₱38 dagdag-sahod sa Region XI, malayong di nakasasapat

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

“Hindi sapat para tustusan ang pangangailangan ng aming mga pamilya,” ito ang husga ng mga manggagawa sa rehiyon ng Davao sa kakalabas lamang na kautusan ng Regional Tripartite Wage Board (RTWPB)-XI noong Pebrero 20 para sa dagdag-sahod. Iginawad ng ahensya ang kakarampot na ₱38/araw na dagdag sa dating ₱443/araw na minumum.

Isa ang rehiyon sa pinakahuling nagtaas ng sahod. Bagamat kakarampot din, halos lahat ng ibang rehiyon ay nagtaas ng sahod noong nakaraang taon.

“Sa harap ng tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis, pagkain at iba pang batayang pangangailangan, tubig at kuryente, walang halaga ang ₱38 sa karaniwang manggagawa,” pahayag ng Kilusang Mayo Uno-Southern Mindanao Region (KMU-SMR). Ang bagong minimum na ₱481/araw ay malayong-malayo sa nakatakda noong Enero na ₱1,163/araw nakabubuhay na sahod sa rehiyon.

Panawagan ng grupo, kasama ng iba pang organisasyon ng manggagawa at sa komunidad, ang makabuluhang pagtataas ng sahod at pagpapatupad ng ₱1,100 arawang nakabubuhay na sahod sa buong bansa.

AB: ₱38 dagdag-sahod sa Region XI, malayong di nakasasapat