-aresto’t detensyon, panghaharas, tortyur at iba pa. Nagkakailang magsasaka ang nagpapakamatay dahil sa di na mabatang kahirapan at karahasan ng estado laluna mula nang maupo si Duterte hanggang ngayon. Naitala ang 176, 940 biktimang magsasaka sa ilalim ni Marcos Jr. mula Disyembre 10-Hunyo 30, 2025. Katumbas ito ng 871 magsasakang kada araw na biktima ng paglabag sa karapatang tao. Sa isinagawang International Solidarity Mission ng iba’t ibang grupong nagtatanggol sa karapatang tao laluna ng mga magsasaka at pambansang minorya nitong Oktubre 11 sa Rizal at Mindoro, matinding panghaharas, pananakot at mga operasyong sabotahe ang isinagawa ng iba’t ibang yunit ng 2nd IDPA sa grupo para itaboy at palayasin sila. Pinaliliparan sila ng drone, mga helicopter at hinaharang. Pinipigilan silang makarating sa mga komunidad at makapanayam ang mga magsasakang biktima ng ilang dekadang pang-aapi.
Ngayong buwan ng mga magsasaka, hindi kataka-takang humuhugos sila mula sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon at bansa sa kalunsuran para ipahayag ang kanilang pagkamuhi at paglaban sa sistemang ito na puro pang-aapi at pagsasamantala ang hatid sa kanila. Wala nang ibang mas makatwiran at dakilang landas para ipagtanggol ang kanilang lupa, kabuhayan at karapatan kundi ang makibaka. Dapat singilin at isakdal ang rehimeng US-Marcos sa ibayong pagpapahirap at pang-aapi hindi lang sa masang magsasaka, habang garapalan ang pagnanakaw nito at ng kanyang mga alipures sa kaban ng bayan. Dapat siyang isakdal sa ibayong pangangayupapa sa interes ng imperyalismong US na pangunahing salot sa buhay at kabuhayan hindi lang ng mga magsasaka kundi ng masang Pilipino. Bilang pangunahing kinatawan ng mga naghaharing uri na may kontrol sa estado at lahat ng aparato nito, dapat siyang singilin at pagbayarin sa lahat ng kanyang krimen laban sa mga magsasaka at sa bayan. Para epektibong labanan at gapiin ang pasismo ng estado, dapat tangkilikin at palakasin ang demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba sa pangunguna ng masang magsasaka bilang pangunahing pwersa sa kanayunan.