Balita

1,200 estudyante, guro at empleyado ng UP Baguio, nagwalk-out

, ,

Tinatayang 1,200 mga estudyante, guro at empleyado ng University of the Philippines (UP)-Baguio ang lumahok sa isinagawang walk-out para sa mataas na pondo sa edukasyon, transparency sa badyet, at pananagutan ng administrasyon noong Pebrero 26. Pinakamalaki ang demonstrasyon na ito sa nagdaang ilang taon sa UP Baguio.

Sa pangunguna ng Alliance of Concerned Students (ACS), nagmartsa ang mga grupo mula sa College of Social Sciences (CSS) tungo sa harap ng Iskolar ng Bayan (IB) Lobby sa UP Baguio. Pangunahin nilang binatikos ang maling paggamit sa pondo ng unibersidad na nailantad noong Disyembre 2024 sa Commission on Audit (COA) 2023 Annual Audit Report.

Laman ng ulat ng COA ang puna sa administrasyon ng UP Baguio dahil sa hindi paggastos sa ₱100.41 milyong pondong nakalaan para sa kampus. Ipinasasauli ng COA ang naturang pondo sa pambansang kabang-yaman dahil hindi na pinakikinabangan at ginamit ng unibersidad.

Liban pa, nalatanad din sa ulat ang “iregular, hindi kinakailangan at labis-labis” na mga gastos na hindi inilabas ang pera alinsunod sa batas. Kabilang dito ang napakalalaking halagang inilaan para sa honoraria at mga alawans na hindi pinahihintulutan sa batas. Dagdag pa rito ang iba pang mga anomalya at maling paggamit sa pondo ng UP Baguio.

“Higit dalawang buwan na ang lumipas mula nang inilabas [ang ulat]…subalit nananatili walang imik [ang administrasyon],” pahayag ng ACS. Giit nila sa pamunuan na harapin ang kanilang nasasakupan at tugunan ang kanilang agarang pangangailangan.

Ayon pa sa grupo, isa itong demokratikong karapatan na paulit-ulit nang ipinagsawalang-bahala ng administrasyon sa mga nagdaang buwan. Hindi sinipot ng mga administrador ng UP Baguio ang inilunsad na Town Hall Discussion (THD) sa nakaraan para sana talakayin at ipaliwanag ang isyu.

“Naglunsad tayo ng walkout ng tatlong sektor para ipakita na hindi lang tayo papayag na basta-bastang (nilulustay) `yong budget natin. Papayag na lang (ba) tayo na walang paliwanag ang administration? Hindi natin ito papalipasin,” pahayag ni Brenn Cabanayan ng Anakbayan-UP Baguio sa panayam sa UP Baguio Outcrop.

Kasabay ng protesta, isinumite ng tagapangulo ng UP Baguio University Student Council (USC), punong patnugot ng UP Baguio Outcrop at tagapangulo ng UP Baguio Council of Leaders ang isang 5-Point Budget Agenda sa adminsitrasyon ng UP. Laman nito ang panawagang seryosong tugunan ng administrasyon ang usapin at ulat ng COA at mga mungkahing hakbang para sa demokratiko at bukas na paggamit ng pondo ng unibersidad.

Nagpasalamat ang ACS sa naging masiglang paglahok ng mga kapwa nila estudyante, mga guro at empleyado ng UP Baguio sa isinagawang walk-out. “Patunay ang ating kolektibong paglabas sa apat na sulok ng mga silid-aralan na nasa atin lakas at pagkakaisa sa pagpapanday ng isang demokratikong pamantasan,” anang grupo.

AB: 1,200 estudyante, guro at empleyado ng UP Baguio, nagwalk-out