Balita

1M trabaho, nawala sa agrikultura at pagmamanupaktura sa nakaraang 12 buwan

,

Sa gitna ng pagmamayabang ng rehimeng Marcos kaugnay sa “malusog na ekonomya” at “pamilihan sa paggawa,” higit isang milyong trabaho ang naglaho sa nakaraang 12 buwan. Kasabay nito, sumirit ng 1 milyon ang mga manggagawang nagsabing kulang ang kanilang kita at naghahanap ng dagdag na trabaho.

“Ang malakng 1.1 milon na pagbaba sa empleyo at kaparehong 1 milyong pagtaas ng mga underemployed ay nagpapatampok sa kawalang kapasidad ng ekonomya ng Pilipinas na lumikha ng disenteng trabaho,” ayon sa Ibon Foundation.

Ayon sa pinakahuling isinapublikong Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority, 1.1 milyong trabaho ang nawala noong Marso ngayong taon, kumpara sa bilang noong Marso 2024. Lumiit ang labor force nang 1.2 milyon, mula 51.2 million noong Marso 2024 tungong 49.96 milyon sa March 2025. Sinasabi ng estado na dulot ito ng pagbabalik ng maraming indibidwal sa pag-aaral o umaalis sa trabaho para gumampan ng gawaing bahay.

Pero ayon sa Ibon Foundation, dumarami ang mga Pilipinong tumitigil maghanap ng trabaho matapos ng matagal na paghahanap. Ang mga ito ay inilaglag ng PSA sa datos ng pwersa sa paggawa.

“Mas malamang, lumiit ang labor force dahil mas maramng Pilipino ang hindi makahanap ng trabaho, kahit pa gaano katagal silang naghanap at sa gayon ay tumigil na lang, at di na naengganyong maghanap,” ayon sa Ibon Foundation.

“Pinakamalala ang pagbagsak ng bilang ng trabaho sa sektor ng agrikultura (610,000) habang 281.000 ang nawalang trabaho sa sektor ng pagmamanupaktura sa nakaraang taon,” ayon sa grupo. Lalupang lumiit ang bahagi ng agrikultura sa pinakamababang antas (8%) habang lumiit din ang bahagi ng pagmamanupaktura tungog 17.6%. Pinakamababa ito sa nakaraang 70 taon.

“Salamin ang mahinang paglikha ng mga trabaho ng lumalalang mga usapin sa agrikultura at industriya na susing mga sektor para sa sustanableng mga trabaho,” ayon sa Ibon.

May mga nalilikhang trabaho, pero ang mga ito ay mahina rin ang kalidad. Lumiit ang bilang ng mga sahuran at swelduhang mga manggagawa nang 1.1 milyon, karamihan mula sa mga pribadong kumpanya. Tinatayang nasa 20 milyong Pilipino ang nasa mga trabahong walang katiyakan at barat ang sahod. Lumaki tungong 6.44 miyon ang underemployed, karamihan sa sektor ng konstruksyon, retail, public administration at serbisyo.

“Salamin ang pagdami ng underemployed ng di nareresolbang krisis kung saan barat magpasahod ang mga trabaho,” ayon sa Ibon.

Pinagtatakpan lamang ng upisyal na estadistika ng disempleyo ang tunay na dami ng mga walang trabaho, ayon sa grupo. Isinasama ng PSA bilang “employed” o may trabaho ang 1.92 unpaid family worker at inilaglag naman nito sa bilang ng lakas paggawa ang 2.4 milyong manggagawa hindi na naengganyong maghanap ng trabaho.

Binatikos ng Ibon ang bukambibig ng estado na “jobs mismatch” o kulang sa kasanayan bilang dahilan ng laganap na disempleyo. Anito, hanggang di nalulutas ang batayang suliranin sa mga sektor ng agrikultura at indusriya, mananatili at lalala pa ang krisis sa trabaho sa bansa.

AB: 1M trabaho, nawala sa agrikultura at pagmamanupaktura sa nakaraang 12 buwan