Koresponsal Walkout ng pagkakaisa sa UPLB, isang protesta kontra-katiwalian at kontra-budget cut

Sa gitna ng patuloy na paghihirap ng mamamayan sa mga maling polisiya at katiwalian, muling nagsama-sama ang mahigit 7,000 estudyante, guro at kawani ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) para sa isang makasaysayang walkout noong Setyembre 19. Nagmartsa mula sa iba’t ibang kolehiyo ang mga konseho ng mag-aaral at organisasyon bago nagsama-sama sa Oblation Park ng kampus. Kasama nila sa walkout ang mga jeepney drayber at mga residente ng Los Baños.

Anim na taon mula nang huling maganap ang malaking walkout sa UPLB. Ipinamalas ng mga estudyante, guro at mga kawani ng pamantasan ang kanilang tapang na lumiban sa klase at trabaho upang iparating ang hindi matitinag na galit sa walang habas na pang-aabuso ng mga nasa kapangyarihan. Ipinarating sa pagkilos ang boses hindi lamang ng mga estudyante ng pamantasan kundi ng buong bansa: mula sa mga budget cut ng estado sa state universities and colleges hanggang sa patuloy na katiwalian ng mga tradisyunal na pulitiko. Ang walkout ay simbolo ng tungkulin ng bawat kabataan na magsalita at lumaban para sa isang lipunang nagtataguyod sa interes ng nakararami.

Panawagan laban sa katiwalian at budget cut

Sa unang bahagi ng aktibidad, nagsagawa ang bawat kolehiyo ng mga desentralisadong programa bago magtipon sa Oblation Park. Laman ng mga panawagan ng mga estudyante ang pagpapataas ng badyet para sa edukasyon, serbisyong panlipunan at pagpapanagot sa mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa mainit na isyu ng korapsyon, partikular ang Department of Public Works and Highways (DPWH).

Pinag-uugnay ng pagkilos na ito ang mga henerasyon ng kabataan na hindi makakalimot sa kanilang papel sa pagpapabuti ng kasalukuyang lipunan. Dumalo at nagbigay ng mensahe si Atty. Filemon Nolasco, ang unang University Student Council (USC) Chairperson ng UPLB. Ayon kay Atty. Nolasco, “Hindi na namin kayang maghintay. Ito ang panahon ng paniningil. Ito ang panahon ng pananagot.” Panawagan niya sa mga kabataan na huwag hayaang magpatuloy ang mga maling sistema at kawalan ng katarungan.

Sa rurok ng pagkilos, itinatag ang UP Action Los Baños, isang alyansa na binubuo ng mga mag-aaral, guro, at mga kawani ng UPLB na magtutulungan upang itaguyod ang mas mataas na pondo para sa edukasyon at iba pang mga serbisyong panlipunan. Bitbit ng alyansa ang kampanya mula sa makamasa at maka-estudyanteng pamamahala sa pamantasan, hanggang sa isang mas makatarungang sistemang panlipunan.

Komemorasyon at balik-tanaw sa Martial Law

Kasama sa mga aktibidad sa araw na iyon ang forum na “Kwento at Konteksto: Pilipinas sa Pangil ng Buwayang Marcos” na pinangunahan ng College of Veterinary Medicine Student Council (CVMSC). Tinalakay dito ang mga karahasan ng Martial Law, tulad ng mga pang-aabuso sa mga katutubong komunidad sa Calauit. Ibinahagi rin sa forum ang mga kwento ng mga Tagbanua na biktima ng paglabag sa karapatang tao ng rehimeng Marcos.

Sinundan ang forum ng isang palihan sa komiks sa pangunguna ng Karma Kolektib, isang grupo ng mga progresibong artistang estudyante. Layon ng palihan na gamitin ang sining sa pagbibigay-boses sa mga api at pinagsasamantalahang sektor. Inilahad ng grupo na ang sining, hindi lamang sa anyo ng komiks, kundi sa lahat ng mga anyo nito, ay may lakas na magbigay ng liwanag sa madilim na realidad ng lipunan.

Samantala, isinagawa ang candle lighting ceremony at pagtatanghal ng Umalohokan Inc., isang organisasyong pang-teatrong pangkomunidad, para magbigay-pugay sa mga martir ng Martial Law. Sa kanilang mga alay na kandila, inalala ang mga buhay na nabuwal sa ngalan ng tunay na kalayaan. Nagsilbi itong paalaala na ang paglaban ay isang nagpapatuloy na proseso, hindi lang para sa mga naunang henerasyong nagbuwis ng buhay, kundi para sa mga kabataan ngayon na humaharap sa mga bagong anyo at lala ng pasismo at katiwalian.

Pagpapatuloy ng laban

Malinaw sa mga kabataan ng UPLB na ang kanilang laban ay laban ng bawat mamamayan. Sa kanilang pagtitipon sa Oblation Park, panawagan nila ang pagwaksi sa paghahari ng mga tiwaling lider at paghahangad ng isang pamahalaang tunay na maglilingkod sa interes ng mamamayan at hindi ng iilan. Bitbit ang diwang pinasiklab ng walkout, nagpapatuloy ang tapang na ipinamamalas ng mga Iskolar ng Bayan upang maglingkod sa interes ng sambayanang Pilipino.

Ipinagpatuloy ng daan-daang estudyante ng UPLB ang kanilang pagkilos sa labas ng pamantasan sa mga sumunod pang linggo. Kabilang rito ang pagkilos sa Luneta Park sa okasyon ng paggunita sa ika-53 taon ng deklarasyon ng Martial Law noong Setyembre 21.

Walkout ng pagkakaisa sa UPLB, isang protesta kontra-katiwalian at kontra-budget cut