Balita

12 sibilyan sa Masbate, ipinailalim ng 96th MICO sa malupit na interogasyon

,

Labis ang takot at troma ang idinulot ng malupit na interogasyon ng mga sundalo ng 96th Military Intelligence Company (MICO) sa 12 sibilyan at residente ng dalawang barangay sa bayan ng Uson, Masbate noong nakaraang linggo. Ipinailalim ang mga biktima sa matinding pagtatanong, pag-usisa at panghaharas para piliting umamin na mayroong kaugnayan sa Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Kinundena ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM)-Masbate ang arbitraryo at iligal na interogasyon sa mga biktima. Anang grupo, malaking perwisyo sa kabuhayan at araw-araw na aktibidad ng mga residente ang ginagawa ng militar sa kanila.

“Sa halip na makapokus sa pag-asikaso sa kanilang kabuhayan ay palaging nangangamba ang mga residenteng magsasaka na mapabilang sa biktima ng mga pakana ng militar,” pahayag ng PKM-Masbate.

Ayon sa ulat, ipinailalim ang 11 residente ng Barangay Madao sa malupit na interogasyon noong Mayo 29. Kinilala sila bilang sina Baby Bacud, Alex Tumampil Buguero, Baby Arnejo, Gaga Arabis, Indayle Arnejo, Bongbong Francisco, Fe Apinar Peregrino, Ashley Dahunan, Dayday Peregrino Abunda, Junalyn Balayan Tumampil at Lanie Masdo Merdejia. Pinilit at inobliga umano silang ituro ang mga kakilalang kasapi ng BHB sa kanilang lugar.

“Ito ay sa kabila ng mariing pagtanggi ng naturang mga residente na wala silang alam o hindi nila batid kung sinu-sino at saan matatagpuan ang hinahanap ng mga militar na kasapi ng BHB,” ayon sa PKM-Masbate.

Nangangamba ang ilang kamag-anak at pamilya ng residenteng si Merdejia na lumala ang sakit na dinaranas niya matapos ipailalim sa interogasyon. “Nahihirapan na siyang magsalita matapos inatake sa sakit sa puso at diabetic rin [siya],” pahayag ng PKM-Masbate.

Anang grupo, kinakasangkapan ng 96th IB sa ganoong mga operasyon ng panggigipit ang nagpapakilalang dating kasapi ng hukbong bayan na Norman Banggalisan (Jade). “Kung sinu-sino lang ang basta na lang [itinuturo niya] na may kaugnayan sa BHB,” ayon sa PKM-Masbate.

Samantala, binatikos rin ng PKM-Masbate ang paghulig at pagpapailalim sa interogasyon sa ina ni Lara Dumagan Potot mula sa Barangay San Jose. Ilang araw na idenetine ng militar ang biktima bago pinayagang umuwi sa mga kamag-anak sa Barangay Matagbac, Milagros.

“Batid ng mga residente, ang kinasasangkutang mga krimen ng 96th MICO sa ibang mga bayan sa Masbate kung saan pinalalabas lang ng mga ito na mga kasapi ng BHB ang kanilang mga biktima upang takpan ang kanilang krimen at paglabag sa karapatang-tao,” ayon sa PKM-Masbate.

Nanawagan ang grupo sa lahat ng Masbatenyo na ilantad at labanan ang desperasyon at pakana ng 96th MICO at ng pwersa ng reaksyonaryong estado. “Dapat kumilos ang mga Masbatenyo upang panagutin at singilin si Marcos Jr sa pagpapatupad ng batas militar sa kanayunan na nagbigay pahintulot sa mga militar na isailalim sa kapangyarihan ng militar ang burukrasya sibil at labagin ang karapatan ng mamamayan,” anito.

AB: 12 sibilyan sa Masbate, ipinailalim ng 96th MICO sa malupit na interogasyon