Balita

100 taon ng pandarambong at pandarahas ng Del Monte, di dapat ipagdiwang—KMP

Walang dapat ipagdiwang sa 100 taon ng pandarambong at pandarahas ng kumpanyang Del Monte sa lupa at lakas-paggawa ng mamamayang Pilipino, pahayag ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. Kaugnay ito sa pagpapabango ng kumpany para sa nakatakdang “pagdiriwang” nito ng isang siglong pamamalagi sa Pilipinas.

Patong-patong ang mga krimen ng pandarambong at pandarahas ng Del Monte sa mga manggagawa, magsasaka at Lumad na inagawan nito ng lupa. Malayo sa pinagandang imahe ng “corporate social responsibility” ng kumpanya ang pangwawasak nito sa kapaligiran, pagkakait ng kabuhayan ng daan-daang mamamayan, pang-aagaw ng lupang ninuno at pamamaslang sa mga lumalaban.

Isa sa mga biktima nito si Renato Anglao, isang lider-Lumad na pinatay noong 2017. Aktibo siya sa pagtatanggol sa lupang ninuno laban sa ekspansyon ng plantasyon ng Del Monte sa Quezon, Bukidnon. Kabilang siya sa marami pang mga Lumad at magsasakang tinarget ng mga plantasyon, kasabwat ang reaksyunaryong estado, dahil sa kanilang paglaban sa pang-aagaw ng lupa ng mga komersyal na plantasyon sa Mindanao.

Sa likod ng papuri sa kunwa’y “libreng pabahay, kuryente at tubig” ng kumpanya sa piling mga manggagawa, lansakan ang patakaran ng malawakang kontraktwalisasyon, di nakabubuhay na sahod at nakakukubang gawain sa plantasyon.

Dekada 1920 pa nagsimula ang operasyon ng Del Monte sa Bukidnon. Ang “hiniram” nitong mga lupa sa mga Lumad ay hindi na kailanman ibinalik sa kanila. Sa huling bahagi dekada 1990, ipinailalim ang plantasyon sa huwad na reporma sa lupa kung saan kunwa’y ipinamahagi ang lupa sa mga manggagawa pero binawi rin sa pamamagitan ng matagalang mga kasunduang leaseback at contract growing. Nanatiling walang lupa ang mga inagawan at ordinaryong manggagawang-bukid ang kunwa’y tunay na may-ari ng lupa.

Matindi ang naging epekto ng plantasyon sa kalupaan at kalikasan ng Bukidnon, ayon sa KMP. Dahil tinamnan ng iisang pananim ang libu-libong ektarya (monocropping), kinailangan nitong gumamit ng nakalalasong mga pestisidyo at kemikal na pumatay na sa lupa. Nagdulot ang mga kemikal na ito ng seryosong pinsala sa kalusugan di lamang ng mga manggagawa kundi pati sa mga komunidad sa loob at paligid ng plantasyon.

Sa isang siglong pandarambong ng kumpanya, nagsalit-salitan na ang mga dayuhang kapitalista at lokal na burgesya sa pag-aari sa kumpanya at sa bilyun-bilyong kita nito. Mula sa orihinal na nagmay-ari nitong kumpanyang Amerikano, pinasok ito sa pamilyang Lorenzo ng Lapanday Foods sa dekada 1900 at napasakamy ng San Miguel Corporation noong dekada 2000. Sa ngayon, pagmamay-ari ito ang pamilyang Campos, ang kumpanyang nagmamay-ari rin ng NutriAsia. Kilala ang NutriAsia sa pambabarat, kontraktwalisasyon at pandarahas sa mga manggagawa nito.

AB: 100 taon ng pandarambong at pandarahas ng Del Monte, di dapat ipagdiwang—KMP