Paigtingin ang pakikibaka laban sa korapsyon, wakasan ang burukrata kapitalismo

Sa gitna ng nakalulunod na kahirapang ipinataw ng sistemang malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino, bumulwak ang mga kilusang protesta ng sambayanan para singilin at papanagutin ang mga pulitiko at kasabwat nitong kontraktor sa talamak na pangungurakot sa pondo ng bayan. Kapuri-puri ang mga protestang isinagawa ng mga komunidad sa mga probinsya at pangunguna ng mga kabataan sa mga walkout sa iba’t ibang unibersidad sa bansa para kundenahin at singilin ang mga salarin.

Makatwiran ang sunud-sunod na protestang inilunsad ng sambayanan sa iba’t ibang panig ng bansa upang iparating ang kanilang pagkamuhi sa laganap na korapsyon ng estado. Naganap ang mga ito matapos malantad ang garapalang korapsyon ng reaksyunaryong gubyerno sa mga flood control projects (FCP). Mula maupo sa poder noong 2022, nilaanan ni Ferdinand Marcos Jr. ng ₱545 bilyong pondo ang 9,855 FCP ngunit lampas 6,000 sa mga ito ay palpak, di kumpleto at pinakamasahol, hindi totoo (ghost projects). Tampok na kinurakot ang mga FCP sa mga probinsya ng La Union, Pampanga, Bulacan at Oriental Mindoro. Mamamayan ang nagdurusa sa kapalpakan ng mga proyektong ito. Ngayong taon, gumuho ang isang dike sa ilalim ng FCP sa Lucena, Quezon na nagkakahalagang humigit kumulang ₱100 milyon, habang sa Oriental Mindoro, siyam na bagong gawang dike ang gumuho.

Dahil hindi na mapagtakpan ng estado, naobliga itong bumuo ng independyenteng komisyon para imbestigahan ang mga anomalya sa mga proyektong imprastraktura ng iba’t ibang ahensya ng gubyerno. Ngunit umani ito ng mga pagbatikos dahil wala naman itong planong isapubliko ang mga imbestigasyon. Higit na lumilinaw sa sambayanan na gagamitin lamang ang naturang komisyon para pagtakpan si Marcos, ang tunay na utak at hari ng korapsyon at idiin sa mga karibal na pulitiko at kontratistang hindi nagsesentro ng mga kikbak sa Malakanyang.

Anumang pagtatakip na gawin ng estado, sadyang lumalabas ang masangsang na baho nito. Ginawa itong pagkakataon ng pangkating Marcos at Duterte na magbatuhan ng putik sa isa’t isa samantalang kapwa naman silang nakinabang sa mga maanomalyang FCP. Nagsimula pa ang pangungurakot sa pondo ng FCP noon pang rehimen ni Rodrigo Duterte. Kapwa pang tumanggap sina Marcos Jr. at Sara Duterte ng donasyon para sa kampanyang elektoral sa mga kontratistang sangkot sa korapsyon ng FCP.

Bukod sa mga anomalya sa FCP, unti-unti na ring nauungkat ang iba pang mga proyektong nasasangkot sa korapsyon kagaya ng mga farm-to-market roads at kinukwestiyon ang malalaking “singit” (insertions) sa pambansang badyet para sa pork barrel sa anyo ng unprogrammed appropriations, mga proyekto sa Department of Public Works and Highways (DPWH) hanggang sa mga pondong militar sa NTF-ELCAC, AFP modernization, barangay development program at iba pa. Nasa ₱15 bilyon ang military ghost projects ng AFP sa ilalim ng TIKAS, proyektong imprastrakturang katuwang ang DPWH habang ₱500 milyon naman ang idinagdag na “singit” sa pondo ng PNP sa intelidyens. Sa pambansang badyet sa 2026, umaabot ng ₱695 bilyon ang pork barrel na mahahati sa ₱281 bilyong sariling pork ni Marcos Jr. at ₱414 bilyon sa mga mambabatas. Kabilang sa pork ang mga singit sa DPWH na ₱174 bilyon na paghahatian ng 318 kongresista (₱230 milyon bawat isa) at 24 senador (₱3.2 bilyon bawat isa) habang may ₱24 milyon pang sobra na laan sa pangulo.

Simula’t sapul, si Marcos Jr. ang utak ng korapsyon sa likod ng maanomalyang FCP. Siya ang may kontrol sa mga dagdag-bawas sa panukalang pambansang badyet hanggang sa pag-apruba nito. Malaya niyang pinagpapasyahan kung ilan ang kanyang taunang confidential intelligence fund (pondong hindi obligadong isapubliko kung saan ginastos) at unprogrammed appropriations fund (pondong walang tiyak na paglalaanang proyekto subalit kinabibilangan ng mga lump-sum projects na walang breakdown o walang detalye ng gastos). Silbing pork barrel ang unprogrammed appropriation na pinalobo ni Marcos Jr. ng ₱807.16 bilyon noong 2023, ₱731.45 bilyon noong 2024 at ₱363.42 bilyon noong 2025. Nasa 320% ang itinaas ng unprogrammed appropriation noong 2023 kumpara noong 2022.

Mahaba na ang kasaysayan ng pangungurakot ng reaksyunaryong gubyerno sa pondo ng bayan. Pinakamasasahol sa mga ito ang diktador na si Ferdinand Marcos Sr. (1965-1986), na napabantog sa buong mundo na nagsagawa ng pinakamalaking pagnanakaw ng isang gubyerno; si Joseph Estrada (1998-2001); Gloria Macapagal-Arroyo (2001-2010); Benigno Aquino Jr. (2010-2016) at Rodrigo Duterte (2016-2022). Kinasangkutan nina Arroyo ang NBN-ZTE deal scam, ang pork barrel scam ni Aquino at ang grabeng korapsyon noong pandemyang COVID-19 sa ilalim ni Duterte. Hindi rin ligtas ang mga ayuda at pautang ng dayuhan sa burukratikong kurakot. Katunayan, tinapos ng bawat rehimen sa kasaysayan ang kanilang terminong baon sa lumalaking utang: mula $600 milyon bago ang diktadura; $28.3 bilyon kay Marcos Sr.; $30 bilyon kay Cory Aquino; $46 bilyon kay Ramos; $52 bilyon kay Estrada; $64.73 bilyon kay Arroyo; $77 bilyon kay Aquino II; $224.9 bilyon kay Duterte at $310 bilyon kay Marcos (2025). Pinatutunayan nito ang korapsyon bilang sistematikong problemang kaakibat ng lipunang malakolonyal at malapyudal. Nagagawa ito ng mga burukrata kapitalista dahil iginagawad itong konsesyon sa kanila ng imperyalismong US para ipagtanggol ang interes sa pulitika at ekonomya nito, panatilihin ang pyudalismo at bulok na kaayusan ng estado.

Bilang tagapangalaga ng malakolonyal at malapyudal na lipunan, ginagamit ng uring burukrata kapitalista ang pasismo sa bayan. Patunay rito ang naganap noong Setyembre 21 kung saan pinaulanan ng bala, pinasabugan ng tear gas at binomba ng tubig ng mga pulis ang mga nagprotesta sa utos ni Marcos Jr. Inaresto ang 277 kabilang ang mga menor de edad at iligal na kinulong, inabuso, tinortyur at sinampahan ng mga gawa-gawang kaso. Ang ipinakikitang pangil ng gubyerno ay desperadong hakbang ng rehimen para sindakin ang taumbayan at pigilan ang anumang makatarungang protesta laban sa estado habang tumatakas sa pananagutan.

Habang lumalala ang tunggalian sa hanay ng mga naghaharing uri at api’t pinagsasamantalahan, kailangang lalong pahigpitin ang pagkakaisa ng mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, propesyunal at pambansang minorya. Buuin ang kanilang sariling solidong lakas para usigin at papanagutin ang kurakot na gubyerno. Dapat silang magtagumpay sa pagtatayo at pagpapalawak ng pagkakaisa ng mamamayan laban sa kurapsyon at burukrata-kapitalismo kabilang na ang naliliwanagang elemento at grupo sa hanay ng panggitnang pwersa at pambansang burgesya. Gawing inspirasyon ang mga pakikibaka sa kasaysayan kagaya ng EDSA I na nagpatalsik sa diktadurang Marcos I, EDSA II na nagpatalsik sa korap na rehimeng Estrada at tuluy-tuloy na kampanyang paniningil sa korapsyon noong mga rehimeng Arroyo at Aquino II.

Dakilang tungkulin ngayon ng mga pambansa demokratikong pwersa na pamunuan, isustine, palawakin at itaas pa ang antas ng kampanyang pagpapanagot sa rehimeng US-Marcos. Ikawing at itaas ang antas ng pakikibaka ng bayan sa landas ng pambansa demokratikong rebolusyon.

Ilunsad ang malawakang propaganda at edukasyon na nagpapaliwanag sa kabulukan ng burukrata kapitalismo at ang ugnayan nito sa imperyalismo at pyudalismo—ang tatlong salot na ugat ng kahirapan ng bayan. Isagawa ang mga study circle, pulong/grupong talakayan at pulong masa sa mga komunidad, pagawaan, sakahan at eskwelahan. Gamiting pagkakataon ito upang magpalawak ng hayag na organisasyon at lambat ng lihim na kilusan. Palakasin ang mga bag-as ng Partido sa mga rebolusyonaryong organisasyong masa para epektibong pamunuan ang pambansa demokratikong kilusan.

Patuloy na ilantad ang paghuhugas-kamay ni Marcos at bunutin ang galit sa dibdib ng mamamayan sa pasismong inihahasik ng estado para panatilihin ang bulok na kaayusan. Kailangang itaas ang pagkamuhi ng mamamayan sa makauring galit upang matapang silang bumangon at labanan ang nagbabantang muling pagpapataw ng kamay na bakal ng estado.

Sa pagkalantad ng mga anomalya at katiwalian sa kamay ng mga burukrata kapitalista, lalong pinahihinog ni Marcos Jr. ang kalagayan para sa pagsusulong ng pambansa demokratikong rebolusyon. Higit na pinatutunayang makatarungang mag-aklas sa isang mapagsamantala at mapang-aping sistema. Ang tunay na pagbabago ng sistema ng lipunang Pilipino ay magaganap lamang sa isang radikal na pagbabago sa anyo ng pambansa demokratikong rebolusyon upang ibagsak ang umiiral na bulok na sistema at palitan ng gubyernong nagtataguyod ng tunay na kalayaan, karapatan at hustisyang panlipunan.

Paigtingin ang pakikibaka laban sa korapsyon, wakasan ang burukrata kapitalismo