Kilos Protesta Higit 100,000 mamamayan, nagprotesta laban sa korapsyon

Humugos ang halos 2,000 mamamayan ng TK tungong Maynila noong Setyembre 21 para makiisa sa martsa ng bayan na muhing-muhi na sa burukratikong kurakot at katiwalian ng rehimeng US-Marcos II. Lumahok ang delegasyon ng rehiyon sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan-ST (BAYAN-ST) sa pagtungo sa mayor na delegasyon sa Luneta, Maynila. Lumuwas ang mga kabataan, magsasaka, manggagawa, maralitang lungsod, drayber at iba pang aping uri at sektor mula sa iba’t ibang probinsya ng TK para lumahok at makiisa sa pambansang kilos-protesta.

Mas maaga pa, pinangunahan ng BAYAN ang isang programa mula ala-sais ng umaga hanggang ala-una ng hapon. Matapos ito, nagmartsa ang mas malaking delegasyon tungong Mendiola. Dito nila ipinahayag ang kolektibong galit at paniningil sa rehimeng US-Marcos II. Kahit Nagbarikada man ang mga pulis sa tulay ng Mendiola, tagumpay na natapos ang programa at kilos-protesta sa araw na iyon. Nagkaroon din ng hiwalay na pagkilos sa Edsa Shrine sa Ortigas na nagmartsa tungong White Plains sa Quezon City.

Ayon sa BAYAN, malinaw ang mensahe sa araw na iyon sa Luneta, Mendiola at EDSA sa Maynila at buong bansa: sawang-sawa na ang mamamayan sa pandarambong ng pampublikong pondo at abuso sa kapangyarihan ng mga nasa otoridad. Galit na sila at pinananagot ang mga sangkot. Magpapatuloy ang protesta laban sa korap na sistema. Hindi dapat bumaling sa karahasan o pagsupil sa paglaban ng mamamayan ang sinumang nasa otoridad.

Dahil sa di mapigil na galit laluna ng mga pangunahing biktima ng mga pagbaha, sumiklab ang kumprontasyon at karahasan sa Mendiola sa pagitan ng mga pulis at mga ralyista. Pinatunayan ng mga dokumentasyong bidyo at larawan ang brutal na pagsagupa ng mga pulis sa mga walang kalaban-labang kabataang sumama sa protesta at idinamay pa ang mayor na delegasyon. Hindi pa nasapatan, inaresto pa ng mga pulis ang 277 indibidwal kung saan 91 ang menor de edad. Dumanas ng kalupitan sa kamay ng mga pulis ang mga inarestong nagprotesta.

Parang asong ulol pang naghuramentado ang mga pulis nang paslangin nito si Eric Saber, isang manggagawa na napadaan lang Recto galing sa trabaho. Namatay din ang isang menor de edad na si March Chustin Serbo na kasama sa mga nagprotesta matapos saksakin ng kapwa sibilyan.

Sa huli, sa kabila ng pagsisikap ng rehimeng pagtakpan ang naganap na krimen at isisi sa mga nagprotesta ang kaguluhan, bumwelta ito sa kanila sa higit pang pagdami ng pumuputok na mga kilos-protesta sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon at bansa. Ayon sa BAYAN-ST, “kahit ano pang pandarahas ng kapulisan, pananakot sa taumbayan, fake news, red-tagging, at pambabaluktot ng mga naratibo sa nangyaring protesta, hinding-hindi nito mapagtatakpan ang tagumpay ng mamamayan noong Setyembre 21.” Pinagpugayan nito ang lahat ng lumahok sa makasaysayang kilos-protesta kasabay ng paggunita sa ika-53 taon ng Martial Law ng matandang Marcos.

Higit 100,000 mamamayan, nagprotesta laban sa korapsyon