2 aktibista, dinukot sa Nueva Ecija

Hindi pa natutunton ang kinaroroonan ng dalawang aktibistang sina Lee Sudario at Norman Ortiz na dinukot ng mga armadong pwersa ng estado noong Setyembre 29 sa Barangay Bantud, Gabaldon, Nueva Ecija. Ayon sa salaysay ng mga saksi, sapilitang isinakay ang mga biktima sa isang puting van bandang ala-1 at alas-2 ng madaling araw. Nagtangka pa umanong tumakas ang isa sa mga biktima ngunit nadakip siya at kinaladkad sa van.

Sa pahayag ng Karapatan-Central Luzon, sinabi nitong si Sudario ay malaon nang binansagang “terorista” ng National Task Force-Elcac at 91st IB sa isang porum nito sa Aurora. Sa aktibidad na ito rin umano inianunsyo ang “patong sa ulo” o pabuya sa makapagtuturo ng kinaroroonan ng biktima.

Liban dito, pinaratangan na rin ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si Sudario bilang isang kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at sinampahan ng gawa-gawang kaso ng paglabag sa Anti-Terrorism Law (ATL), Philippine Act on Crimes Againt International Humanitarian Law, Genocide and Other Crimes Against Humanity.

Pagbabahagi ng kaanak ng mga biktima, nakaranas sila sa nakaraan ng paulit-ulit na panghaharas mula sa mga elemento na estado sa naghahanap sa kanilang dalawa. Labis ang pag-aalala ng mga kaanak ng biktima para sa kaligtasan ng mga ito.

Nananawagan ang Karapatan-Central Luzon sa mga pwersa ng estado na kagyat ilitaw ang dalawang biktima at tumalima sa mga altuntuning pumapatungkol sa internasyunal na makataong batas. Anila, ang obligasyong ito ng mga pwersa ng estado ay malinaw na nakasaad sa Geneva Conventions ng 1949 at mga protokol nito, mga lokal na batas at maging sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na pinirmahan ng mga kinatawan ng Gubyerno ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines.

AB: 2 aktibista, dinukot sa Nueva Ecija