Bantay Karapatan Pambobomba, panganganyon at pang-iistraping ng 203rd IBde, kinundena ng NDFP-Mindoro

Kinundena ng National Democratic Front-Mindoro ang walang patumanggang istraping mula sa helikopter at panganganyon ng mga pasistang tropa ng 203rd IBde mula hapon ng Setyembre 9 hanggang madaling araw ng Setyembre 10 sa Sityo Tugas at paligid nito, Brgy. San Vicente, Roxas. Naganap ang mga paglabag matapos ang labanan sa pagitan ng yunit ng Lucio de Guzman-BHB Mindoro at 1st IBPA.

Tinarget ng pang-iistraping at panganganyon hindi lamang ang mga kagubatan kundi ang mga taniman, komunidad ng mga katutubong Mangyan, at mga lugar na pinaghihinalaan nilang inatrasan ng napalabang yunit ng BHB nang walang konsiderasyon sa epekto ng mga ito sa buhay at kabuhayan ng mga sibilyan. Dahil sa labis na takot ng mga residente, napilitang lumikas ang daan-daang katutubong Mangyan kabilang ang mga bata, kababaihan at matatanda na taga Sityo Tugas, Sityo Swerte at mga karatig nitong sityo at bahayan.

Ayon kay Maria Patricia Andal, tagapagsalita ng NDF-Mindoro, “Walang ibang layunin ang paghahasik ng teror ng 203rd IBde kundi takutin ang mamamayan laluna ang mga magsasaka at katutubong Mangyan upang huminto sa paglaban at pagsuporta sa BHB. Sinisindak din ng 203rd IBde ang rebolusyonaryong pwersa laluna ang BHB sa pag-aakalang ang eksaheradong paggamit ng superyor na pwersa at rekurso ay magpapatigil sa mapanlabang diwa ng mamamayan at BHB.”

Pambobomba, panganganyon at pang-iistraping ng 203rd IBde, kinundena ng NDFP-Mindoro